BT talong at soberanya sa pagkain


Para raw masolusyonan ang lumalalang kagutuman at krisis sa pagkain, kailangang madebelop ang genetically-modified na mga pagkain tulad ng BT talong. Pero bukod sa kinukuwestiyon kung ligtas nga ang pagkaing ito, sinasabi ng mga grupo ng magsasaka na hindi makakabuti para sa kanila at sa sambayanan ang mga tulad ng BT talong.

Pagtatanim ng talong: Kailangan ba talaga ng genetically-modified na uri nito? (Larawan mula sa http://muchie05.livejournal.com/57004.html)
Pagtatanim ng talong: Kailangan ba talaga ng genetically-modified na uri nito? (Larawan mula sa http://muchie05.livejournal.com/57004.html)

Pakbet, torta, sinigang, ginataan at iba pa. Ito ang ilan sa tradisyunal na mga lutuing Pilipino na nangangailangan ng gulay. Isa rito ang talong, iyong kulay-ubeng gulay na mayaman sa mga bitamina, carbohydrates, fiber at protina. Kaya naman napakahalagang bahagi ang gulay sa hapag kainan ng bawat mesa ng Pilipinas.

Ngunit problema rin ng mga magsasakang nagtatanim ng talong ang peste na sumisira sa kanilang pananim. Ito rin ang nagiging ugat ng maliit na ani, na tumutungo sa sinasabing kakulangan daw ng suplay ng pagkain. Kaya naman patuloy ang paghahanap ng alternatibo upang masolusyonan ang kanilang problema sa peste sa gulay.

Dito pumapasok ang teknolohiya ng BT talong sa eksena.

Kaguluhan sa BT

Genetically-modified na uri ng pananim ang “BT talong.” Artipisyal na isinalin ang Bacillus Thuringenesis na isang mikrobyo upang magkaroon ito ng sariling lason laban sa pesteng fruit borer na sumisira sa mga halaman. Unang nilikha ito ng Maharashtra Hybrid Seed Company o Mahyco.

Ang Mahyco ay subsidiary ng kompanyang Monsanto sa India.

Pinangunahan ng Unibersidad ng Plipinas-Los Baños (UPLB) sa pangunguna ni Dr. Desiree Hautea ang pagdedebelop ng “BT talong” sa bansa. Nakuha nila ang binhi ng walang bayad o royalty-free mula sa Mahyco. Ang pagsasaliksik ay sinuportahan rin ng US Agency for International Development (USAID) pati ng Cornell University ng US.

Sa India, nagpasa ng isang ulat o dossier ang Mahyco sa hakbanging pagkokomersalisa ng naturang uri ng talong. Laman ng ulat ang pagiging ligtas daw nito sa kapaligiran at sa kalusugan ng tao. Samantala, tinatantiya na sa ikalawang kuwarto ang pagiging commercial ng BT talong sa Pilipinas. Naisagawa na kasi ang contained trial noong 2003 at contained field trial ng pananim noong 2007.

Sumailalim sa multi-location testing ang BT talong, at nangunguna rito ang mga taniman sa UPLB, gayundin ang sa Camarines Sur at ang sa Sta Maria, Pangasinan. Kasama rin dito ang ilan pang pagtatanim sa UP Mindanao.

Willy Marbella ng KMP: Tunay na reporma sa lupa pa rin ang solusyon. (Arkibong Bayan)
Willy Marbella ng KMP: Tunay na reporma sa lupa pa rin ang solusyon. (Arkibong Bayan)

Ano ang ikasasama nito?

Argumento ng mga naniniwala sa BT talong na lalaki ang ani ng mga magsasaka dahil kokonti ang mga masisirang pananim dahil sa fruit-and-shoot borers. Isa pa, anila’y hindi na kailangang magpahid pa ng pestisidyo sa labas

Ngunit sa porum na isinagawa sa Kamara kamakailan, iniulat ni Dr. Chito Medina, pambansang tapag-ugnay ng Masipag o Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura ang mga masamang epekto na maidudulot ng BT talong sa katawan ng tao.

Partikular niyang binanggit ang antibiotic resistance na maaari umanong mabuo sa katawan ng tao na nakakain ng BT talong. Ayon kay Miranda, maaaring umabot sa level na antibiotic resistant na ang katawan ng tao sa maiimbak na toxins na nakain mula sa naturang klase ng talong.

Isa pang kinakatakutan ng mga siyentipiko na na maging problema ay ang field testing na naisagawa sa BT talong. Nauna nang plano na magkaroon ng open-pollinated variety ang BT talong sa susunod na mga yugto ng pananaliksik nito. Lalong kinakatakutan anila ang cross-pollination na maaaring maglabas ng strain ng BT talong at humalo sa organikong talong. Ito’y habang nasa ilalim pa rin ng saradong pananaliksik ng naturang talong. Anila, may isang lugar na pinagdausan ng pananaliksik na malapit sa bee culture, at maaaring nailabas na ng mga bubuyog ang binhi nang hindi namamalayan.

Lumalabas na may pangangailangan na ipatigil ang isinasagawang pananaliksik sa bansa kung may mga problemang maaaring lumutang ukol rito. Ngunit maging ang Bureau of Plant Industry o BPI ay hindi makasagot ng tuwiran sa pagpapatigil ng pagtatanim. Ang kanilang pahayag ay pagsunod sa protocols ukol sa pagtatanim at pagsasagawa ng pagaaral ng BT talong. Sa Davao City, halimbawa, balangkas ang kanilang Biosafety Permit For Field Testing na may numerong 10-11e ang mga kondisyon upang isagawa roon ang pananaliksik,

Samantala, ipinatigil na sa India ang komersiyal na pagpapalaganap ng BT talong. Ayon na rin ito sa moratoryo na inilabas ng kanilang Ministro sa Kagubatan at Kalikasan na si Jairam Ramesh at sa tulong na rin ng malawakang konsultasyon.

Ang magtatanim ang magpapasya

Naipaabot naman sa mga kinauukulan sa bansa ang ilang maling hakbangin sa pagsasaliksik ng BT talong. Ipinatigil nito lamang Disyembre ni City Mayor Sara Duterte ng Davao ang pagsasagawa ng pananaliksik sa UP Mindanao. Umabot sa kanyang tanggapan na tatlo lamang sa nakasaad sa field testing approval na inilabas ng BPI ang nasunod sa naturang field test. Naglabas agad siya ng cease and desist order kay UP Mindanao Chancellor Gilda Rivero upang itigil ang pananaliksik doon ng BT talong.

May isang pagtingin ang mga magsasakang organiko sa pagpapatuloy na pagsasaliksik nito sa bansa. Para sa kanila, komersalisasyon ang nagtutulak sa mga kompanya tulad ng Mahyco upang itulak ang kanilang produkto. Nakikita rin nilang maging ang pagsasagawa ng pag-aaral nito ng libre ay tungo sa pagtanggap ng bansa sa genetically-modified na uri ng pagkain. Ito rin ang nakikta nilang magpapahina ng lubos sa agrikultura ng bansa, laluna sa pagtatanim ng lokal na mga magsasaka.

Kaya naman maingay ang mga magsasaka sa kanilang pagtutol sa strain ng BT talong. Para sa kanila, hindi solusyon ang naturang uri ng gulay sa kakulangan ng pagkain. “Hindi kami naniniwala sa dami kundi sa pagiging libre sa pestisidyo masusukat ang kalidad ng aming itinatanim,” ayon sa isang organic farmer na inimbitahang magsalita sa nasabing porum sa Kamara.

Dagdag naman ni Willy Marbella, deputy secretary general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP, na tunay na reporma sa lupa ang sagot sa suliranin ng kagutuman ng mga mamamayang Pilipino. Aniya, dapat hiwalay sa presyur ng mga kapitalista ang pagtatanim ng mga magsasaka. “Kung pag-aari ng mga magsasaka ang lupa, siya ang magdedetermina kung ano ang kanyang itatanim,” saad ni Marbella.

Kaya nama’y patuloy ang pagtutulak ng mga magsasaka sa tunay na reporma sa lupa. Hindi lamang ito isang adhikang paulit-ulit na ikinakaalburuto ng mga magsasaka sa lansangan at sa Mendiola, kundi isa pa ring solusyon hindi lamang sa seguridad ng suplay ng pagkain kundi pati na rin sa ligtas na uri ng pagkain.