Bayan, nagdaos ng Halloween protest vs korupsiyon
Sa bisperas ng Undas, tinawag ng Bagong Alyansang Makabayan ang Malacañang na “house of horror” at “haunted house ng mga ghost project” sa isang Halloween-themed anti-corruption protest.
Sa bisperas ng Undas, tinawag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang Palasyo ng Malacañang na “house of horror” at “haunted house ng mga ghost project” sa isang Halloween-themed anti-corruption protest.
Nagmartsa mula Morayta patungong Mendiola sa Maynila ang mga nagprotesta suot ang iba’t ibang maskara at props. May ilang nakabihis bilang albularyo, manunugis, Ghostbusters, mga karakter sa Money Heist, at may suot na mga sungay ng demonyo, na kumakatawan umano sa mga “demonyo ng korupsiyon” sa gobyerno.
Ayon kay Bayan secretary general Raymond Palatino, nararapat lang na sa Mendiola idaos ang protesta dahil mas marami umanong “halimaw” sa loob ng Malacañang.

“Ang mga halimaw sa pamumuno ni [Ferdinand] Marcos Jr., sila ang mga magnanakaw, mga mandarambong ang pumapatay sa mamamayang Pilipino. Nandito tayo para puksain ang mga masasamang elemento sa ating bayan,” sabi ni Palatino.
Galit na galit naman ang sektor ng edukasyon sa katakot-takot na korupsiyong nangyayari sa bansa sabi ni Alliance of Concerned Teachers chairperson Ruby Bernardo.
“Trick sa pangakong dagdag na sahod, trick para bigyang-pansin ang kalagayan ng ating mga guro sa eskuwelahan at trick sa pagbibigay ng nakakabuhay na sahod. ‘Yan po ang kalagayan ng aming sektor, samantalang threat ang binigay sa panunupil at pananakot, panggigipit sa ating mga lider-unyon,” ani Bernardo.
Bahagi ang nasabing pagkilos sa paghahanda ng mga progresibong grupo para sa malaking kilos-protesta sa darating na Nob. 30 para panagutin ang mga kurakot, lalo na ang mga Marcos at Duterte.