FEATURED Pambansang Isyu

Paggigiit sa kabila ng ‘gabi ng lagim’


Pinasimulan na ng rehimeng Duterte ang malawakang crackdown sa kilusang masa, sa Negros at Manila. Pero nilalabanan ito ng mga inaresto, mga organisasyong masa at tagasuporta.

“Kaninang pinala-bas ninyo kami, may mga naiwan dito. Tapos nginangarag ninyo kami na doon mag-usap sa harap. Tapos biglang may makikita d’yang mga gamit. Kakalinis lang ho namin d’yan. Walang mga gamit d’yan!”

Naririnig na sinabi ito ni Anne Krueger, mamamahayag sa alternatibong midya na Paghimutad, na sinasabi ito, sa kanyang pagbrodkast sa Facebook Live ng reyd sa isa sa mga opisina ng progresibong mga organisasyon sa Bacolod, Negros Occidental, gabi ng Oktubre 31.

“Mga tao ho ninyo rito kanina, mga SWAT (Special Weapons and Tactics Team) ninyo ang lumilibot dito kanina.”

Nakita sa bidyo ni Anne: isang miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), hinahalukay ang isang bag na kulay asul. Gamit ang kanyang mga kamay, walang guwantes, hinawakan niya ang isang pistola na galing daw sa naturang bag. Inilabas pa ang mga bala, at mistulang ipinakita sa isa pang pulis. May mga damit din sa bag. Iniladlad ang isang damit na iba-iba ang kulay. Saka pinasok ng pulis sa loob ng bag—ang baril at mga damit, at saka tinangay.

Pagkatapos noon, inaresto na ng CIDG si Anne, at 54 iba pa, na nadatnan sa nireyd na mga opisina. Walang anumang kaso bago nito ang mga hinuli. Batay lang sa nakuhang mga baril kung kaya sila dinampot na ng mga pulis. May mga hinuli pa sa sumunod na araw- -sa Escalante at Manila.

FB Live video ni Anne Krueger

Crackdown

Mga opisina (at ilang tahanan ng mga lider ng) Kilusang Mayo Uno (KMU), National Federation of Sugar Workers (NFSW), Gabriela at Bayan Muna sa Bacolod ang nireyd noong Oktubre 31.

Sa bisa ng search warrant ni Executive Judge Cecilyn Burgos-Villavert ng Quezon City Regional Trial Court Branch 89, hinalughog ang mga tanggapan at diumano’y may natagpuang mga baril, bala at eksplosibong pagmamay-ari ng mga sinasabing mga kasapi raw ng rebeldeng New People’s Army (NPA). May ginagawa rin umanong pagsasanay at pagdoktrina sa mga NPA sa mga tanggapang ito.

Umabot sa 55 unyonista, aktibista, mga lider at kasapi ng progresibong organisasyon ang inaresto sa nasabing reyd. Kabilang dito sina John Milton Lozande, pangkalahatang kalihim ng NFSW; Noly Rosales, kasapi ng pambansang konseho ng KMU at kinatawan nito sa rehiyon ng Negros; Romulo Bito-on, tagapag-ugnay ng Koalisyong Makabayan at Anne Krueger ng Paghimutad. Organisador din ng Business Process Outsourcing Employees Network (BIEN) si Anne.

Kinabukasan, nireyd ang opisina ng NFSW sa Escalante City at inaresto ang mga lider nito na sina Imelda Sultan and Lindy Perocho.

Samantala, sa Paco, Maynila, alas-singko ng umaga ng Oktubre 31, pinasok din ng mga pulisya ang bahay nina Cora Agovida at Michael “Tim” Bartolome, kasama ang dalawa nilang anak. Si Agovida ay tagapangulo ng Manila tsapter ng Gabriela at tagapagsalita ng Gabriela-Metro Manila, habang organisador naman ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Metro Manila si Bartolome. Kinuha din ng mga pulis ang dalawang anak nilang may edad dalawa at 10.

Nobyembre 5 ng ala-1:15 ng madaling araw, nireyd naman ang opisina ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Manila sa Tondo, Manila. Nadatnan doon ng mga pulis sina Ram Carlo Bautista ng Bayan-Manila, Alma Moran na bahagi ng secretariat ng Manila Workers’ Unity, Ina Nacino, Manila coordinator ng Kadamay at dalawang iba pa. Pero sina Ram Carlo, Alma at Ina ang tuluyang inaresto. Tulad ng sa Negros at sa Paco, nakuhanan din daw ang opisinang ito ng baril, bala at granada.

Tulad ng mga reyd noong Oktubre 31 at Nobyembre 1, nagmula rin ang search warrant sa opisina ng Bayan- Manila sa sala ni Executive Judge Villavert.

Mga manggagawa ng Ceres Bus Liner, kasama ang kanilang abogado, napalaya matapos ang isang linggo dahil hindi magawang kasuhan ng piskal. <b>Kodao</b>
Mga manggagawa ng Ceres Bus Liner, kasama ang kanilang abogado, napalaya nitong Nob. 6 matapos ang isang linggo dahil hindi magawang kasuhan ng piskal. Kodao

 

Pinagplanuhan

“Gabi ng lagim” kung ituring ng mga unyonista at kasapi ng progresibong mga organisasyon ang anila’y panibagong bugso ng atake ng rehimeng Duterte sa mga kritiko ng pamahalaan.

Ilang oras bago ang reyd, dumulog sa panrehiyong tanggapan ng KMU sa Bacolod ang mga manggagawa ng Vallacar Transit Inc. (VTI) para ikonsulta ang ilegal na tanggalan sa kanilang kompanya. Ang VTI ay siyang kompanyang nagpapatakbo ng Ceres Bus Liner, isa sa pinakamalalaking kompanya ng transportasyon sa bansa na nakabase sa Negros.

Kabilang sila sa mahigit 200 manggagawa ng Ceres sa buong bansa na tinanggal kamakailan bunga ng alitan ng pamilyang Yanson na may-ari ng kompanya. Sila’y mga unyonistang kaanib ng Philippine Agricultural, Commercial and Industrial Workers Union (Paciwu- TUCP). Matagal na ring nakikipag-ugnayan ang KMU sa Paciwu hinggil sa tinatakbo ng kaso sa ilegal na tanggalan sa Ceres at si Noly Rosales, bilang kinatawan ng KMU sa Negros ang pangunahing nakatutok sa laban.

Ayon kay Michael dela Concepcion, pangakalahatang kalihim ng Bayan-Negros at dating lider ng BIEN, karaniwan para sa mga sentrong unyon gaya ng KMU at NFSW na tumanggap ng pagdulog ng mga manggagawa at pakikipagkonsulta sa iba pang unyon.

Ang hindi aniya katanggap-tanggap ay ang arestuhin, sampahan ng gawa-gawang mga kaso at bansagang kriminal o terorista ang mga uniyonista dahil lang sa paglaban para sa kanilang sahod, trabaho at karapatan.

Noong hapon ng Oktubre 31, nadatnan ng CIDG ang 21 manggagawa ng Ceres sa tanggapan ng KMU-Negros. Kahit wala silang kaso, inaresto sila. Ayon sa PNP, ang mga ito daw ay mga dinodoktrinahang NPA.

Menor de edad

Samantala, sa tanggapan naman ng NFSW, nag-eensayo ang mga aktibistang pangkultura na kasapi ng Teatro Obrero para sa itatanghal nilang dula na pinamagatang “Papa Isio” sana sa Nobyembre 5.

Karamihan sa kanila, kabataang manggagawa at maralita na nagsanay sa pagtatanghal bilang porma ng protesta. Makailang-ulit na silang nagtanghal sa malalaking produksiyon gaya ng taunang pagsasadula ng masaker sa Escalante (masaker noong panahon ng batas militar ni Marcos). Madalas din silang nagtatanghal ng mga awit, sayaw, dula at iba pang likhang-sining sa mga kilos-protesta.

Inabutan sila ng raiding team sa kalagitnaan ng pag-eensayo para sa “Papa Isio”. Umabot sa 25 kasapi ng Teatro Obrero ang dinampot kabilang ang anim na menor-de-edad. Sa isang pahayag, sinabi ng AFP na ang mga bata raw na ito na edad 12 hanggang 17 ay nagsasanay na mga “rebeldeng mandirigma” ng NPA at isinailalim na sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development.

Nagprotesta ang mahigit 200 aktibista sa harap ng Kampo Crame noong Nob. 4 para kondenahin ang mistulang crackdown noong Oktubre 31, at Nob. 1. <b>Altermidya</b>
Nagprotesta ang mahigit 200 aktibista sa harap ng Kampo Crame noong Nob. 4 para kondenahin ang mistulang crackdown noong Oktubre 31, at Nob. 1. Altermidya

Tanim-ebidensiya

Sa isang press conference kinabukasan matapos ang reyd, ipinresenta ng hepe ng public affairs ng Philippine Army 3rd Infantry Division na si Capt. Cenon Pancito III ang 33 baril, 130 bala, limang pampasabog, mga bandila ng KMU, mga mikropono, megaphone at subersibong mga dokumento na diumano’y nakuha mula sa sinalakay na mga tanggapan.

Mariing pinabulaan ng progresibong mga organisasyon ang paratang at sinabing itinanim lang ang mga baril, bala at pampasabog na natagpuan sa kanilang mga tanggapan.

Sa dokumentasyon ng Karapatan-Negros, sinasabi ng mga inaresto at mga saksi na naunang pumasok ang raiding team at ipinresenta umano ang search warrant. Pero iba ang nakalagay ditong address. Hindi rin pinahintulutan ang mga inaresto na kunan ng larawan ang warrant.

Pinalabas ang lahat at tinipon sa isang lugar. Pumasok ang unipormadong mga miyembro ng SWAT kasama ang ilang nakasibilyang personalidad. Makalipas ang ilang minuto, pinapasok muli ang ilan sa inaresto para ipakita ng mga tauhan ng PNP ang mga natagpuan umanong mga baril at bala. Ganito ang nakita sa mismong Facebook Live na brodkast ni Anne Krueger.

Para sa Karapatan, kaduda-duda umano na ang mga natagpuang mga baril, bala at pampasabog at eksaktong bilang, tatak at deskripsiyong nakasaad sa search warrant.

Iginit din ng grupo na ang pagtatanim ng ebidensiya para bigyang katwiran ang mga pag-aresto ay gasgas nang taktika sa ilalim ng Executive Order No. 70, na naglalatag ng kontra-insurhensiyang programa ng rehimeng Duterte.

Iginiit naman ng KMU na ang ginawang raid sa Bacolod at Escalante ay bahagi ng papatinding “crackdown” ng rehimeng Duterte sa mga kritiko ng kanyang pamahalaan. Pinatutunayan din umano nito na may umiiral na de facto Martial Law sa buong bansa.

Samantala, nanawagan din ang Nagkaisa! Labor Coalition para sa isang tripartite na imbestigasyon sa ginawang mga reyd. Hindi umano maaring walang mapanagot sa mala-Gestapo na pagsalakay sa mga tanggapan ng mga lehitimong sektoral na organisasyon. Dagdag pa ng Nagkaisa!, ang atake umano sa isang bahagi nito ay atake rin sa buong kilusang paggawa.

Sa kabila ng mga pag-atake, paninindigan ang mga naaresto—at ang mga organisasyong kinabibilangan nila.

Pinaglalaban lang umano nila ang karapatan ng mahihirap na Pilipino. Kasama rito ang karapatan sa nakabubuhay na sahod at sapat na benepisyo, karapatan sa lupa ng mga magsasaka, karapatan sa abot-kayang serbisyo tulad ng edukasyon at kalusugan para sa lahat, at iba pang karapatang dapat pinoprotektahan ng gobyerno pero ito pa ang unang unang lumalabag.