Kapirasong Kritika

Tsismis, Tatak-Tiglao


Kung mahigpit lang ang paghusga ng Philippine Daily Inquirer sa tama at mali para sa bansa, hindi na sana napapabasa pa ni Rigoberto D. Tiglao ang mga opinyon niya sa madla. Naglingkod siya mula simula hanggang dulo sa rehimeng Arroyo bilang “pilosopong pampulitika” na kumatha ng “Matatag na Republika” bilang gabay o pagbibigay-katwiran nito sa mga patakarang kontra-mamamayan at pasista. Maipapakitang tugma, kung hindi man nagmumula, sa pagteteorya niya ng “Matatag na Republika” ang Oplan Bantay Laya 1 at 2 ng rehimen – na nagdulot ng napakaraming paglabag sa karapatang pantao, kasama na ang mga ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot sa mga aktibista at mga tagasuporta nila.

Kung mahigpit lang ang paghusga ng Philippine Daily Inquirer sa tama at mali para sa bansa, hindi na sana napapabasa pa ni Rigoberto D. Tiglao ang mga opinyon niya sa madla. Naglingkod siya mula simula hanggang dulo sa rehimeng Arroyo bilang “pilosopong pampulitika” na kumatha ng “Matatag na Republika” bilang gabay o pagbibigay-katwiran nito sa mga patakarang kontra-mamamayan at pasista. Maipapakitang tugma, kung hindi man nagmumula, sa pagteteorya niya ng “Matatag na Republika” ang Oplan Bantay Laya 1 at 2 ng rehimen – na nagdulot ng napakaraming paglabag sa karapatang pantao, kasama na ang mga ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot sa mga aktibista at mga tagasuporta nila.

Pero parang laging mauubusan ang Inquirer ng kolumnistang kontra-Kaliwa – at tila iyan ang pagkakatulad ng marami sa kanila. Kaya katulad ng ABS-CBN kay Noli de Castro, kahit nagsilbing propagandista ito ng kampanya ni Noynoy Aquino sa pagkapangulo – na tumuntong sa malawak na suklam ng sambayanan sa rehimeng Arroyo – niyakap ng Inquirer ang isang dating anak nito na naglingkod sa rehimen nang buung-buo.

Kaya heto ang “Secrets of the Communist Party,” kolum ni Tiglao kung saan isinisiwalat niya, batay sa isang libro ni “Dr. Mario Miclat” ang “marami sa mga lihim na salik na nag-ambag sa paglakas ng isa sa pinakamalalaking problema ng ating bansa: ang Communist Party of the Philippines.” Pansining kailangang may “Dr.” sa simula ng pangalan ni Miclat – para magmukha itong kagalang-galang kahit pa ayon sa isang rebyu ay siya ang dapat kumuha ng serbisyo ng doktor. “Lihim na salik” dahil hindi rin maikaila ni Tiglao, para magmukhang balanse kahit paano, ang mga hayag na salik: malawakang kahirapan, kawalang-hustisya, pambubusabos. “Isa sa pinakamalalaking problema ng ating bansa” ang turing niya sa CPP kahit hindi pa naman ito namuno sa bansa at di-hamak namang mas malaking problema ng bansa ang rehimeng Arroyo – kahit hindi iyan aaminin ni Tiglao.

Pumili si Tiglao ng dalawang karakter sa libro ni Miclat na papatampukin. Ipinapahaging niyang ang isang “Herz” ay nangwasak sa buhay ng libu-libong kabataan at isinubo sila sa kamatayan sa pamamagitan ng mga di-patas na barilan. Pero burgis na raw ang pamumuhay nito ngayon sa Canada kahit pa tumutuligsa pa rin ang dyaryong inilalathala nito sa gobyerno ng Pilipinas. Ang pinuno naman ni “Herz” na si “Goldie” ay si Prop. Monico Atienza, na nag-utos ng pagpaslang sa isang pinaghinalaang ahente ng militar pero “malamang na hindi (unlikely)” ayon kay Miclat at sang-ayon si Tiglao. Sinabi niyang ilang buwang naging comatose si Atienza – na namatay matapos ang maraming taon ng pamumuhay na mag-isa, “malungkot at mahirap (despondent and destitute)” sa maliit na sweldo ng isang propesor sa pampublikong unibersidad.

Madaling makita ang layunin ni Tiglao sa pagpili sa dalawang karakter: gusto niyang takutin ang mga mambabasa niya, lalo na ang mga kabataang pumipili ng tatahaking landas sa buhay, para huwag piliin ang buhay na niyakap ng dalawa. Nagpapahamak ng buhay o tahasang pumapatay ang mga Komunista. Huwag na nating kwestyunin ang palagay na ang mga kabataan ay walang sariling pag-iisip at nalilinlang ng kung sino para yumakap sa mahirap at masalimuot na buhay. Huwag na nating kwestyunin ang palagay na mali ang pagpatay sa nasabing ahente ng militar kahit pa halimbawa’y nagdulot na rin ito ng pagkamatay ng iba. Ang mga Komunista, kung hindi ipokrito (namumuhay nang marangya kahit patuloy sa pagiging kritikal sa sistema) ay tinatamaan ng kung anong kamalasan o karma (nagiging mahirap at malungkot) dahil sa pagyakap sa Komunismo. Hindi bale nang mas mainam na ang sosyalistang sosyal kaysa sa sosyal na hindi at buong-buhay na pinahirapan si Atienza ng malupit na tortyur na ginawa sa kanya ng militar ng diktadurang Marcos.

Kaninong buhay kaya ang inihahain ni Tiglao na dapat pamarisan? Syempre pa, iyung kanya. Tumalikod siya sa CPP matapos maghasik mula sa loob ng pagkwestyon sa malakolonyal at malapyudal na moda ng produksyon sa bansa. At nasaan na nga ba siya ngayon? Sa bandang dulo ng rehimeng Arroyo, naging embahador siya sa Greece, isinabuhay ang pangarap niyang “basahin si Socrates sa orihinal” na Griyego. Maaaring nagawa niya ang mga krimeng ibinibintang niya kina “Herz” at Atienza, pero tiyak na hindi siya mahirap tulad ni Atienza. Hindi rin siya ipokrito tulad ni “Herz” dahil talaga namang kampeon siya ng mapagsamantala at marahas na sistemang nagpapayaman sa kanya. At nito ngang huli, matapos gawin ang lahat ng kabalbalan sa ilalim ng rehimeng Arroyo, iginagalang na kolumnista pa ang bagsak niya sa pinakamabentang dyaryo sa bansa – malinaw na dahilan para hindi na maniwala sa karma.

Parang sirang plaka na ang mga paninira kay Jose Maria Sison na inilahad niya. Ayon nga sa manunulat na si Ina Silverio-Gargar, “Humahantong ang mga umaatake kay [Sison] sa paninira sa puri niya dahil patuloy silang nabibigo sa pagsisikap nilang tanggalan siya ng kredibilidad at patunayang mali ang lahat sa Kilusang pinag-ambagan niyang buuin at patuloy niyang binibigyan ng gabay at inspirasyon sa pamamagitan ng kanyang mga libro at talumpati at iba pang sulatin.”

Pero patulan natin nang kaunti ang paninira ni Tiglao. Todo-paniwala siya sa kwento ni Miclat na matapos daw masaksihan ni Bernabe “Kumander Dante” Buscayno, dating lider ng New People’s Army, na awayin ng misis ni Sison si Sison dahil sa “pambababae,” humagulgol itong parang bata. Tinanong daw nito si Sison, na parang sa isang pelikula lang: “Ilang mahusay na kasama na ba ang pinarusahan natin ng kamatayan dahil sa oportunismong sekswal?”

Madaya at mapanlinlang dito si Tiglao. Pinalaganap na niya ang kwento ni Miclat bago nanawagan kay Buscayno na linawin kung totoo ang kwento. Maaaring saklaw ng “oportunismong sekswal” ang panggagahasa, na kahit sa mata ng iba sa lipunan ay pwedeng parusahan ng kamatayan, gayundin ang konsenswal na pagtatalik o pagrerelasyon. Kahit sa kwento nina Miclat at Tiglao, mukhang ang huli ang akusasyon kay Sison, pero hindi na nila ito gustong pag-ibahin pa sa panggagahasa para matawag na “oportunismong sekswal” at palabasing napakasama ni Sison sa pagpaparusa sa iba. Kaya nga kaduda-duda ang buong eksena.

Todo-paniwala rin si Tiglao sa kwento ni Miclat na ang CPP ang responsable sa pagbomba sa miting de avance ng Liberal Party sa Plaza Miranda noong 1971. Kahit pa halatang nagdadrama na naman si Miclat sa pagsasabing may ipinatago sa kanyang dalawang granada bago ang nasabing pagbomba na sa paniwala niya’y ang mismong ginamit doon, sige lang si Tiglao sa paniwala. Ilang beses nang itinanggi ni Sison at ng mga kapanalig niya nang may malinaw na mga batayan ang akusasyong ito. Pero gustong paniwalaan ni Tiglao si Miclat kahit pa si Juan Ponce Enrile, dating kanang kamay ni Marcos, na mismo ang umamin, pagkatapos ng Edsa 1, na ang diktador nga ang nasa likod ng pagbomba. Parang gusto ring palabasin ni Tiglao na okey lang noon kay dating Sen. Benigno Aquino na bombahin ng mga Komunista ang mga kaalyado niyang si Sen. Jovito Salonga at iba pa.

Hindi ko kilala si Miclat, pero isang sanaysay pa lang niya ang nabasa ko dati, naisip ko nang baka may problema siya. Pero hindi ito alintana ni Tiglao, kahit ang eksaherado at dramang-dramang pagkukwento ni Miclat. Sakay lang siya nang sakay, o mas tama sigurong sabihing gamit lang siya nang gamit dahil manggagamit siya. Hindi naman katotohanan ang pakay niya, kundi ang pagbaluktot dito – hindi ang pag-unawa sa CPP kundi ang paninira rito. Kahit may sira ang pinaghuhugutan niya, ayos lang, basta makapanira sa pinupuntirya. Sa dulo, hindi kailangang maging miyembro ng CPP para makaligtas sa mga panloloko niya. Sapat na ang kritikal na pagsusuri, at pwede rin naman kung may kaunting simpatya.

14 Disyembre 2010