Sa ika-24 anibersaryo ng EDSA I: Pilipinas lalong lumala


Mas lalong lumala ang landas na tinahak ng Pilipinas, 24 taon makalipas ang pag-aalsang Edsa I na nagpatalsik sa yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, ayon sa Bayan (Bagong Alyansang Makabayan). “Makalipas ang 24 na taon, nasa mas malalang landas ang Pilipinas. Ang rehimeng Arroyo, gamit ang puwersa ng estado, ay lumabag sa karaptang pantao […]

Mas lalong lumala ang landas na tinahak ng Pilipinas, 24 taon makalipas ang pag-aalsang Edsa I na nagpatalsik sa yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, ayon sa Bayan (Bagong Alyansang Makabayan).

“Makalipas ang 24 na taon, nasa mas malalang landas ang Pilipinas. Ang rehimeng Arroyo, gamit ang puwersa ng estado, ay lumabag sa karaptang pantao tulad ng ekstra-hudisyal na pamamaslang, sapilitang pagkawala, tortyur at ilegal na pag-aresto at pagbilanggo sa sistematikong paraan nang walang pananagutan. Laganap ang korupsiyon, sangkot ang Unang Pamilya sa bigating mga iskandalo. Nananatiling walang lupa at tahanan ang milyun-milyong Filipino, at patuloy na nabubuhay sa karukhaan, habang ang iba’y nabubuhay na parang mga hari at reyna,” pahayag ng Bayan.

Sinabi pa ng grupo na binalewala ng administrasyon ang pambansang soberanya: hinayaan nito ang permanenteng pagkakampo ng tropang US, lumahok sa umano’y kontra-teroristang aktibidad ng militar ng Pilipinas, at ligtas sa mga kriminal na kasong nagawa laban sa mamamayang Filipino.

“Naging sunud-sunuran ito sa mga polisiyang dikta ng dayuhang monopolyo kapital, na kinakatawan ng IMF-World Bank-World Trade Organization, sa ekonomiya at binuksan ang pinto sa pandarambong ng mulitinasyunal na mga korporasyon. Naging bulag itong tagasunod sa patakarang panlabas ng US partikular sa umano’y gera laban sa terorismo”, ayon pa sa pahayag.

Binatikos pa ng Bayan ang nakalipas na mga administrasyon matapos ang Edsa I na umano’y nagpanatili sa atrasado, mala-kolonyal at mala-pyudal na katangian ng lipunang Filipino.

“Silang mga naluklok sa kapangyarihan pero bigo sa pagbibigay ng tunay na pagbabago ay nagpababaw sa tunay na kahulugan ng “people power”.

Naniniwala ang Bayan na ang pagiging atrasado at malubhang kalagayan ng mamamayan ang nagbibigay-diin sa patuloy na kalahagahan at pangangailangan para sa  “people power”. “Nanatiling makabuluhan ang Edsa I dahil ang elitista, anti-mamamayan at maka-imperyalitang sistema ay umiiral pa rin. Hindi pa rin nakakamit ang pangarap at aspirasyon ng mamamayang Filipino na nagtulak sa kanila sa Edsa noong 1986,” ayon pa sa grupo.

Ayon sa Bayan malinaw ang aral ng Edsa I: tanging ang kolektibo at determinadong pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya ang magbibigay-daan tungo sa isang pantay-pantay, makatarungan, masagana at mapayapang Pilipinas.