Pagtigil sa pagtaas ng matrikula, iginiit ng mga estudyante

January 28, 2011

ITIGIL ANG TAAS-MATRIKULA. Nagmartsa ang daan-daang estudyante sa pangunguna ng Anakbayan, League of Filipino Students, College Editors Guild of the Philippines, at National Union of the Philippines tungo sa tanggapan ng Commission on Higher Education para kondenahin ang umano’y pagsasawalang bahala ng gobyernong Aquino sa kanilang panawagan para itigil ang pagtaas ng matrikula. (Jeffrey Ocampo)

ITIGIL ANG TAAS-MATRIKULA. Nagmartsa ang daan-daang estudyante sa pangunguna ng Anakbayan, League of Filipino Students, College Editors Guild of the Philippines, at National Union of the Philippines tungo sa tanggapan ng Commission on Higher Education para kondenahin ang umano’y pagsasawalang bahala ng gobyernong Aquino sa kanilang panawagan para itigil ang pagtaas ng matrikula. (Jeffrey Ocampo)

Daan-daang estudyante ang nag-martsa tungo sa tanggapan ng Commission on Higher Education (CHED) para kondehanin ang anila’y pagtalikod ng pamahalaang Aquino sa panawagan ng mga kabataan na itigil ang pagtaas ng matrikula.

Sa tala ng National Union of Students in the Philippines (NUSP), tumaas ang national average ng matrikula mula P257.41 kada yunit hanggang P501.22 o 94.72 porsiyento sa ilalim ng nakaraang administrasyon. Tumaas naman nang 123.06 porsiyento ang matrikula sa National Capital Region, ayon pa rin sa NUSP. Mula P439.59, umabot na sa P980.54 kada yunit ang karaniwang binabayaran ng mga estudyante sa iba’t ibang pamantasan sa Kamaynilaan.

Duda naman ang mga estudyante kung ititigil ni Pangulong Aquino ang pagtaas ng matrikula sa ilalim ng kanyang administrasyon.

“Mabibigo lamang ang mga estudayanteng aasa na puputulin ni Aquino at ng CHED ang polisiya ng nakaraang mga administrasyon kaugnay ng pagderegulisa sa matrikula at iba pang bayarin,” ani Vanessa Faye Bolibol, pangkalahatang kalihim ng National Union of Students in the Philippines (NUSP).

Samantala, nais ding paimbestigahan ng NUSP ang “di makatwiran at kahinahinalang” mga bayarin sa iba’t ibang pribado at pampublikong pamantasan.

Sa Unibersidad ng Santo Tomas, umaabot umano nang halos 40 porsiyento ang ganitong mga bayarin ng kabuuan binabayaran ng mga estudyante kada semestre. Ilan umano dito ay “redundant” gaya ng magkaibang Student Athletic and Sports Fee at Athletic Fee. Sa Lyceum of the Philippines, nababayad umano ang mga estudyante para sa mga serbisyong di naman nila natatamasa, gaya ng dental at medical fee.

Marami ding katulad ng kaso sa mga state colleges and universities gaya ng Unibersidad ng Pilipinas at Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.

Ayon naman kay Vencer Crisostomo, tagapagsalita ng Anakbayan, “Ang sinasabing ‘price crisis’ ay dapat maging sapat na dahilan para kay Aquino para iutos sa CHED na itigil ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa lahat ng pamantasan ngayong taon.”

Nagbanta naman ang mga estudyante ng isa pang bugso ng mga kilos-protesta kung hindi tutuparin ni Pangulong Aquino ang kanilang kahilingan.