Nasaan ang ‘daang matuwid’ sa pagsasapribado?


Ipinangako ni Noynoy ang pagwaksi sa korupsiyon sa burukrasya ng gobyerno. Pero bakit tila mga ordinaryong kawani ang tinatamaan?

Mga kawani ng NFA, nagpahayag ng pagtutol sa pagsasapribado sa naturang ahensiya at sa executive order ni Pang. Arroyo hinggil sa pagsasapribado ng mga ahensiya ng gobyerno na ipinagpapatuloy pa rin ni Pang. Aquino ang implementasyon. (Macky Macaspac)
Mga kawani ng NFA, nagpahayag ng pagtutol sa pagsasapribado sa naturang ahensiya at sa executive order ni Pang. Arroyo na ipinagpapatuloy pa rin ni Pang. Aquino ang implementasyon. (Macky Macaspac)

Nakaambang magsagawa ng malawakang tanggalan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Nangangamba ang mga empleyado ng National Food Authority,  Bureau of Animal Industry, at Department of Agriculture na magsasagawa ng tanggalan dahil sa mga hakbang para isapribado ang iba’t ibang aspekto ng gawain ng mga ahensiya.

Nakapailalim ito sa iskemang  “build-operate-transfer,” “public and private partnership” at “leveling of playing fields”  para sa mga negosyante na itinutulak ngayon ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III, ayon sa Courage (Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees), pambansang alyansa ng mga kawani sa gobyerno.

Ferdinand Gaite ng Courage (Jaime Sanone de Guzman)
Ferdinand Gaite ng Courage (Jaime Sanone de Guzman)

“Hindi makatarungan na mga kawani ng gobyerno ang siyang magdusa bunga ng abuso at maling patakaran ng mga opisyal ng gobyerno,” ani Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Courage.

Isa umano sa mga unang tatamaan ng ibayong pagsasapribado ng mga ahensiya ng gobyerno ang NFA. Aabot sa 300 empleyado ang kagyat na mawalan ng trabaho, ayon sa NFA Employees’ Association sa National Capital Region.

Idinadahilan umano ng gobyerno na kailangang magsagawa ng tanggalan matapos matuklasan ang sobrang importasyon ng bigas at pagkakabaon sa utang ng NFA na umaabot sa P171-Bilyon.

“Ang akala namin, matatapos na ang tanggalan sa panahon ni Noynoy. Dapat nga niyang palakasin ang NFA at huwag isapribado. Kung may anomalya sa NFA, ang dapat niyang sibakin ay ang mga opisyal at hindi ang mga kawawang kawani,” ayon kay Gerald Kubao, opisyal ng NFAEA-NCR.

May kabuuang 5,000 empleyado sa buong bansa ang NFA.

“Ang problema, walang breakdown sa  P171-B utang ng NFA. Isa kasi sa nakapaloob sa utang na ito ang 35 porsiyentong ipinambayad sa taripa. Gobyerno ang nag-import; bakit kawani ang kailangang magbayad ng taripa?” tanong ni Gaite.

Ganito din ang hinaing at pangamba ng mga kawani sa Bureau of Animal Industry, pahayag ni Nory Mangalisan, tagapangulo ng Bureau of Animal Industry Employees’ Association.

“Nasa fast-track na ang implementation ng rationalization plan,”  ayon kay Nangalisan, hinggil sa tanggalang ibabatay umano sa Salary Standardization Law.  “Ang mga nasa Salary Grade 1 hanggang Grade 5  ang unang tatamaan. Sila ‘yung kumikita lamang ng P5,000 pababa. Ibig sabihin, ang minimum plantilla ay ang nasa Salary Grade 6.”

Sinang-ayunan din ito ni Santi  Dasmarinas, tagapagsalita ng National Federation  of Employees’ Associations in the Department of Agriculture (Nafeda)  at tagapayo ng NFA Employees’ Association.

Ayon kay Dasmarinas, naglabas ng instruksiyon si Agriculture Secretary Proceso Alcala sa lahat ng mga pinuno ng departamento na ipatupad  ang Executive Order No. 366 na naglalayong bawasan ng 30 porsiyento ang bilang ng mga kawani.

Nananawagan din ang EO 366 ng pagsasapribado ng state farms, livestock facilities at iba pang ari-arian ng departamento. Ayon pa kay Dasmarinas, nakakuha sila ng dokumentong nagsasaad ng full implementation ng Executive Order No. 366 sa  buwan ng Setyembre ngayong taon.

Ang EO 366 o Governement Rationalization Plan ay inilabas ni dating pangulong Gloria Arroyo na nag-uutos ng pribatisasyon sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, kabilang ang NFA.

“Bahagi pa rin (ang mga nangyayari ngayon) ng EO 366 na tinutulan namin noon at naipagwagi namin sa pamamagitan ng kasunduang co-terminus, na ibig sabihin ang mga kawani  ay  mananatili hanggat ang administrasyon ay nasa puwesto,” pahayag ni Kubao.

Ayon sa Courage, ang pribatisasyon  ay hindi lamang nangangahulugan ng pagtanggal sa mga kawani. Mababago umano ang oryentasyon ng mga serbisyong panlipunan tungo sa pagkamal ng kita at hindi na magiging abot-kaya sa maraming mamamayan.

“Ang ating mga karanasan sa pagsasapribado ng mga kompanya ng tubig, langis at kuryente ang magpapatotoo. Ang pangako ng mahusay at murang mga public utility ay nananatiling pangako hanggang ngayon. Habang ang mga kawani ay malawakang tinatanggal at ang kanilang benipisyo sa pagreretiro ay di binabayaran,  ang mga opisyal naman ay nagbubulsa ng mga tubo at kickback mula sa kita,” paliwanag ni Gaite.

Nanawagan ang Courage kay Aquino na iwasan o tuluyang ibasura ang pribatisasyon at ibasura ang EO 366. “Ni-revoke niya ang EO 883 (isa pang order ni Arroyo na nagbibigay sa mga abogado ng CESO status), ang mga kawani ng gobyerno ay matutuwa kung gagawin din niya ito sa EO 366,” ani Gaite.

Nagbanta ang  Courage na maglulunsad ng pambansang kilos-protesta ang hanay ng mga kawani sa gobyerno kung ipagpapatuloy ni Aquino ang planog pagsasapribado sa mga ahensiya ng gobyerno at pagtanggal sa mga kawani nito.

“Maninidigan kami sa aming sinumpaang  tungkulin na maglingkod sa mamamayan,  kasama na dyan ang pagtutol sa pribatisasyon na lalong magpapalala sa kalagayan ng pampublikong serbisyo,” pagtatapos ni Gaite.