Sidebar: Naglulubid na kuwento ng militar sa kaso nina Leonard Co


Lumilitaw sa pagdinig ng Commission on Human Rights na maraming hindi magkakatugmang testimonya ng mga sundalong kalahok sa palpak na operasyon sa Kananga, Leyte noong Nobyembre 15, 2010. Katulad ng naiulat, lumalabas na wala talagang engkuwentro sa pagitan ng AFP at NPA, at malamang na mga sundalo ang pumatay kina Leonardo Co.

Karatula sa bungad ng kampo ng 19th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Kananga, Leyte. (KR Guda / PW File Photo)
Karatula sa bungad ng kampo ng 19th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Kananga, Leyte. (KR Guda / PW File Photo)

Lumalabas sa public hearings ng Commission on Human Rights (CHR) na wala talagang crossfire o palitan ng putok sa pagitan ng 19th Infantry Battalion ng Philippine Army at mga rebeldeng New People’s Army (NPA) noong Nobyembre 15, 2010 sa Kananga, Leyte.

Inamin mismo ito ng CHR, matapos ang mahabang pagdinig nito sa mga testigo ng militar noong Enero 26 hanggang 27 sa Tacloban, Leyte. Punung-puno ng kalituhan ang mga testimonya ng mga sundalong nasasangkot sa pangyayari. Mistulang sila mismo ang nagwasak sa ulat ng panel ng Department of Justice (DOJ).

Humarap sa naturang pagdinig ang mga elemento ng 19th IB na kalahok sa pangyayari noong Nobyembre 15, 2010, kasama na ang kanilang battalion commander at mga kawani ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Philippine National Police na diumano’y nagtungo sa lugar ng pangyayari upang mag-imbestiga matapos ang halos 24 oras.

Diumano, tanging pagkolekta lamang ng mga basyo ng bala ang ginawa ng SOCO. Walang pag-analisa sa lugar na pinagyarihan at kahit ang diumano’y trajectory ng mga bala’y hindi nila ginawa. “Mistulang lito, hindi handa o kaya ay ignorante ang SOCO Team sa wastong proseso ng  pag-iimbestiga,” sinulat sa blog ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na dumalo sa naturang pagdinig.

Sa panig umano ng mga militar, iginiit nilang wala sila sa bentaheng posisyon upang makita kung mayroong sibilyan sa lugar. Sa kabila ng pag-amin nila na nasa mas mataas na posisyon sila at inoobserbahan nila ang umano’y  “tatlong kalalakihang nakasuot-itim” sa loob ng 25 hanggang 30 minutos, iginiit din nilang armado ang mga ito.

Sa loob umano ng 10 hanggang 15 minuto, mahigit 200 bala ang ipinaputok ng mga sundalo. Isang sundalo ang umaming nakaubos siya ng 90 bala nang kanyang K-3 light machinegun. At sa loob ng 10 hanggang 15 minuto na pagpapaputok, walang tinamaan na NPA. Kahit umano sa sumunod na clearing operation nila sa pinaghihinalaang lugar ng kanilang target, wala silang nakita kahit anumang bagay.

“Relatibong sa posisyon ng mga sundalo, ang diumano’y mga NPA at ang EDC team nina Leonard Co ay nagwasak ng buo sa teorya nang crossfire trajectory ng DOJ-NBI,” ani Reyes. Batay umano sa mga testimonya ng mga sundalo, mas malapit ang mga pinaghihinalaang NPA sa posisyon nila. Diumano’y malayo ang lugar ng mga biktimang sina Leonard Co. “Wala sa gitna ng AFP at NPA ang EDC team,” paglilinaw ni Reyes.

Idinagdag pa ni Reyes na maliban umano sa isang Lt. Odchimar, pinuno ng umatakeng yunit ng Army, walang nakakita sa mga sundalo kung saan umatras ang mga NPA. Ngunit umamin sila lahat na may nakita silang “tatlong kalalakihang nakaitim” at lahat diumano’y nakita ang mga putok galing sa kanilang kalaban.

Nakakapagtaka umano kung papaano natatandaan ng mga sundalo ang suot na itim ng “tatlong kalalakihan,” pero sa testimonya sa CHR, hindi nila matandaan kung ano naman ang suot ng tatlong biktima.

Maling lugar at maling target?

Sa kabuuan, umabot sa 38 sundalo ang nasasangkot sa nasabing operasyon. Ngunit siyam na baril lamang ang isinumite ng 19th IB sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa ballistic examination.

Ayon umano sa testimonya ng mga sundalo, isang iskuwad lamang ang nagpaputok noon, (ang iskuwad na nasa mas mataas na posisyon). Nanatiling misteryoso kung ano ang ginagawa ng ikalawang iskuwad na nasa mababang lugar noong panahon ng putukan.

Sa nasabing pagdinig, sinabi ng mga militar na batay umano sa kanilang intelligence report, mayroong “sightings” ng mga rebelde sa Carigara, isang bayan na may layong 18 kilomtero mula sa Kananga. At ayon sa kanila, patungo sila sa Carigara, nang makita ng kanilang advance scout ang anila’y pinaghihinalaang kalaban sa Kananga.

Lahat umano ng mga sundalong tumestigo sa nasabing pagdinig ang nagsabing nakita nila ang “tatlong kalalakihang nakaitim” na armado at mukhang may inoobserbahan sa kagubatan.  Pagtingin ni Dr. Giovanni Tapang ng Agham at Justice for Leonard Co Movement, malamang na ang nakita ng mga sundalo ay ang grupo nina Co, na sa panahong iyon ay inoobserbahan ang isang tipo ng puno.

Biktimang pinabayaan

Sa nasabing pagdinig, tumestigo si Dr. Raquel Fortun isang forensic expert. Siya ang nagsagawa ng otopsiya sa bangkay ni Co at nagsagawa din ng imbestigasyon sa lugar ng insidente.

Isinalaysay ni Fortun ang mga sanhi ng pagkamatay nina Co at dalawang kasamahan. Diumano, ang sanhi ng pagkamatay ni Co ay mula sa balang tumagos sa kanyang likod papunta sa likod ng ulo. Malaking posibilidad umanong batay sa trajectory ng bala, si Co ay nakahandusay nang mabaril. Nagsilbing taguan umano ni Co ang mga nakausling ugat ng puno, ngunit hindi sapat kung malapitan ang pagbaril sa kanya.

Samantalang pinakamadaming tama ng bala ang tinamo at bali ang ibabang bahagi sa bandang likod ni Sofronio Cortez. Malamang diumano na nakatayo siya nang tamaan ng bala. samantala, sinabi ni Fortun na malaki ang pag-asang mabuhay pa sana si Julio Borromeo kung kagyat siyang nadala sa ospital, dahil malamang na kaya pa umanong magamot ang tama sa dibdib.

Hindi tugma sa imbestigayon ni Fortun ang testimonya ng mga sundalong walang nagpaputok sa  kanila mula sa ibabang bahagi ng lugar. Patunay ang mga basyo ng bala na nakuha sa ibabang bahagi ng lugar at tumugma sa baril na ipinutok ng dalawang sundalong unang nakaposisyon sa mataas na bahagi ng kagubatan.