Balitang Global

ILPS saludo sa matagumpay na pag-aaklas sa Tunisia


Saludo ang International League of People’s Struggle (ILPS) sa mga mamamayan ng Tunisia sa kanilang matagumpay na pag-aaklas at pagpapatalsik sa mapanupil na rehimen ni Tunisian President Zine al-Abidine Ben Ali, na lumayas sa naturang bansa noong Enero 14, 2011. Dalawampu’t tatlong taong naghari ang malupit na pamamalakad ni Ben Ali sa Tunisia. Ang protesta […]

Saludo ang International League of People’s Struggle (ILPS) sa mga mamamayan ng Tunisia sa kanilang matagumpay na pag-aaklas at pagpapatalsik sa mapanupil na rehimen ni Tunisian President Zine al-Abidine Ben Ali, na lumayas sa naturang bansa noong Enero 14, 2011. Dalawampu’t tatlong taong naghari ang malupit na pamamalakad ni Ben Ali sa Tunisia.

Ang protesta na nagpatalsik kay Ben Ali ay pinasiklab ng pagkamatay ng bagong gradweyt na si Mohamed Bouazizi. Nakatapos siya ng kolehiyo pero walang makuhang trabaho kaya’t napilitang magtinda ng prutas at gulay sa lansangan ng Sidi Bouzid, ang sentrong lungsod sa Tunisia. Nang kumpiskahin ng mga pulis ang kanyang paninda dahil wala umano siyang lisensiya, sinunog ni Bouazizi ang kanyang sarili sa harap ng city hall.

Ang aktong ito ang naging behikulo ng pag-aaklas ng mga tao na nagpasiklab sa mga demonstrasyon at riot sa buong Tunisia, bilang protesta sa kawalan ng trabaho, mataas na presyo ng mga bilihin, pulitikal na panunupil at mahirap na pamumuhay sa naturang bansa.

Tumagal nang linggo ang mga protesta na nagpakilos sa iba’t ibang sektor ng lipunan at humantong sa pagpapatalsik sa kanilang presidente.

Naupo sa puwesto si Ben Ali noong 1987 matapos ang madugong kudeta nang ideklara ng ilang doktor na wala nang kakayahang mamuno ang noo’y prsidenteng si Habib Bourguiba. Si Habib Bourguiba ang nanguna sa pakikibaka para sa kalayaan laban sa mga Pranses at nagpasimula ng progresibong sosyo-ekonomikong mga polisiya. Nang maupo si Ben Ali, dinala nito ang “free-market” na polisiya ng US. Itinutring din siyang susing alyado ng US sa rehiyon sa paglaban sa umano’y “Islamic terrorism” at pagpapanatili ng estabilidad.

Ayon pa sa ILPS, natatakot ang US at iba pang represibong mga rehimen sa rehiyon na baka kumalat sa iba pang mga bansa ang kaguluhan sa Tunisia. Nagkaroon na umano ng mga protesta sa Algeria, Jordan at Egypt.

Nanawagan ang grupo sa mga progresibong puwersa at mamamayan ng daigdig na suportahan ang lehitimong aspirasyon ng mga mamamayan ng Tunisia at iba pang bansa sa Gitnang Silangan para sa pambansang kalayaan, demokrasya, katarungang panlipunan, kaunlaran, solidaridad at kapayapaan.