Daluyong ng protesta sa Nob. 30, kasado na
Nag-anunsiyo ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot at Bagong Alyansang Makabayan ng isang dambuhalang kilos-protesta laban sa korupsiyon at katiwalian sa darating na Nob. 30, Araw ni Andres Bonifacio.
Nag-anunsiyo ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ng isang dambuhalang kilos-protesta laban sa korupsiyon at katiwalian sa darating na Nob. 30, Araw ni Andres Bonifacio.
Ayon kay KBKK convenor David Michael San Juan, inaasahan na hihigitan pa ng protesta sa katapusan ng Nobyembre ang Baha sa Luneta noong Set. 21 dahil sa tindi ng galit ng mamamayang Pilipino sa mabagal na pagpapanagot sa mga sangkot sa katiwalian sa gobyerno.
“Lahat ng sangkot, dapat managot,” wika ni San Juan. Kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mga matataas na opisyal ng pamahalaan, mga mambabatas ng parehong kapulungan ng Kongreso at mga kasabwat na kontratista sa mga sisingilin ng pananagutan sa kilos-protesta.
“Kapag sinabi nating lahat, kasama dito si Vice President Sara Duterte na na-impeach noong Pebrero at dapat humarap sa paglilitis ng Senado para sa paglulustay ng P612.5 milyon confidential and intelligence funds, kasama ang P254.9 milyon ‘ghost expenses,’” dagdag ni San Juan.
Kaisa sa panawagan para sa Nob. 30 ang iba’t ibang sektor kagaya ng kabataan, manggagawa, magsasaka, artista, akademiko, tanggol-kalikasan, senior citizens, taong simbahan at iba pa.
“Pinipiga ang aming dugo’t pawis sa araw-araw na todo kayod. Sinasaid ang aming mga wallet ng patong-patong na mandatory deduction at pati [ng Value Added Tax at Expanded Value Added Tax] sa bawat produktong bibilhin,” sabi ni Kilusang Mayo Uno (KMU) deputy secretary general Joanne Cesario.
Giit ng KMU, malinaw sa mga manggagawa at taumbayan ang sabwatan ng mga kurakot na politiko sa sistemang bulok na pinatatakbo bilang sindikato at negosyo.
Nanawagan si Cesario sa kapwa obrero at mamamayan na magkaisa sa paglaban sa lansangan para yanigin ang mga naghahari-harian.
Bilang paghahanda para sa Nob. 30, magkakaroon din ng mga Black Friday Protest sa Nob. 7, 14, 21 at 28 sa iba’t ibang komunidad para himukin ang mas marami pa na lumahok sa dambuhalang kilos-protesta.