Badoy, Celiz, hinabla ng lider ng Bayan
Mahigit P2 milyon na danyos perhuwisyo ang dinedemanda ni Araullo mula sa dalawa na mga kilalang personalidad na nanre-red-tag at naninira sa mga kritiko ng pamahalaan at progresibong indibidwal at organisasyon sa kanilang programang “Laban Kasama ang Bayan” sa SMNI News Channel.
Nagsampa ng kaso sa danyos perhuwisyo laban kina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz si Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) chairperson emeritus Carol Araullo sa Quezon City Regional Trial Court dahil sa panre-red-tag, paninira at maling impormasyong ipinakakalat ng dalawa sa telebisyon.
Kabilang sa mga paratang nina Badoy at Celiz kay Araullo ang diumano’y pagiging mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines at pangingikil ng $5 milyon hanggang $10 milyon kada buwan sa mga Pilipinong nasa ibang bansa.
Mahigit P2 milyon na danyos perhuwisyo ang dinedemanda ni Araullo mula sa dalawa na mga kilalang personalidad na nanre-red-tag at naninira sa mga kritiko ng pamahalaan at progresibong indibidwal at organisasyon sa kanilang programang “Laban Kasama ang Bayan” sa SMNI News Channel.
“I am filing these complaints in behalf of those who do not have the means, the opportunity and support system to do so but who are experiencing red-tagging/terrorist labeling and the harassment, if not actual terror, this brings,” pahayag ni Araullo.
Maliban sa paninira kay Araullo at sa Bayan, target din ang kanyang anak na mamamahayag na si Atom Araullo ng walang habas na red-tagging nina Badoy, Celiz at iba pang elemento ng estado katulad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).
Bagaman maaaring kasuhan ng libelo ang dalawa, minabuti ng kampo ni Araullo na magsampa ng kasong sibil para sa danyos perhuwisyo dahil adhikain din niya at ng Bayan ang dekriminalisasyon ng libelo sa bansa.
Umaasa si Araullo na matitigil ang ginagawang paninira sa kanya at sa Bayan sakaling kakatigan ng korte ang kanilang reklamo.