Migrante

Pagdawit sa mga OFW sa terorismo, tinuligsa


Tinuligsa ng Migrante Middle-East, alyansa ng mga migranteng Pilipino sa Gitnang Silangan, ang pagtukoy kamakailan ng US State Department sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) bilang pinagmumulan umano ng pondo ng teroristang grupong Abu Sayyaf. Sa country report ng Estados Unidos hinggil sa terorismo sa bansa noong Agosto 5, sinabi nitong, “The ASG is funded through […]

Tinuligsa ng Migrante Middle-East, alyansa ng mga migranteng Pilipino sa Gitnang Silangan, ang pagtukoy kamakailan ng US State Department sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) bilang pinagmumulan umano ng pondo ng teroristang grupong Abu Sayyaf.

Sa country report ng Estados Unidos hinggil sa terorismo sa bansa noong Agosto 5, sinabi nitong, “The ASG is funded through acts of ransom and extortion and may receive funding from external sources such as remittances from overseas Filipino workers (OFW) and possibly Middle East-based extremists.”

Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-ME, “walang batayan at iresponsable” ang naturang pahayag.

Aniya, mapanganib ang nasabing pahayag hindi lamang sa trabaho, kundi sa kaligtasan, ng mga OFW: “Maaaring magbigay ito ng maling senyales sa mga gobyerno, lalo na sa Gitnang Silangan, na aktibo sa kampanya laban sa mga grupong extremist na may kaugnayan sa ASG.”

Inihalimbawa niya ang gobyerno ng Saudi Arabia, kaalyado ng US, na pinaiigting ang kampanyang kontra-terorismo nito sa hangganan ng bansang Yemen.

Nanawagan si Monterona kay Pang. Benigno Aquino III na kuwestiyunin ang “walang-batayang” ulat ng US State Department, at hilingin sa gobyerno ng Estados Unidos na kagyat na linawin ito.