Proteksiyon para sa call center agents


Panayam kay Kabataan Rep. Raymond Palatino hinggil sa kanyang House Bill No. 2592, na naglalayong pangalagaan ang karapatan ng call center agents o iyung mga manggagawa sa industriya ng business process outsourcing.

Kabataan Rep. Raymond "Mong" Palatino: Kailangang pangalagaan ang karapatan ng <i>call center agents</i>. (Arkibong Bayan)
Kabataan Rep. Raymond "Mong" Palatino: Kailangang pangalagaan ang karapatan ng call center agents. (Arkibong Bayan)

Sunshine Industry” kung tawagin ang mga kompanya ng Business Process Outsourcing o BPOs. Ambag kasi nito ang dagdag-kita para sa pamahalaan na nanggagaling sa mga namumuhunang dayuhan sa bansa. Hindi na rin kailangnan pang umalis sa bansa ang mga empeyado nito. Di hamak na mataas ang rin ang pasahod nito kumpara sa ibang maiisip na unang mapapasukan ng kabataan upang magtrabaho’t kumita, kaya naman marami sa ating kababayan – partikular sa mga kabataan – ang pagtatrabaho sa BPOs bilang call center agents ang isa sa mga unang sumasagi sa kanilang kaisipan.

Ngunit sa kabila ng mga magagandang benepisyong ipinapangako at ibinibigay ng BPOs, laluna sa benepisyong pang-ekonomiya, salat pa rin ang mga manggagawa sa loob nito sa nararapat na proteksiyon, beneposyo, at pagbibigay nito ng karapatan na nauukol sa kanila. Malupit din ang kalagayan ng kanilang trabaho: gabihan, mahahabang oras ng trabaho, istrikto na pamamamalakad, at iba pa. Bukod pa rito ang tila masamang epekto ng ganitong trabaho sa kalusugan at kagawian ng call center agents.

Bilang kinatawan ng sektor ng kabataan, naalarma si Rep. Raymond Palatino ng Kabataan Party-list dito. Sa panayam sa Pinoy Weekly, tinalakay niya ang kasalukuyang-tinatasa nila na House Bill 2592 o ang BPO Workers Welfare and Protection Act.

PW: Paano nabuo ang bill na ito? May ilang personal ka bang karanasan sa pagbubuo ng balangkas nito? Bakit hindi labor sector ang humawak dito?

Rep. Raymond Palatino (RP): Nabuo ito sa sariling inisyatiba ng Kabataan Party-list dahil napansin namin na ngayong mga panahong ito, ang pagiging call center agent ay nagiging isang alternatibong trabaho sa maraming kabataan dahil sa salat ang oportunidad sa bansa. Nakakatanggap rin kami ng ilang mga reklamo mula sa call center agents, tapos napansin namin na sa kabila ng daan libong kabataan na napapadpad sa call centers para magtrabaho, hindi sila protektado ng mga kasalukuyang batas sa labor kasi ang trato sa kanila ng mga kompanya at ng pamahalaan ay isang kakaibang uri o class ng mga manggagawa. At wala pang partikular na batas na tutugon sa mga suliranin nila.

Bukod sa mga estudyante, kinakatawan din ng Kabataan ang out-of-school youth at young workers. Sa pagpasok namin noong 14th Congress (bagama’t noong huling taon na), inisip namin kung anong legislative agenda ang nais naming ihain para isulong ang karapatan at kapakanan ng mga young worker o yung mga may edad 18 hanggang 35, at iyong hindi pa natatalakay masyado ng Anakpawis Party-list na siyang kumakatawan sa mga manggagawa.

Kaagad pumasok sa isip namin ang BPO sector dahil ito ang nauusong trabaho ngayon sa mga kabataan. Anuman ang kursong tinapos ng isang estudyante, lagi’t laging nariyan ang option na magtrabaho sa BPO, lalu na’t wala namang nagbubukas na oportunidad sa ilang susing sektor ng paggawa bunsod ng kawalan ng pambansang industriya.

Karamihan sa bagong trabaho na nagbubukas ngayon ay sa sektor ng BPO dahil na sa pagtingin ng gobyerno rito bilang sunshine industry. Iyon yung nananaig na persepsIyon sa BPO – na ito ang magsasalba sa ekonomiya ng bansa at na ito ang magbibigay ng oportunidad sa mga kabataan. Pero nariyan din ang kabatiran na hindi exempt ang BPO sa mapang-abusong sistema sa kabila ng nananaig na imahe ng BPO sektor. Bukod sa paggigiit na ang pagsandig sa outsourcing ay hindi sustainable at palliative lamang, nariyan ang unfair labor practices na masasabi kong unique sa BPO workers dahil unique din ang setup sa isang BPO.

Natatangi pero nakapaloob din sa isang abusive workplace setup tulad ng ibang pagawaan. Nariyan ang usapin ng pasahod. Totoong mas mataas ang tinatanggap ng mga taga-BPO kumpara sa mga manggagawa ng ibang sektor ngunit kung ikukumpara sa BPO workers ng ibang bansa, higit na mas mababa ang tinatanggap ng mga Pilipino. Nariyan din ang usapin ng regularisasyon – nagre-resort sa iba’t ibang taktika ang mga employer para hindi maregularisa ang mga manggagawa. Higit sa lahat, at pinatotothanan ito ng maraming pag-aaral tulad ng sa International Labor Organization, naisasakripisyo ang kondisyong pangkalusugan ng BPO workers kapalit ng tuluy-tuloy at unhampered na pagdaloy ng mga tawag na nagtratranslate sa kita ng isang kumpanya. May pag-aaral nga ng nagsasabing mataas ang attrition rate sa BPO – kasing-transient ng isang call center agent ang mga tawag na tinatanggap niya.

PW: Sinu-sino na ang sumusuporta sa bill sa Kamara? May tumutol na ba rito?

RP: Noong nag-deliver ako ng privilege speech hinggil dito, may ilang congressman na nagsabing hindi pa nila nakikita ang “other side” na ito ng BPO sector. Karamihan sa mga talakayan (noon at ngayon) hinggil sa BPO ay kung paano pa ito patatatagin at palalaganapin sa bansa, kung paano pa maa-attract ang foreign investors na magtatag ng call center sa bansa (tumatagos ito halimbawa sa legislative agenda para sa edukasyon kaya maraming nagsusulong ng english as medium of instruction sa loob ng kamara). ngunit wala o kakaunti ang diskusyon hinggil sa kalagayan sa paggawa ng mga manggagawa sa BPO sector – na karamiha’y kabataan, hindi informed sa kanilang mga karapatan bilang manggagawa.

Sa plenaryo, wala namang nagpapahayag ng kanilang pagtutol. Sa labas ng Kongreso, may ilang call center managers lang na tumututol sa bill dahil daw mawawala ang competitive advantage ng mga Pilipino, matatakot daw mamuhunan ang BPO companies sa Pilipinas. Pero ang sagot naman natin diyan, hindi kailanman dapat nagiging dahilan ang pang-aakit sa dayuhang mamumuhunan para isawalang-bahala ang karapatan ng manggagawa. Tulad ng iba pang industriya, hindi makatarungan na sa kabila ng napakalaking kita ng mga kapitalista sa mga negosyo tulad ng BPO, ay mumo ang nakukuha ng mga manggagawa, nagkakasakit at nagkakaproblema pa sila.

Sa kasalukuyan, habang hindi pa tinatalakay ang bill sa committee-level ng Kongreso, ay naglunsad na kami ng mga consultation sa iba’t ibang call center employees. Ang maganda Rito, nakita namin na nagkakaroon ng inisyatiba ang mga indibidwal na empleyado pag binigyan mo sila ng pagkakataon na ipaglaban ang mga karapatan at benepisyo nila. Dahil nga hindi uso ang pag-uunyon sa call centers, walang nagiging ibang oportunidad ang mga manggagawa dito para talakayin, suriin, at solusyunan ang mga suliranin nila.

PW: Kumusta naman na ang usad ng kampanya para rito?

RP: Sa kasawiang-palad, hindi pa matunog ang bill sa loob ng kamara. Ngunit sa mismong sektor ng BPO ay batid na batid ang bill na ito. Nakatatanggap kami lagi ng email at tawag ng pagsuporta sa nasabing bill. Umuusad na rin ang maraming consultations at round table discussions among call center agents kaya positibo kami na maipaparinig ang hinaing ng mga call center agents sa loob ng Kongreso kung sila mismo ang magtutulak sa mga kongresista na ipasa ito or at the very least, talakayin man lang ang paksang ito.

Kung sa usapin ng co-authorship, wala pang co-author ang bill ngunit humingi ng kopya ang opisina ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. ng nasabing bill. Hangad namin na sana’y gumawa siya ng counterpart bill nito sa Senado.

Isa pang mahalagang achievement hinggil sa advocacy na ito ang pakikipagdayalogo sa mismong kinatawan ng Department of Labor and Employment upang ipaabot ang concern na ito. Kaya naman inihain ang bill na ito bilang pag-reiterate na kailangang maipaloob ang BPO sector sa Labor Code ng Pilipinas pagdating sa usapin ng tenure at iba pa. Nilalayon din nitong i-standardize ang breaks na maaaring i-avail ng isang call center worker, ipabatid sa mga call center workers ang kanilang mga karapatan, at iba pa.