Dagdag na kagamitan ng AFP, paghahanda sa giyera muli sa Mindanao?


Isang araw matapos ang Ramadan, ipinarada ng Philippine Army sa Cotabato City patungo sa kampo ng 6th ID ang bagong mga kagamitang pandigma na mula pa sa Australia. Nagtataka tuloy ang marami: Kung nais ng gobyernong Aquino ng kapayapaan sa Mindanao, bakit pa kailangan ng dagdag sa gamit na magpapalala sa digmaan?

Nakuhanan ng mga miyembro ng grupong pangkarapatang pantao na Kawagib ang pagdaan sa Cotabato City ng mga gamit pandigma na mula sa gobyerno ng Australia para sa 6th Infantry Division. Pinangangambahan ng Kawagib na lalong sumiklab ang digmaan sa pagitan ng militar at rebolusyonaryong mga puwersa ng MILF dahil dito. (Kontribusyon)
Nakuhanan ng mga miyembro ng grupong pangkarapatang pantao na Kawagib ang pagdaan sa Cotabato City ng mga gamit pandigma na mula sa gobyerno ng Australia para sa 6th Infantry Division. Pinangangambahan ng Kawagib na lalong sumiklab ang digmaan sa pagitan ng militar at rebolusyonaryong mga puwersa ng MILF dahil dito. (Kontribusyon)

COTABATO CITY –Isang araw matapos ang Eid’l Fitr noong Setyembre 11, sa pagtatapos ng Ramadan ng mga Muslim, dumaan sa lungsod ang konboy ng mga sasakyang pangmilitar. Dala ng konboy: mga gamit pandigma. Bago, tila galing pa sa ibang bansa.

Magkasabay na pagkamangha at pagkatakot ang naramdaman ng ilang mga residente ng lungsod na nakasaksi. Ang alam kasi nila: maganda ang itinatakbo ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyernong Aquino at Moro Islamic Liberation Front. Pero bakit ngayon, parang naghahanda pa sa malawakang digmaan ang Armed Forces of the Philippines?

Kabilang sa mga nakasaksi ang mga miyembro ng grupong pangkarapatang pantao sa Mindanao na Kawagib. Nakita nilang dumaan sa lungsodang konboy ng mga sasakyang may kagamitang pandigma tulad ng amphibian tanks at airboats papuntang kampo ng 6th Infantry Division ng Philippine Army. Ang balita nila, mula sa gobyernong Australyano ang naturang mga kagamitang pandigma, at nagkakahalaga ito ng US$4-Milyon.

Kasama sa idinaan sa Cotabato City ang mga sasakyang amphibian mula sa gobyernong Australyano.
Kasama sa idinaan sa Cotabato City ang mga sasakyang amphibian mula sa gobyernong Australyano.

Naging lunsaran ang mismong kampong itong 6th ID, ayon sa Kawagib, ng nagdaang mga pag-atake ng Army at AFP sa mga komunidad na pinaghihinalaan nitong kinalulugaran ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ang kampong ito sa Maguindanao ang itinuturing na pinakamalaking kampong militar sa probinsiya, at nagsisilbing himpilan ng mga sundalong sumasaklaw hanggang sa Liguasan Marsh.

“Nangangamba kaming gagamitin ito (mga kagamitang pandigma) ng mga sundalo laban sa mga MILF at sa halip na magkaroon ng usaping pangkapayapaan ay sumiklab muli ang giyera sa Mindanao na sapilitang nagpapalikas sa mga sibilyan at nagdudulot ng mga paglabag sa karapatang pantao,” sabi ng Kawagib.

Di maiwasang lumingon ng mga residente ng Cotabato City ang tila pagparada pa ng bagong mga gamit-pandigma ng AFP.
Di maiwasang lumingon ng mga residente ng Cotabato City ang tila pagparada pa ng bagong mga gamit-pandigma ng AFP.

Nang magtapos ang Ramadan noong nakaraang linggo, sinabi ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III na mapasisimulan na ang pormal na pag-uusap sa pagitan ng kanyang gobyerno at mga negosyador ng MILF. Ngunit kasabay nito’y sinabi naman ni Sek. Voltaire Gazmin ng Department of National Defense na handa umano ang AFP sa pakikidigma sa MILF kung “magmamatigas ang MILF” at hindi makikipagkasundo sa usapang pangkapayapaan.

Dalawa sa amphibian vehicles na nasaksihan ng mga residente ng Cotabato City na idinideliber sa kampo ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.
Dalawa sa amphibian vehicles na nasaksihan ng mga residente ng Cotabato City na idinideliber sa kampo ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.

“Hindi dapat payagan ni Pang. Aquino na sumiklab muli ang digmaan sa Mindanao dahil maraming buhay at ari-arian na naman ang mawawala at masisira. Lalong maghihirap ang mga bakwit na mula pa noong 2008 hanggang ngayon ay naninirahan lang sa mga evacuation centers,” sabi pa ng grupo.

Hinamon ng grupo si Aquino na patunayang sinsero siya sa pakikipag-usap sa rebolusyonaryong mga grupo tulad ng MILF at New People’s Army-Communist Party of the Philippines-National Democratic Front.

Isang paraan para magawa ito, sabi ng grupo, ay ang pagbabawas sa badyet ng militar. Sa halip, nais maglaan na lamang pondo ang gobyerno para sa bayad-danyos sa mga biktima ng all-out war ng nakaraang administrasyong Arroyo noong taong 2008.