Dalawampu’t limang Pilak


Isang tula ng makatang si Ricahard R. Gappi sa ika-25 anibersaryo ng tinaguriang EDSA People Power

Sa daanang tatak, pinahaba ng panahon
Saksi sa People Power 1 EDSA Revolution;
Milyon, pulu-pulutong, mga tao’y nagtipon
Upang patalsikin ang abusadong diktador.

Kipkip ng kamao’t dibdib ang tibay ng tapang
Dasal sa rosaryo ay sa tangke iniharang
May nag-abot pa ng rosas sa sundalong bantay
Ipinamigay din libreng tubig at tinapay.

Itong apat na araw sadyang lubhang mabilis
Matapos ang kaba at nakabiting ligalig;
Marcos na diktador, tumalilis, napatalsik
Kalayaan, demokrasya’y muling nanumbalik.

Dalawampu at limang taon nang nakalipas
Buhay at diwa ng EDSA, atin pa bang gagap?
Baka gunita nati’y parang ningning ng pilak
Nalimot, nagkanulo parang halik ni Judas?

Baka tayo ngayon tulad ng rosas at dahon
Nababad sa araw, ang amoy ay nanguluntoy?
Dahil umaalingasaw, iba’t ibang amoy
Sa baya’y sakit ng ulo, hatid ay kumunoy.

Baka iilan lang ang sa EDSA’y nakinabang?
Bala lang sa kanyon ang salat na taumbayan
Kaya sila nanlalamig, walang pakialam
Dahil kanya-kanyang kabig, kanya-kanyang gulang?

Ang mahirap na nagtanim dapat may malasap
Baka inyo ang sarap at sa pobre ang saklap?
Laging may EDSA 4 na nakabantang maganap
Kung api at hirap pa rin, walang aliwalas.

Dapat tumulong, mag-ambag din ang bawat isa
Anumang maibibigay sa bayan at kapwa
Kung lahat tayo ay magsisikap at gagawa
Mawawalan, mapapaos puwang ng pagngawa.

Kung EDSA Revolution makabuluhan noon
Di dapat mawala ang saysay nito sa ngayon
Tingnan ang sarili sa gabay ng Panginoon
Kolektibong gawin ang tama at naaayon.

Sinumang ayaw lumingon sa pinanggalingan
Di siya makakarating sa paroroonan.
Kung walang anino ang bayan sa paglalakbay
Putol ang ulo sa nilalakarang daanan.

Magkapit-kamay tayo, magkaisa sa EDSA
Upang hindi tayo maligaw at madisgrasya;
Sa gabay ng kalayaan tayo’y sasagana
Magiging pambansa itong ating demokrasya.