Ang nilutong ‘kasunduan’ sa Hacienda Luisita

August 7, 2010

Leonarda Halili: Hindi isusuko ang laban para sa lupa sa Hacienda Luisita (Macky Macaspac)

Leonarda Halili: Hindi isusuko ang laban para sa lupa sa Hacienda Luisita (Macky Macaspac)

Bago umalis sa Hacienda Luisita sina Leonarda Halili at Gil Palaganas, nakarating ang balita na “naghahakot” ang manedsment ng asyenda sa bawat barangay na saklaw nito. Pinapapunta ang mga magsasaka sa loob ng first-class na subdibisyong Las Haciendas de Luisita, ayon sa dalawa na nagtungo naman sa Maynila para sa isang kilos-protesta.

Bandang alas-10 ng umaga noong Agosto 6, nilagdaan ng manedsment ng Hacienda Luisita, Inc. (HLI) at ng diumano’y representante ng mga magsasaka ang isang “kasunduan.” Kalakip ang P1.4-Milyong financial assistance, nakasaad dito na may opsyon ang mga benepisyaryo ng lupa na ariin ang mga sapi o shares ng kompanya sa ilalim ng Stock Distribution Option (SDO) o ang 1/3 na lupain ng asyenda na sumasaklaw sa 1,400 ektarya.

Nilagdaan ilang linggo bago ang pagdinig ng Korte Suprema sa Agosto 18 hinggil sa kaso ng HLI, itinakwil ng pamunuan ng United Luisita Workers Union (ULWU) at Alyansa ng mga Manggagawang Bukid ng Hacienda Luisita (Ambala) ang kasunduan bilang isang “bogus” na iskema ng pamilya Cojuangco-Aquino para makaiwas sa libreng pamamahagi ng lupa.

Masahol na ‘panlilinlang’

Kinumpirma ito nina Nanay Leonarda at Tatay Gil, mga miyembro ng ULWU. Kabilang sila sa mahigit 6,000 benepisyaryo ng lupa na matagal nang hinihintay ang hatol ng korte sa naunang desisyon ng Department of Agrarian Reform (DAR) na ipawalang-bisa ang SDO at ipamahagi ang lupa noong 2007.

Direktang sinasalamin ng kaso sa Hacienda Luisita ang tindig ni Pang. Benigno "Noynoy" Aquino III sa usapin ng repormang agraryo. (Macky Macaspac)

Direktang sinasalamin ng kaso sa Hacienda Luisita ang tindig ni Pang. Benigno "Noynoy" Aquino III sa usapin ng repormang agraryo, ayon sa mga magsasakang nagprotesta sa Mendiola noong Agosto 6. (Macky Macaspac)

“Panlilinlang ‘yung ginagawa sa amin,” ayon sa mga dating manggagawang-bukid sa panayam ng Pinoy Weekly sa Mendiola Bridge. Dito nagtipon ang mga magsasaka, kabilang ang mga taga-Hacienda Luisita, para kondenahin ang unang taong anibersaryo ng Comprehensive Agarian Reform Program with Extension and Reforms (Carper).

Hawak ni Nanay Leonarda ang isang kapirasong papel kung saan nakalista ang pangalan ng tinawag niyang mga “bayaran” at “pekeng” lider-magsasaka. Pumirma sa kasunduan sina Noel Mallari, nagpapakilalang lider ng Ambala, at Eldifonso Pungol, nagpapakilala namang lider ng ULWU. “Dati nga silang mga lider, pero bumaligtad na,” aniya. Pagbubulgar ni Tatay Gil, kasalukuyang nagmamay-ari ang mga ito ng hindi bababa sa 80 ektarya.

Malinaw na niluto umano ng pamilya Cojuangco-Aquino ang kasunduan. Walang konsultasyong naganap sa kanilang hanay. “Kahapon lang nag-iimbita yung manedsment na pumunta raw sa Las Haciedas. Pero sa pagtingin namin, iilan lang ang sumama,” ani Tatay Gil.

Para kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano, tila naulit ang pekeng referendum para sa SDO noong 1989 sa ilalim ng gobyerno ni dating pangulong Corazon Aquino. Sa panayam ng Pinoy Weekly, tinawag ni Mariano na “mapanlinlang, mapanghati, at di-makatarungan” ang kasunduan.

“Ang layunin nito ay para unahan ang Korte Suprema, para hindi ito makapagdesisyon batay sa merits ng kaso. Para anuman ang maging desisyon ng korte, mayroon silang (manedsment ng HLI) ilalako na bagong formula,” aniya.

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+197
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2010/08/ang-nilutong-kasunduan-sa-hacienda-luisita/
Instagram0
Follow by Email
RSS