Kapirasong Kritika

Nabigo ang Multikulturalismo


Natawag ang pansin ko ng balitang ito sa Philippine Daily Inquirer nitong 04 Enero ngayong taon: “’OFWs must be taught ways of hosts’.” Ano na naman kaya ang kailangang ituro sa mga Pilipinong mago-Overseas Filipino Worker para umakma sa “kultura at mga praktika” ng mga bansang pupuntahan nila? Ano na naman kayang problema sa mga Pinoy ang sinisisi ngayon?

/1/

Natawag ang pansin ko ng balitang ito sa Philippine Daily Inquirer nitong 04 Enero ngayong taon: “’OFWs must be taught ways of hosts’.” Ano na naman kaya ang kailangang ituro sa mga Pilipinong mago-Overseas Filipino Worker para umakma sa “kultura at mga praktika” ng mga bansang pupuntahan nila? Ano na naman kayang problema sa mga Pinoy ang sinisisi ngayon?

Sa balitang ito, nananawagan ang isang G. Jackson Gan, bise-presidente ng isang Federated Association of Manpower Exporters Inc., sa Overseas Workers Welfare Administration o Owwa na baguhin ang pre-departure seminars o PDOS na ibinibigay ng naturang ahensya sa mga Pilipinong nagbabalak mag-OFW para umano maiangkop nito sila sa pupuntahan nilang bansa.

Dalawa ang insidenteng ginamit ni G. Gan na batayan ng panawagan niya: ang isang OFW galing Saudi Arabia na nahulihan ng 150 libra ng tanso na ninakaw sa kanyang amo, at ang mga OFW galing Taiwan na nahulihan ng mga alambre ng ginto na ninakaw rin sa pagawaang pinagtatrabahuan nila. “Nakakahiyang mga insidente” ang itinawag ni G. Gan sa dalawang kasong ito.

Nagulat ako sa laman ng balita: Sinasabi ba ni G. Gan na mikrobyo ng mga Pinoy ang pagnanakaw – na kailangang banlian at banlawan ng PDOS sa mga mga gustong maging migranteng manggagawa sa ibang bansa, dahil hindi kultura ng ibang bansa ang pagnanakaw? Hindi ko alam kung may lahing Arabo at Taiwanese ako, pero alam ko bilang Pinoy na bawal talaga ang magnakaw.

Palyado ang mga batayan ni G. Gan. Nakakaintriga tuloy ang intensyon ng grupo niya. May gusto kaya itong ipasok na kurso sa PDOS na pagkakaperahan? O mga rekrut kaya nito ang mga nadakip at nahihiya itong tanggapin ang sisi sa pang-uumit – kung may sisi man bukod sa pagsingil ng recruitmen fee na sa grabeng laki’y nakaudyok ng pagnanakaw – kaya sinisisi nito ang PDOS?

/2/

Anu’t anuman, nabasa ko ang isa pang balita ilang buwan na ang nakakaraan: Ayon kay Angela Merkel, chancellor ng Germany, “sobrang nabigo” ang pagsisikap na lumikha ng lipunang multikultural sa bansa niya. Sobrang kaunti raw ng hinihiling sa mga migrante noon at kailangan na raw nilang matuto ng wikang Aleman para makaangkop sa paaralan at makakuha ng trabaho.

May tumitining na mensahe: kailangang umangkop ang mga migranteng manggagawa sa kultura at mga praktika ng mga bansang pinupuntahan nila. May ipinapahiwatig na mga negatibong epekto sa mga gustong magmigrante o mga migrante mismo kapag hindi tumalima: hindi sila matatanggap sa trabaho, o masisisante sila sa trabaho at titindi ang pagka-etsapwera nila sa ibang bansa.

Dahil sa matinding krisis pang-ekonomiya sa mundo ngayon, na nagdudulot ng kawalang-trabaho kahit sa mga abanteng kapitalistang bansa, lumiliit talaga ang dating mas malawak na oportunidad ng mga Pilipino na makapagtrabaho sa ibang bansa at lumalaki talaga ang posibilidad na marami ang masisante sa kanila. Batay sa mga ulat ng mga eksperto, dadami ang mga kaso ng ganito.

Ipinapasa nina Gng. Merkel at G. Gan sa indibidwal na mga migrante at sa gobyerno ng Pilipinas ang pananagutan sa mangyayari sa mga gustong magmigrante at mga migrante. Inililihis nila ang sisi palayo sa matinding krisis ng sistemang kapitalista, patungo sa mga nabanggit – na minimal naman ang magagawa para baguhin ang sitwasyon ng mga migranteng manggagawa.

Bahagi ang mga pahayag ng dalawa ng kampanyang ipatanggap sa mga migrante, gustong magmigrante, at mamamayan ang pagliit ng pagkakataong makapagtrabaho at pagkaunti ng mismong trabaho sa ibang bansa. Ipinapatanggap din sa mga nabanggit ang mas mababang sahod, mas mababang oras ng paggawa, mas kawalan ng seguridad sa trabaho, at mas pagbusabos sa mga migrante.

/3/

May komentaryo si Terry Eagleton, Marxistang intelektwal na Ingles kung saan sinabi niyang mapanganib ang multikulturalismo para sa “mga nasa kapangyarihan.” Isang panganib raw ito “dahil ang klase ng estadong pampulitika na mayroon tayo [sa Inglatera] ay nakasandig sa mahigpit na pangkulturang konsensus para ipatupad ang mga patakarang mapanghati sa ekonomiya.”

Syempre pa, isang tugon ang multikulturalismo – na nagtutulak ng paggagalangan at pagkakapatiran ng mga kultura ng iba’t ibang mamamayan – sa loob ng mauunlad na bansa sa umigting na migrasyon ng lakas-paggawa mula Ikatlong Daigdig matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig at kaakibat nitong huli ng neoliberal na deregulasyon ng pamilihan ng lakas-paggawa sa mundo.

Kaduda-duda kung totoong nagmumula sa mismong dami ng kultura ang problema ng mga Estado ng mga abanteng kapitalistang bansa sa migrasyon ng lakas-paggawa. Mas malamang, nakaugat ito sa limitasyon ng pang-ekonomiyang oportunidad na maiaalok ng sistemang kapitalista sa mga tao – na siya namang pinag-uugatan ng rasismo ng “sariling mga mamamayan” sa mga migrante.

Anu’t anuman, may nagbabanta sa harap ng matinding krisis pang-ekonomiya sa mundo: titindi ang rasismo at pang-aabuso sa mga migrante, at ang naunang panahon ng pagkabigo ng multikulturalismo ay posibleng tingnan pang panahon ng tagumpay nito. Hindi pa man nagtatagumpay ang multikulturalismo bilang proyektong panlipunan ay tutungo na ito sa lalong pagkabigo.

Ang dapat sigurong tanawin, tulad ng ginagawa ng mga maka-Kaliwang intelektwal, ay ang pagbuo ng isang multikulturalismong rebolusyunaryo, ng pagkakapatiran at pagkakaisa ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang kultura sa paglaban sa sistemang kapitalista – na nagdudulot ng pagkakahati at iringan nila habang binubuklod ang mga mapagsamantala mula sa iba’t ibang kultura.

07 Enero 2011