Istorya ng Linggo

Pangungulila’t hinanakit ng pamilya ni Leonard Co


Galit na humihiling ng hustisya ang mga kaanak ni Leonard Co. Sa kabila nito, hindi nila nakikitang interesado ang gobyernong Aquino na masolusyonan ang kaso.


Mga kaanak ni Leonard Co nang magsampa sila ng kaso sa DOJ laban sa 19th Infantry Battalion ng Philippine Army. Mula kaliwa: abogado ng pamilya Co na si Evalyn Ursua, Glenda Co, Emelina Co, Lian Seng Co, at isang abogado ng DOJ. (Macky Macaspac)
Mga kaanak ni Leonard Co nang magsampa sila ng kaso sa DOJ laban sa 19th Infantry Battalion ng Philippine Army. Mula kaliwa: abogado ng pamilya Co na si Evalyn Ursua, Glenda Co, Emelina Co, Lian Seng Co, at isang abogado ng DOJ. (Macky Macaspac)

“Wala akong alam sa sinasabi nila. Ang alam ko lang, sila ang pumatay sa anak ko.”

Ito ang mga salita ni Lian Seng Co, 80-taong-gulang na ama ng tanyag na botanist na si Leonardo Co. Hiningan kasi siya ng mga mamamahayag ng reaksiyon sa resulta ng imbestigasyon ng isang team mula sa Department of Justice na nag-aabsuwelto sa mga sundalo 19th Infantry Battalion ng Philippine Army sa pagpatay kay Leonard at kasamahan sa pananaliksik na sina Julio Borromeo at Sofronio Cortez, sa Kananga, Leyte noong Nobyembre 15, 2010.

Mahina na magsalita si Lian, at hirap nang maglakad, pero matibay ang paniniwala niya – at mga kaanak at pamilya ni Leonard – na hindi mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang pumaslang sa tanyag na siyentista. Narinig nila ang mga testimonya ng dalawang survivor. Nabigyan sila ng kopya ng resulta ng otopsiya. Iniulat sa kanila ang kahinatnan ng independiyenteng fact-finding mission. Hindi talaga kapani-paniwala, anila, ang militar.

Pero iba ang inilabas na resulta ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI). Noong Enero 19, 2011, isinapubliko ng DOJ team ang resulta ng imbestigasyon nito: Walang kasalanan ang 19th IB; NPA ang pumatay sa tatlo; at dapat managot ang Energy Development Corp. (EDC), ang kompanyang nangangasiwa ng plantang geothermal sa lugar kung saan naganap ang pamamaslang.

Nagsampa ng pormal na reklamo sa DOJ ang pamilyang Co laban sa 19th IB. Duda sila sa inilabas na ulat ng NBI-DOJ panel. Nagsampa rin sila ng kasong murder sa mga elemento ng 16th IB na sangkot sa operasyon.

Sa pamamagitan ng abogado ng pamilya na si Evalyn Ursua, hiniling ng mga kaanak na magbuo ng impartial at competent na panel ang DOJ na maglulunsad ng preliminary investigation. At bilang bahagi ng preliminary investigation, hiniling ng mga kaanak kay Sek. Leila de Lima ng DOJ na iutos na isumite ang “38 baril” na ginamit ng mga kasundaluhan sa insidente noong Nobyembre 15 para sa ballistic examination. Ganundin ang pagsasagawa ng pangalawang ballistic examination sa mga balang nakuha sa katawan ng tatlong biktima.

“Sana suriin nilang mabuti, kung ano ang dahilan ng pagkamatay. Nandoon siya dahil sa kanyang trabaho,” pahayag naman ng asawa ni Leonard na si Glenda Co.

Personal na tinanggap naman ni de Lima ang reklamo ng mga kaanak at nangakong magbubuo ng ibang panel upang mag-imbestiga. Ayon kay de Lima, bahagi na umano ng preliminary investigation ang reklamong isinampa ng mga kaanak.

I will be creating a panel to conduct a preliminary investigation and needless to state, it will be a different panel from the fact finding panel which it submitted its report last week,” pahayag ni de Lima.

Idinagdag pa ni de Lima na magiging bukas siya sa pagdinig sa naturang kaso. “This is a new process, and more evidence and testimonies will be presented. A different panel will examine and review the findings. I want to reassure the Co family and Atty. Ursua that in this process, there will be objectivity and impartiality. Both sides will be heard,” ani de Lima.

Malugod namang tinanggap ng mga kaanak ng mga biktima ang pahayag ni de Lima at sinabi nilang umaasa sila na magkakaroon ng patas na pagdinig sa kaso. Ngunit sinabi ng mga kaanak na tila wala silang natatanggap na suporta sa mismong Pangulong Aquino. Labas sa mga pahayag ni de Lima, nakakapanggalit umano ang tila patuloy na pagkunsinti ng pangulo sa mga kuwentong ipinapakalat ng 19th IB  hinggil sa insidente ng Nobyembre 15, 2010.

Samantala, lalong napatunayan sa mga pagdinig ng Commission on Human Rights sa Tacloban, Leyte kamakailan sa mga testigong sundalo na itinatago ng 16th IB ang tunay na nangyari: Walang crossfire, at sila ang nakapatay sa grupo nina Leonard.

Kasama ang abogado ng pamilya Co na si Evalyn Ursua, sagsumite si Glenda Co ng pormal na reklamo sa anila'y kuwestiyonableng resulta ng imbestigasyon ng DOJ. (Macky Macaspac)
Kasama ang abogado ng pamilya Co na si Evalyn Ursua, sagsumite si Glenda Co ng pormal na reklamo sa anila'y kuwestiyonableng resulta ng imbestigasyon ng DOJ. (Macky Macaspac)

Pangungulila

Sa kabila ng murang edad ng kaisa-isang anak ni Leonard na si Linmay (palayaw niya) sa kanyang ama, alam daw niya ang nangyari sa kanyang ama. “Pinatay ng mga sundalo si papa… sila lang naman ang nasa bundok,” sabi ni Linmay, nang tanungin ng Pinoy Weekly hinggil sa pagkakaalam nito sa nangyari sa kanyang ama.

“Bata pa kasi siya (walong-taong-gulang) kaya madaling makapag-adjust,” tugon naman ng ina ni Leonard na si Emelina Co. “Kusang sumama ’yan sa amin dito sa DOJ, kahit nga daw sa bundok sasama siya para daw sa kanyang papa.”

Halos maluha si Emelina tuwing sinasariwa ang alaala ng kanyang panganay na anak . Ayon sa kanya, hindi madaling tanggapin ang pagkamatay ni Leonard.

“Bihira lang namin siyang makita dahil sa trabaho niya, kahit kasi noong bata pa yan mahilig nang mag-obserba sa mga bagay-bagay,” aniya.

Bagamat madalas na wala si Leonard, hindi umano nito nakakaligtaang umuwi tuwing may okasyon tulad ng pasko, Chinese New Year at iba pang espesyal na mga okasyon. Idinagdag pa niyang ang tanging nagpapalakas sa kanila ay ang pagsuporta ng iba’t ibang grupo sa paghanap ng katotohanan at katarungan sa kanilang anak.

Ngunit hindi rin maiwasan ni Emelina na ilabas ang hinanakit sa gobyernong Aquino sa kawalang-pansin umano nito sa kaso nila.

“Hindi kami pinapansin. Buti pa ang kaso ng carnappers, inaasikaso niya, interesado siya. Wala kasi ni bisekleta ang anak ko, walang kotse. Kaya siguro wala siyang pakialam,” aniya.

Sidebar: Naglulubid na kuwento ng militar sa kaso nina Leonard Co