Kaso vs. cultural worker, ibinasura


Nakakita ng hindi sapat na ebidensya si Prosecutor Kathleen Aseron-Casimiro para kasuhan si Max Santiago ng paglabag sa Ecological Waste Management Act at Clean Air Act.

Ibinasura ng prosecutor sa Quezon City ang mga reklamong isinampa ng pulisya laban kay Max Santiago, residenteng artista at cultural worker ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) dahil sa pagsunog ng effigy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nakaraang State of the Nation Address (SONA).

Nakakita ng hindi sapat na ebidensya si Prosecutor Kathleen Aseron-Casimiro para kasuhan si Santiago ng paglabag sa Ecological Waste Management Act at Clean Air Act.

Dalawang pulis ng Quezon City Police District (QCPD) ang nagsabi na ang pagsunog ng Marcos “doble kara” effigy noong Hulyo 24 ay “malaki ang naiambag sa air pollution.”

Gayunpaman, sinabi ni Aseron-Casimiro na walang alegasyon sa reklamo na nakita ng mga pulis si Santiago at tatlong hindi pa nakikilalang katao na sinunog ang effigy.

Sinabi rin ni Aseron-Casimiro na ang dalawang pulis na nagrereklamo ay nakatalaga sa Anonas Police Station habang ang pagsunog ng effigy ay sa Commonwealth Avenue.

Lumalabas na ang batayan ng mga reklamo ng pulisya ay base lamang sa mga inalis na larawan sa social media at hindi personal nilang nasaksihan.

Ikinatuwa naman ng Bayan ang naging desisyon ng piskal. Anila, ang layon ng reklamo ay para mang-harass at magpatahimik sa malayang pagpapahayag.

“The police wanted to send a chilling effect by criminalizing dissent, several QC police officers have filed two complaints against Bayan leaders and chapters about the SONA protest,” pahayag ng Bayan.

“Aside from wasting taxpayers’ money, the police undermined freedom of expression by weaponizing an environmental law to intimidate critics and activists,” dagdag nito.

Nanawagan din ang Bayan sa mga awtoridad na bawiin ang natitirang reklamong inihain ng pulisya laban sa mga aktibistang nakilahok sa protesta sa nakaraang SONA.

Sa isang hiwalay na pahayag, binati rin ng Movement Against Disinformation (MAD) ang naging desisyon ng piskal.

“This decision marks a critical movement in upholding the right to free expression and combating baseless legal harassment,” ayon sa MAD.

“The prosecutor’s refusal to pursue charges without substantial evidence is a testament to the integrity of our legal system and the importance of protecting democratic principles,” dagdag ng grupo.