Pinoy Weekly

Hostage Taking bilang Larawan ng Bansa

Sang-ayon ako sa mga komentaristang sina Angela Stuart-Santiago at Conrado de Quiros. Dapat ipinangako na lang ng pulisya at gobyernong Aquino na ibibigay ang hinihingi ng nang-hostage sa Luneta na si Rolando Mendoza noong Agosto 23. Hindi naman masyadong matayog: maibalik lang naman sa trabaho. Ang mahalaga ay kalmahin ang loob niya para mapalaya ang mga bihag niyang turista sa bus na iyun.

Pinansin naman ng Kilusang Mayo Uno ang tinawag nitong “takot sa dumadaming kahilingan (fear of heightening demands)” ng rehimen ni Presidente Noynoy Aquino. Bukod sa kapalpakan ng pulisya, ang usaping ito ang talagang nakakabagabag ng pag-iisip. Eh ano naman kung dumami pa ang hinihingi ni Mendoza? Napakasimple lang naman ng una, kaya hindi na malamang tumayog pa nang husto o nang major-major.

Lumabas tuloy ang pinagkakaabalahan ng rehimeng Noynoy: ang pahupain ang pag-igting ng mga kahilingan at ekspektasyon ng mga mamamayan sa gobyerno. Katulad ng paglalarawan ni Karl Marx sa ugnayan ng kapitalista at kapital, lumikha ng malakas na pag-asa ang kandidatura ni Noynoy, bagay na pinipilit kontrolin ng rehimen niya pero hindi makaya. Kahit dapat sumalubong na ito sa kahilingan, nagmatigas pa rin.

Kauna-unawa na sensitibo ang KMU sa usapin ng pagtugon ng gobyerno sa mga kahilingan. Kasama ng ibang progresibong organisasyon, binibigyang-boses nito ang kahilingan ng mga mamamayan sa harap ng pagmamatigas ng gobyerno. Pero sa mata ng gobyerno, iba ang mga progresibong organisasyon at iba ang mga mamamayan. Sa mata pa nga nito, bihag ang mga mamamayan at mambibihag ang mga progresibo.

Sa ganitong klase ng pag-iiba sa mga mamamayan at mga itinuturing ng gobyerno na kaaway mailulugar ang mga maniobra sa Hacienda Luisita: Iba ang kahilingan ng mga magsasaka sa kahilingan ng mga progresibo. Hindi ang kahilingan ng mga progresibo ang dapat pakinggan, kundi ang “kahilingan” ng mga magsasaka – kahit pa gawa-gawa lang din ang huli ng mga Cojuangco’t Aquino. Mapapagod din ang mambibihag.

Sa huli, lalabas din ang totoo: hindi nagmamalasakit ang gobyerno kahit sa itinuturing nitong mga bihag. Ang mahalaga talaga rito ay ang mapangalagaan ang sariling interes.

25 Agosto 2010

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=9065

Posted by on Aug 26 2010. Filed under (Kolum), Kapirasong Kritika. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

3 Comments for “Hostage Taking bilang Larawan ng Bansa”

  1. kailangan bang mang hostage ang isang pulis kung ito ay nawalan ng trabaho sa pag kapulis
    at sana dapat ay walang patayan na mangyayari

  2. noreen masinsin

    kailangan bang pahirapan ang mga pilipino na nagtatrabaho sa hk na wlng kinalaman sa nangyari at sna mbilis na rumesponde ang mga pulis sa nangyaring i2

  3. Teo

    Hindi talaga kailangang mang-hostage ng pulis na nawalan ng trabaho. Pero nangyari na nga. Ang tanong: ano ang ginawa ng gobyernong Aquino?

    Totoo, tinamaan talaga ang mga kababayan nating migrante sa Hong Kong. Rumesponde naman agad ang mga pulis, pero mali ang balangkas ng “pagresolba” nila.

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes