Nang isalang sa Korte Suprema ang deka-dekadang pagsasamantala


Pagkatapos ang mahigit kalahating siglong paghahari ng mga Cojuangco’t Aquino sa Hacienda Luisita, isinalang na sa wakas sila sa Korte Suprema. May pag-asa pa ba ang mga magsasakang mapasakanila ang lupaing matagal na nilang pinayayaman?

Sa pagdinig ng Korte Suprema, malinaw na dapat nang bawiin sa kamay ng mga Cojuangco-Aquino ang mga lupain ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita. (Ilang-Ilang D. Quijano)
Sa pagdinig ng Korte Suprema, malinaw na dapat nang bawiin sa kamay ng mga Cojuangco-Aquino ang lupain ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita. (Ilang-Ilang D. Quijano)

Mahigit limang dekada makaraan ang unang utos ng gobyerno na ipamahagi sa mga magsasaka ang lupain sa Hacienda Luisita, 21 taon makaraan ang pagpapatupad ng Stock Distribution Option (SDO) para takasan ang pamamahaging ito sa ilalim mismo ng programa para sa repormang agraryo, at limang taon makaraan iutos ng gobyerno na ipawalang-bisa ang SDO at ang petisyon laban dito ng pamilyang Cojuangco-Aquino, sa wakas ay dininig ng Korte Suprema ang pinakatampok na sigalot hinggil sa repormang agraryo, o kawalan nito.

Noong Agosto 18, isinalang ng mga husgado hindi lamang ang batayan ng Hacienda Luisita Inc. (HLI) sa pagtanggi nitong kilalanin ang utos ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) noong 2005, kundi ang lahat ng naging mga aksiyon nito na tila para takasan ang pamamahagi ng lupa. Pinakahuli sa mga aksiyong ito ang pagpapapirma sa mga magsasaka ng isang compromise agreement ilang araw lamang bago ang pagdinig.

Si Atty. Jobert Pahilga (kanan), kausap si Solicitor General Joel Cadiz, bago magsimula ang oral arguments sa Korte Suprema hinggil sa SDO sa Hacienda Luisita. (Ilang-Ilang D. Quijano)
Si Atty. Jobert Pahilga (kanan), kausap si Solicitor General Joel Cadiz, bago magsimula ang oral arguments sa Korte Suprema hinggil sa SDO sa Hacienda Luisita. (Ilang-Ilang D. Quijano)

Sa simula pa lamang, sa paglalatag ni Associate Justice Prebisterio Velasco ng kasaysayan ng asyenda, agad makikita na noong 1967 pa dapat ipinamahagi ni Jose Cojuangco Sr., ama ni dating pangulong Corazon Aquino, ang lupaing napunta lamang sa kanila dahil sa pang-uutang sa Government Service Insurance System (GSIS). Hindi tinupad ni Cojuangco ang pangako sa GSIS na ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka. Nang tanungin ni Velasco si Atty. Gener Asuncion, abogado ng HLI, hinggil dito, ikinatuwiran ng abogado na wala pang mga tenanteng manggagawang-bukid sa asyenda noong panahong iyon (Kuwestiyunable ito, sapagkat doon na ipinanganak maging ang mga ninuno ng karamihan sa mga taga-asyenda).

Ipinunto ni Velasco na noong 1985, iniutos muli ng Manila Regional Trial Court na ipamahagi ang lupa ng asyenda. Pero noong 1988, inatras ng gobyernong Aquino ang kaso at napawalang-bisa ang kautusan.

Sa panahong ito umiral na ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), na nilangkapan ng mga probisyon para matakasan ng mga may-ari ng lupa ang pamamahagi ng lupa, isa na rito ang SDO o pagbibigay sa mga magsasaka ng shares of stock ng kompanya. Pero ayon nga kay Associate Justice Roberto Abad, kahit ang SDO na ipinatupad ng HLI ay hindi naaayon sa batas dahil nakasaad sa Sek. 31 ng CARP na dapat ibigay ang shares of stock sa loob ng dalawang taon matapos magkasundo. Kung hindi, maoobliga ang may-ari ng lupa na ipamahagi ito. Ipinagtibay ng HLI sa unang SDO referendum noong 1989 na ibibigay ang 33.3 porsiyentong shares of stock sa loob ng 30 taon.

Katuwiran ni Asuncion, nagkasundo naman ang manedsment at mga manggagawang bukid (Bagaman gaya ng nangyari sa compromise agreement, sinasabing nalinlang at napuwersa lamang ang kalakhan). Pero inusisa ni Abad ang abogado ng HLI: “Can this agreement disregard the provision of the law?” Napilitang sumagot si Asuncion, “No, it cannot.”

Kinuwestiyon ng mga husgado kung bakit ibinatay ng HLI ang kanilang shares of stock sa man-days o bilang ng mga araw ng paggawa. (Inirereklamo ng mga manggagawang-bukid na bago ang welga noong 2004, pakaunti na nang pakaunti ang kanilang mga araw ng paggawa). Ipinunto ni Velasco na wala sa batas ang komputasyon ng shares of stock batay sa araw ng trabaho, at inamin naman ni Asuncion na manedsment lamang ang nagtakda nito.

Napuna rin ang paglobo ng bilang ng mga manggagawang bukid mula sa mahigit 6,000 sa mahigit 10,000. Sinabi ni Abad na tila ginamit ng HLI ang shares of stock bilang “reward system” para sa mga dayo, at dahil dito, nabawasan ang shares of stock ng orihinal na mga manggagawang bukid na isinuko ang kanilang karapatan sa lupa. Hirit pa ni Associate Justice Jose Perez, “Had you followed what was stated in the law, the number of farmworkers would not have ballooned,” patungkol sa probisyon sa CARP na dapat ibinigay ang lahat ng shares of stock, nang hindi nakabatay sa araw ng paggawa, noon pang 1991. Sinasabi mismo ng HLI na noong 2004 lamang nakumpleto ang pamimigay ng shares of stock.