Pagbabago sa palaruan ng basketball, sa internasyunal na mga torneo
Nakatakda nang palitan ng International Federation of Basketball Associations o FIBA ang ilang mga sukat sa loob ng palaruan ng internasyunal na kompetisyon ng basketball na kanilang pinangangasiwaan. Inanunsiyo nila ito noong Abril 26, 2008.
Karamihan sa mga pagbabagong ito ay nakaayon sa mga sukat na ginagamit ng National Basketball Association. Maaaring ang mga pagbabago ay kailangan dahil sa paparaming manlalaro na mula sa NBA ay nakakapaglaro na rin sa internasyunal na kompetisyon, tulad na lamang sa idinaraos na World Basketball Championship ngayon sa Turkey.
Silipin isa isa ang mga ito.
• Ang hugis ng key ay magbabago mula sa hugis-trapezoid tungong parihaba tulad ng sa NBA at magkakaroon ng mga sukat tulad sa NBA.
Ang key o shaded lane ay naglalayong iwasan ang pagtagal ng manlalaro sa ilalim ng buslo ng matagal. Kasalukuyang trapezoidal ang hugis nito sa mga torneong FIBA na may sukat na 3.7 meters o 12 talampakan sa freethrow line, at 6 metro o 19 talampakan at 6.25 pulgada sa baseline. Kung ikukumpara ito sa shaded area ng NBA, isa itong parihaba na may 4.9 metro o 16 talampakan na lapad. Makikitang mas makitid ito sa baseline kumpara sa trapezoid.
Sa sitwasyong tulad ng sa NBA, magkakaroon ng mas malapit na posisyon ang mga manlalaro na pumwesto sa ilalim ng buslo at sa baseline (tinatawag ring low post area), bagay kung saan kakailanganing humigpit ang depensa ng kabilang panig ng manlalaro. Ngunit ang sukat rin na ito ay maaaring magpabilis sa oras na kailangang lumabas sa shaded area ang opensa (tatlong segundo lamang ang limit nito na manatili sa shaded lane).
Inaasahan na ang pagbabago ay maghahatid ng mas matinding depensa laluna sa paligid ng ilalim ng buslo.
• Ang three-point line ay iaatras sa 6.75 metro (22 talampakan 1.7 pulgada) mula sa kasalukuyang 6.25 metro (20 talampakan 6.1 pulgada), kumpara sa 23 talampakan 9 pulgada (7.24 metro) tulad ng sa NBA sa tuktok ng arko.
Di hamak na mas malayo pa rin ang sukat ng three-point ark ng NBA ng mahigit isang metro, ngunit maaaring ang palugit na ito ang magbibigay ng mas malaking puwang para mabigyan pa ng dagdag na challenge ang depensa sa mga tumitira ng tres, bukod din sa dagdag na challenge rin ng opensa na tumira sa mas malayong distansiya.
• Isasakatuparan na ng FIBA ang restricted area arc tulad ng sa NBA na may mas malawak na sukat na 1.25 metro (4 talampakan 1.2 pulgada) kumpara sa 4 talampakan ng sa NBA.
Ang restricted area arc ay ang lugar sa ilalim ng buslo kung saan hindi na natatawagan ng offensive foul ang opensa, bagay na kailangang ilayo ng depensa ang opensa sa labas nito, laluna’t lumapit na rin ang low post area.
Dehado rito ang depensa laluna’t may 5-second violation kung magtagal ang depensa sa loob nito. Ngunit mayroon pa ring espasyo kung saan bago makatunton ang opensa rito ay makaranas siya ng 3-second violation dahil nasa loob ito ng shaded lane.
Inaasahang mas mahigpit ang susunod na mga depensang tao-tao (man-to-man) na ipapamalas sa internasyunal na mga torneo, laluna’t ang zone defense ay ilang ulit nang nabasag ng tinaguriang triangle offense.
Ilan pang dagdag rito ang sidecourt throw in line, at ang ang 24-second shotclock mula sa orihinal na 30 segundo, kung saan inaasahang mas bibilis ang takbo ng palaro.
Ipapatupad ang lahat ng ito sa Oktubre 1, 2010 matapos ang World Championships.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=9167













