Kuliglig


Himutok at pagkondena ng isang progresibong propesor sa Unibersidad ng Pilipinas hinggil sa marahas na pagdispers sa mga nagprotestang drayber at operators ng “kuliglig” sa Manila City Hall noong Disyembre 1.

Kuliglig ang tawag sa mga pedicab na de-motor. Ang pinagkaiba lang ng mga ito sa sidecar ay may trapal na nagsisilbing bubong at dingding kaya mukhang tricycle kapag malayo. Cricket ang kuliglig sa wikang Ingles. Hindi ko alam kung bakit ito tinawag na kuliglig, siguro dahil kumpara sa mga heavy duty na makina ng mga mas malalaking sasakyan sa dambuhalang Maynila, nagmimistulang kuliglig ang sasakyang ito hindi lang sa liit kundi pati na rin sa mas mahinang tunog nito kapag umaandar kumpara sa nakakabinging tunog ng mga sasakyan sa kalyeng abalang-abala.

Sa may City Hall ng Maynila ang sentro ng mga kuliglig. Ang mga nagmamaneho nito ay mga maralitang tagalunsod, mga kalalakihan–merongtatay na, merong mga binata at binatilyo na ang iba sa kanila blonde ang buhok, may chains at nakasuot ng de-gomang tsinelas. Kabuhayan nila ang pagda-drayb ng Kuliglig. ’Yung isang nakausap kong ale, tatlo pa nga sila sa kanilang pamilya—sila at ang dalawa pa niyang kapatid—ito ang pangunahing pinagmumulan ng kabuhayan.

Ayon sa mga tagapagbalita, mapa-radyo o TV, mga harang sila sa daan. Bumabagal at sumisikip ang trapiko dahil sa kanila. Nag-issue ng ban si Mayor Alfredo Lim sa mga Kuliglig (dahil siya si Lim, sa pangunahin. Siya ang police chief nung naganap ang Mendiola Massacre noong ika-22 ng Enero, 1987, kayo na ang bahala sa mga datos na yan). Nanatiling lehitimo ang ban na ito dahil hindi nag-issue ng injunction o restraining order ang Korte Suprema sa Executive Orders No. 16 at 17 ni Lim (ang pag-ban sa mga Kuliglig). Ito, sa kabila ng paghain ng petisyon ng mga drayber/operators ng kuliglig.

Hindi lang basta petisyon ang hinain nila kundi matinding oposisyon sa isang bagay na magpapatigil sa kapasidad nilang mabuhay at buhayin ang kanilang pamilya. Kung kaya’t kahapon, nagprotesta sila sa pamumuno ng Alyansa ng Nagkakaisang Pedicab at Kuliglig Drivers ng Maynila. Mula tanghaling tapat pa lamang ay matindi na nag gitgitan. Wala ako roon dahil may malaking mobilisasyon din ang mga estudyante, guto, kawani at manggagawa ng State Colleges and Universities dahil sa budget cut ng gobyernong Aquino sa edukasyon. Pero nakikinig kami sa radyo habang papunta sa Senado. Hindi ko nakuha ang pangalan ng anawnser sa AM station ng radyong pinapakinggan namin. Pero andiyang sabihin niyang, wala pa ba ang mga tangke ng tubig diyan, lilipad lang ang mga kuliglig na ’yan kapag binanatan na. At kung anu-ano pang hindi mo halos masikmurang pagbabalita. Kung hindi ka mapanuri, talagang kamumuhian mo ang mga operators at drayber ng kuliglig dahil sila ang dahilan ng mabigat na trapiko, ang protesta nila ang dahilan kung bakit nagkandabuhol-buhol ang trapiko sa may City Hall sa mga oras na yon. Para bang sila ang ugat ng kahirapan sa sanlibutan, parang sila na nga ang salot na dapat sawatahin.

At kung akala mo ay isang moda lang ’yan ng pagbabalita, hindi. Talagang todo-todong pamamasista ang inabot nila sa mga pulis mula sa Manila Police District. Binomba sila ng tubig, ng tear gas, hinabol ng truncheon, may iba na binugbog, may ibang kinaladkad na parang baboy na ililitson. Nangyari ang lahat ng iyan sa harap ng kanilang mga asawa’t anak. May isang batang lalake, siguro mga limang-taong-gulang (o baka mas matanda, karaniwang maliliit ang mga batang kabilang sa maralitang tagalunsod kaya mas mukha silang bata kaysa sa tunay nilang edad, bansot pero pag tiningnan mo ang mga mata nila, parang ang tatanda na nila), tumatakbo siya, hinahabol ang isang matandang lalake na yakap-yakap ng pulis, pumipiglas ang lalake, habang iyak nang iyak ang bata at may putong nilapitan niya ang pulis para tanggalin ang pagkakayakap nito sa lalake. Siguro mag-ama sila. Noong pinapanood ko ito sa lugar kung saan naganap ang karahasan sa mga kuliglig, sa mga bata at buong komunidad, hindi ko napigilang maiyak. Naiyak ako sa sitwasyon, Sa sinapit nila, sa galit sa mga pulis, sa tapang ng bata at sa paghagulgol niya at paglayo na lang sa pulis at sa lalake nang siguro maisip niya na hindi naman niya masasamsam ang tatay niya mula sa isang halimaw.

Habang nanonood, andun din ang mga batang light brown ang mga buhok. Inaabangan nila ang paglabas nila sa TV. “Ikaw yun, o, yun ako o!” May katabi akong dalawang babae, sabi nung isa “Ayun yung sasakyan namin, nasira o, ayun yung kila kuya.” Wala akong masabi kundi “Grabe ang mga pulis na yan, sobra ang ginawa nila.” Inulit ko uli yun matapos kong marinig yung sinabi nung babaing katabi ko. Hindi ko kasi alam kung ano’ng puwede kong sabihin sa kanya para malaman niya na kampi ako sa kanila. Doon na siya tumingin sa akin at sabi niya, “grabe talaga ang ginawa nila.” Pero hindi siya galit. Hindi rin galit yun mga bata. Pero tiyak ko nung nagaganap ang dispersal, abot hanggang langit ang galit at pagtatanggol nila sa kanilang kabuhayan. Iba siguro ang epekto kapag pinapanood mo na sa TV ang karahasang ginawa sa’yo. May halong pagkamangha at tila palabas lamang ang naganap.

Nung mga sandaling iyon, gustung-gusto kong sumigaw ng “Sahod, trabaho at karapatan, ipaglaban!” Dahil naka-live telecast ang ABS-CBN, pero dahil din doon kaya hindi ko ginawa. Lumapit ako sa dalawa ko pang kasama, si Roselle at Lisa, na luhaan din. Tinanong ko kung hindi ba tayo maga-agit prop. Pero tulad ko, hindi rin nila tiyak kung ano ang puwede naming gawin. Ganito kasi yun, galing kami sa protesta sa Senado, 8,000 kaming kumondena sa budget cut ni Aquino. Tapos ang sabi ni Lisa may condemnation rally daw sa may Liwasan dahil may dalawang namatay dahil sa protesta ng mga kuliglig. Natawa pa nga kami kasi ang dinig dito ni Loujay ay “contemplation rally” kaya ang sabi niya, “Saan tayo pupunta, sa contemplation rally?”