Pinoy Weekly

OFW sa Saudi Arabia, sumulat kay P-Noy

Jose G. Mendoza, truck driver sa Saudi Arabia na ilegal na tinanggal sa trabaho matapos ang 21 taon. (Contributed Photo)

Jose G. Mendoza, truck driver sa Saudi Arabia na ilegal na tinanggal sa trabaho matapos ang 21 taon. (Contributed Photo)

Naglakas-loob na magsulat kay Pang. Benigno Aquino III ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kingdom of Saudi Arabia, na ilegal na tinanggal sa trabaho matapos ang 21 taon na pagseserbisyo at matagal nang hindi inaaksiyunan ang kaso ng embahada at Philippine Overseas Labor Office.

“Nagsimula akong huminto sa trabaho mula pa noong 2007 pagkatapos mag-file ng kaso laban sa aking employer na mapagsamantala at abusado. Ang kaso po ay nakabinbin sa Dammam Labor Court tungkol sa illegal salary deductions,” ayon sa liham ni Jose G. Mendoza, 65, na natanggap ng Pinoy Weekly.

“Ang aking kaso ay simpleng labor case na hindi maaskiyunan at maresolba ng mga ahensiya ng gobyerno dito…Lahat po ng ahensiya ng gobyerno ay napaabot na (ang kasong) ito simula pa noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo. Sino ang magkakaroon ng malasakit sa katulad kong biktima dito sa KSA?” aniya pa.

Sa kanyang liham, nagpahayag si Mendoza na nais na niyang makauwi at makapiling ang kanyang pamilya.

“Matanda na po ako, sana bago ako mamatay ay mayroon sanang mapagmahal at nagmamalasakit na presidente ng Pilipinas na ang kanyang pangunahing layunin ay mabigyan ng proteksiyon ang mga OFW at ang aming mga karapatan at kagalingan ang sentro ng kanyang programa,” aniya.

Nanawagan din si Mendoza ng kaparehas na tulong para sa iba pang mga OFW sa Gitnang Silangan na “biktima ng pang-aabuso, pagsasamantala, rape, at mga nasa death row.”

Sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo, walang binanggit si Pangulong Aquino hinggil sa kanyang programa para sa mga OFW.

Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng grupong Migrante-Middle East, tutulong sila sa paghingi ng tulong para sa biktima.

Nauna nang iniulat ng grupo noong Abril ngayong taon ang reklamo ng 30 Pilipinong truck driver ng Al Askar H. Transportation Establishment hinggil sa masahol na mga kondisyon sa paggawa, gaya ng mababang pasahod at kawalan ng maayos na tinutuluyan.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8997

Posted by on Aug 22 2010. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “OFW sa Saudi Arabia, sumulat kay P-Noy”

  1. [...] this link: Pinoy Weekly | OFW sa Saudi Arabia, sumulat kay P-Noy // Pinoy Weekly | OFW sa Saudi Arabia, sumulat kay P-Noy listing above has been taken [...]

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes