Istorya ng Linggo

Masaker sa Hacienda Luisita ginunita ng protesta’t karaban


Wala pa ring hustisya sa mga biktima ng tinaguriang masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 16, 2004. Sinariwa ng mga militanteng grupo at mga mamamayan ng asyenda ang pangyayaring ito — sa panahong iyung dating tagapagsalita ng pamilyang Cojuangco’t manedsment ng asyenda ay pangulo na ngayon ng bansa.

Ginunita ng mga militanteng grupo at mga mamamayan at organisasyon sa Hacienda Luisita ang ika-anim na taon mula ng tinaguriang masaker sa naturang asyenda noong Nobyembre 16, 2004.

Wala pa ring nakakamit na hustisya para sa mga biktima ng masaker, maging para sa mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang ilang buwan matapos ang masaker. (Basahin ang kaugnay na istorya.) Samantala, iyong naging tagapagsalita ng pamilyang Cojuangco noong panahon ng masaker, ay siyang pangulo na ngayon ng bansa — si Benigno Aquino III.

Si Jesus Laza, duguang bumagsak sa lupa matapos magpaulan ng bala ang mga sundalo, pulis at seguridad ng asukarera sa mga welgista noong Nob. 16, 2010. (Video Grab mula sa raw video ng Mayday Productions)
Si Jesus Laza, duguang bumagsak sa lupa matapos magpaulan ng bala ang mga sundalo, pulis at seguridad ng asukarera sa mga welgista noong Nob. 16, 2010. (Video Grab mula sa raw video ng Mayday Productions)

Dalawa ang naging paggunita nila. Siyempre, tumungo ang mga militante at ang mga mamamayan ng Luisita sa mismong lugar ng masaker, sa harap ng Gate 1 ng Central Azucarera de Tarlac sa loob ng asyenda. Dito, nagsagawa sila ng programa, bago tumungo sa Brgy. Mapalacsiao para ipagpatuloy ang programa at paggunita.

Samantala, sa paanan ng Mendiola Bridge, nagmartsa rin ang mga miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Anakpawis Party-list. Kinalampag nila ang kasalukuyang administrayon, na anila’y tinutulugan ang kaso ng pamamaslang sa asyenda ng kanyang angkan. Katulad umano nito ang pagtulog niya sa mga kaso ng pampulitikang pamamaslang noong nakaraan at kahit sa kasalukuyang administrasyon.

Ano ang tugon ng Pangulo? Patuloy na pananahimik, sa kanyang “daang matuwid.”