Pagkamatay ng DH na tumalon sa bintana, pinaiimbestigahan
Pinaiimbestigahan ng Migrante-Middle East sa Department of Foreign Affairs at embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia ang mga ulat hinggil sa pagkamatay ng isang hindi pa nakikilalang domestic helper (DH) nang tumalon sa bintana ng ika-pitong palapag ng building ng employer.
Ayon sa ulat ng pahayagang Saudi Gazette noong Setyembre 1, tumalon ang DH sa bintana gamit ang isang payong bilang parachute. Pero hindi bumukas ang payong at agad na namatay ang DH. (“Her umbrella failed to open at the right moment and the maid came crashing down on the pavement to die instantly”)
Ginamit ng DH ang isang kutsilyo para buksan ang bintana, sa pagtatangkang takasan ang kanyang employer, ayon pa sa ulat. Matatagpuan ang nasabing building sa Sultanate Street sa Madina, Saudi Arabia.
Kinumpirma ni John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-ME, na tinawagan siya ng ilang mga Overseas Filipino Worker (OFW) para iulat ang ganoong insidente, pero hindi nila makumpirma ang nasyunalidad at identidad ng namatay na DH.
“Nananawagan kami sa gobyerno na imbestigahan ang pangyayari. Ayaw nating isipin na siya ay isang OFW, pero kung siya man ay Pilipino, dapat maimbestigahan ang kaso at panagutin ang may-sala,” sabi ni Monterona.
Idinagdag niya na marami nang kasong nahawakan ang grupo kung saan tumatalon sa bintana ang mga inabuso at minaltratong OFW. Sa mga kasong ito, paminsan ay natutuklasan na nagkaroon ng foul play, ayon kay Monterona.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=9199













