Judilyn ng Morong 43, sanggol niya ibinalik sa piitan

August 20, 2010

Sa kabila ng kanyang kondisyon, nakaposas na dinala ng mga kagawad ng BJMP si Judilyn Oliveros ng Morong 43 pabalik ng Camp Bagong Diwa mula sa Philippine General Hospital. (Kuha ni Dr. Geneve Rivera-Reyes)

Sa kabila ng kanyang kondisyon, nakaposas na dinala ng mga kagawad ng BJMP si Judilyn Oliveros ng Morong 43 pabalik ng Camp Bagong Diwa mula sa Philippine General Hospital. (Kuha ni Dr. Geneve Rivera-Reyes)

Nagsagawa ng noise barrage ang tinaguriang “Morong 43” sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig bilang protesta sa paglipat kay Judilyn Oliveros mula sa Philippine General  Hospital (PGH) pabalik sa naturang piitan.

Kapapanganak pa lamang ni Judilyn ng kanyang sanggol nitong Hulyo. Isa si Judilyn sa 43 manggagawang pangkalusugan na ilegal umanong inaresto ng mga sundalo noong Pebrero. Tinortyur at pinahirapan umano sila sa kamay ng militar.

Simbolo ang pag-iingay ng nanawagan ng Morong 43 kay Pang. Benigno  “Noynoy” Aquino III na kagyat na palayain si Judilyn at ang kanyang sanggol, at siyempre ang buong 43 manggagawang pangkalusugan.

“Kami ang 43 mangagawang pangkalusugan ay matibay na nanindigan na ipagpapatuloy ang kampanya upang si Judilyn at kanyang sanggol ay mapalabas sa bilangguan.  Maging sa panahon ng diktadurang Marcos, ang mga detinidong buntis at mga inang nagpapasuso ay pinalabas sa kulungan.  Umaapila kam kay Pres. Aquino III para sa makataong  pagtrato at mabilisang hustisya sa pamamagitan ng kagyat na pagpapalaya sa mag-inang Judilyn,” pahayag ng mga detinido.

Bilang pagtugon sa isinagawang noise barrage, sinuspinde ng  mga opisyal ng Camp Bagong Diwa ang oras ng pagdalaw ng mga kamag-anak ng  mga bilanggo sa loob ng detensiyon.

We are outraged of the prison official’s drastic and inhumane response to the female detainees’ peaceful expression of discontent.  They did not violate any prison policy and thus do not deserve such maltreatment,”   ayon kay Carlos Montemayor, tagapagsalita ng Free the 43 Health Workers Alliance.

Noong Lunes, ibinasura ni Morong Regional Trial Court Judge Gina Escoto ang petisyon ng mga abogado ng Morong 43 na palayain ng korte si Judilyn at ang kanyang bagong panganak na sanggol, sa kabila ng pag-atras ng opposition ng government prosecutor laban sa  petisyon.

Sa kautusan ng  korte na may petsang Agosto 16, kagyat na inatasan ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na muling ibalik sa loob ng Camp Bagong Diwa ang bagong panganak na  si Judilyn kasama ang kanyang sanggol kahapon.

Dismayado ang Free the 43 Health Workers Alliance sa desisyon ng korte at pagkabigo nito na kilalanin ang mga mabibigat na dahilan sa pagsasama ng mag-ina sa labas ng detensiyon.  Binatikos din ng grupo ang pamamaraan ng mga kapulisan sa pagtrato umano kay Judilyn at pagsawalang-bahala sa mga protocol ng ospital.  Ayon pa sa grupo, aabot sa 20 pulis ang sapilitang kumuha kay Judilyn at inilabas ng ospital nang nakaposas.

“Si Oliveros ay hindi convicted na kriminal at siya ay ikinulong sa paraang ilegal. Ang mga karapatan niya ay nilabag noong siya ay ilegal na arestuhin kasama ng iba pa, isinailalim sa sikolohikal na tortyur  at patuloy na  pinapahirapan sa pamamagitan sa iligal na pagdetine,” giit ni Montemayor.

Kinondena naman ng grupong  Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang anila’y di-makataong  paglipat kay Judilyn mula sa PGH. Ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, “Hindi dapat ilagay sa hindi ligtas na pasilidad ang mag-ina, at kalabisan  din ang pag-posas habang siya ay nasa wheelchair.”

Hindi rin malinaw kung handa ang pasilidad ng BJMP sa kalagayan ng mag-ina. Ayon sa Tanggol Bai, organisasyon ng kababaihang nagtatanggol sa karapatang pantao, na ang paglipat ay magpapalala sa kalagayan ng  mag-ina.  Sinabi ni Cristina Palabay, convenor ng grupo, na “ang kulungan  ay hindi tamang lugar para sa mag-ina, masikip at hindi maayos ang ventilation, kaya hindi  karapat-dapat  para kay Judilyn na makarekober mula sa panganganak ng caesarian at pagpapasuso sa kanyang sanggol.”

Dinagdag pa ni Palabay na batay sa rekomendasyon ng  pediatrician na ang pagpapasuso ng ina ay mahalaga sa normal pag-unlad at paglaki ng sanggol  at ang ina ay dapat na mailagay sa kumportableng lugar at stress-free na lugar para sa maayos na breastfeeding at post natal-care.

Maging ang grupong Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at para sa Amnestiya (Selda) ay binatikos din ang ginawang paglipat sa mag-ina.

“Ito ay manipestasyon ng malalang inhustisya  na naranasan ni Oliveros at ng kanyang anak at maging ng iba pang kabilang sa Morong 43, sila ay mga biktima ng ilegal na pag-aresto , tortyur, at detensiyon.  Patuloy na mailap ang katarungan para sa mga doktor at mga manggagawang pangkalusugan, maging sa  buntis at inang nagpapasuso tulad ni Oliveros,” pahayag  ni Fr. Dionito Cabillas, tagapagsalita ng Selda.

Ganito umano ang  kalunus-lunos na  kalagayan ng mahigit 400 na iba pang detinidong pulitikal sa buong bansa, karamiha’y ilegal na inaresto at ikinulong sa panahon pa ng administrasyong  Arroyo.

Iginiit  ng mga naturang grupo na kagyat na palayain si Oliveros at kagyat na rebisahin ng DOJ ang kaso ng Morong 43. Magsasampa din ng motion for reconsideration ang mga abogado ng Morong 43  sa Morong Regional Trial Court branch 78 kaugnay ng transfer order.

Nangangamba  ang iba’t ibang grupo na ang karanasang ito ni Judilyn ay muling maulit  kay Mercy Castro, isa ring mangagawang pangkalusugan na kasama sa  Morong 43. Si Castro ay pitong buwang buntis at nakatakdang manganak sa buwan ng Oktubre.