Maralita sa Davao, tutol sa demolisyon


Davao City – Nagpiket ang mga residente ng Monfort, Fatima sa Bacaca, kasama ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa harap ng City Housing Office para ihayag ang pagtutol sa napipintong demolisyon sa kanilang mga bahay at hilingin ang interbensiyon ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Mga maralita sa Bacaca, Davao City, nagpiket sa harap ng tanggapan ng City Housing Office. (Kontribusyon)
Mga maralita sa Bacaca, Davao City, nagpiket sa harap ng tanggapan ng City Housing Office. (Kontribusyon)

Davao City – Nagpiket ang mga residente ng Monfort, Fatima sa Bacaca, kasama ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa harap ng City Housing Office para ihayag ang pagtutol sa napipintong demolisyon sa kanilang mga bahay at hilingin ang interbensiyon ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Labing-apat na pamilya na residente ng 507 metro kuwadrado ng lupain ang pinagbabantaang palisanin sa kanilang mga tahanan sa bisa ng Writ of Execution (Eviction) na may petsang Hunyo 16, 2010 at Sheriff Notice to Vacate na inilabas noong Hunyo 22, 2010. Inaangkin diumano ang lupain ng Km 3 Residents Upper Bajada Association Inc. (Rubai) sa pamamagitan ng Community Mortgage Program o CMP.

“Salamin ang sitwasyon ng mga residente ng Monfort ng kalagayan ng mga pamilya ng maralitang lungsod na matagal nang pinababayaan ng gobyerno, sa kabila ng mga batas at hakbang na sinasabing ginawa para tuunan ng pansin ang mga problema sa pabahay at pagrespeto sa kanilang karapatan sa pabahay,” paliwanag ni Franchie Buhayan, tagapagsalita ng Kadamay sa lungsod.

Sa liham kay Duterte, sinabi ng Mother of Perpetual Help Settlers Association-Kadamay, na “nilabag ng Rubai ang aming Right to First Refusal sa pamamagitan ng pagbenta ng mga loteng inokupahan ng mga indibidwal na off-site, kabilang ang isang Engr. Mildred Martinez, na alam ng mga residente na miyembro ng Technical Working Group-Local Housing Board at empleyado rin ng City Engineer’s Office.”

Ipinaliwanag ni Allan Faelden, presidente ng Mother of Perpetual Help Association, na dapat na ialok ang mga lote sa ilalim ng Community Mortgage Program sa mga residenteng on-site, pero tumanggi umano ang Rubai na tupdin ang kanilang mga hiling.

“Talagang mapapatunayan namin na matagal na naming inookupa ang lugar, bago pa man inangkin ito ng Rubai,” ani Faelden.

Pinaiimbestigahan ni Faelden sa alkalde ang “oposisyunistang” mga empleyado ng gobyerno na ginagamit umano ang posisyon para makakuha ng mga lupain sa pinag-aagawang mga lote.

“Dapat tugunan ito ng lokal na gobyerno, at gawin ang lahat ng makakaya para protektahan ang mga karapatan ng ordinaryong maralitang lungsod,” pagtatapos ni Buhayan.