Pinoy Weekly

Aktibista sa Samar, ika-anim na biktima ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino

Mapa ng Eastern Samar kung saan matatagpuan ang Balangiga. (Google Maps)

Mapa ng Eastern Samar kung saan matatagpuan ang Balangiga. (Google Maps)

Isa na namang miyembro ng militanteng organisasyon ang pinaslang, hindi pa man nareresolbahan ang mga naunang kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Pinaslang si Casiano Abing, 56 taong gulang, ng isang pinaghihinalaang ahente ng estado, sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Balangiga, Eastern Samar, alas-7 ng gabi noong Agosto 25.

May asawa at limang anak si Abing, na bukod sa miyembro ng Bayan Muna sa lugar, ay isa ring sheriff ng Regional Trial Court sa Balangiga.

Nasa ikalawang palapag ng kanilang tahanan si Abing at ang pamilya niya, nang may kumatok at pinagbuksan ng kanilang kasambahay. “Tiningnan ni Abing kung sino ang taong naghahanap sa kanya. Bigla na lamang nakarinig ang pamilya ng sunud-sunod na putok ng baril, at nakitang nakahandusay  at sugatan si Abing,” ayon sa Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao.

Matapos barilin, nakapagsalita pa umano si Abing sa kanyang pamilya, at binanggit na nakita umano niya ang salarin ngunit hindi ito pamilyar sa kanya.

Matapos dalhin sa Alvino M. Duran Memorial Hospital, at dahil na din sa kawalan ng kagamitan para gamutin ang biktima, inilipat si Abing sa St. Paul’s Hospital sa Tacloban City na may layong isa’t kalahating  oras mula sa naunang ospital. Idineklarang dead upon arrival si Abing pagdating sa huling ospital na pinagdalhan sa kanya.

Ayon sa death certificate, nagtamo si Abing ng limang tama ng bala sa kanyang katawan at ang isa ay tumama sa kanyang atay.

Sinabi rin ng Karapatan na Abing ng mga kasamahan ni Abing sa RTC Balangiga sa huwes ng korte na  may kahina-hinalang mga lalaki na naghahanap sa biktima bago naganap ang insidente.

Si Casiano ay aktibong nangampanya para sa Bayan Muna noong nakaraang halalan. Siya ang ika-anim na aktbistang pinaslang mula ng maupo ang kasalukuyang administrasyon.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=9104

Posted by on Aug 30 2010. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes