Balitang Global

Krisis sa Gitnang Silangan: Posibleng pakinabangan ng US o ng mga mamamayan


Simula noong Enero, binulaga ang buong mundo sa kaganapan sa Gitnang Silangan.  Pumutok ang mga popular na pag-aalsang nagpatalsik sa mga diktador ng Tunisia at Egypt, tila apoy na kumalat ang  mga pagkilos na ito sa mga karatig bansa sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika.  Hanggang sa ngayon, patuloy ang mga protesta sa mga bansang […]

State of emergency, naideklara sa Bahrain bunsod sa protesta ng mga mamamayan laban sa paghahari ni King Hamad. Isa lamang ang Bahrain sa mga bansang niyayanig ng krisis pampulitika sa rehiyon. (Contributed Photo/ Migrante International)

Simula noong Enero, binulaga ang buong mundo sa kaganapan sa Gitnang Silangan.  Pumutok ang mga popular na pag-aalsang nagpatalsik sa mga diktador ng Tunisia at Egypt, tila apoy na kumalat ang  mga pagkilos na ito sa mga karatig bansa sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika.  Hanggang sa ngayon, patuloy ang mga protesta sa mga bansang Yemen, Saudi Arabia, Bahrain, Syria at iba pa.

‘Tunisia Effect’

Nitong Marso 11, ikinasa ng mga mamamayan ng Saudi Arabia ang protesta laban sa estadong  pinaghaharian ni King Abdullah.  Hindi matagumpay ang tinaguriang nilang Day of Rage, dahil mas marami pa sa demonstrador ang puwersa ng estado na nagresulta sa pagbuwag sa  kilos protesa at pagdakip sa ilang demonstrador.

Nagdeklara naman ng state of emergency si King Hamad ng Bahrain nitong Martes (Marso 15) matapos buwagin ang 200 demonstrador na ilan sa kanila ay binaril, diumano dalawa ang namatay sa sagupaan ng mga demonstrador at mga pulis.  Ganito rin ang kasalukuyang kaganapan sa Jordan, Yemen, Syria at Palestine.

Sa pag-aaral ng mga eksperto sa usaping internasyunal, ang kaganapan sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika ay ispontanyo at lehitimong pagkilos ng mga mamamayan sa rehiyong ito.  Tinagurian ng ilang eksperto ang kaganapan na “Tunisia Effect,” matapos patalsikin ang diktador na pangulong si Zainul Abideen Ben Ali at sumunod si Hosni Mubarak ng Egypt.  Ang mga bansang Tunisia at Egypt pa lamang ang matagumpay na napalitan ang namumuno,  sa pamamagitan ng relatibong mapayapang pagkilos ng libo-libong mamamayan sa mga bansang ito.

Matagumpay na pagpapatalsik ng diktador sa Tunisia, isang mitsa na nagliyab sa apoy ng protesta sa iba't ibang bansa sa Gitnang Silangan (Kuha mula sa worldspinner.us)

Ayon nga kay Prop. Bobby Tuazon ng Center for People Empowerment and Good Governance (Cenpeg), sa matagal na panahon, ang rehiyon ng Gitnang Silangan ay pinaghaharian ng mga oligarkiya ng mga pamilyang Muslim at awtokrasiya. Nariyan ang mga hari o paghaharing dinastiya sa United Arab Emirates (federation of sheikdoms), Qatar, Bahrain, Muscat, Oman, Yemen, Jordan, Kuwait, Saudi Arabia at Syria. Kahit umano magkaroon ng mga eleksiyon, may tendensiyang manumbalik ang mga kaharian ng mga pamilya at  paghaharing medibyal kung saan ang pagtrato sa mga  mamamayan ay mistulang sunud-sunurang nasasakupan. “Katutubong kolonisasyon ang ganitong klase ng paghahari,”  ani Tuazon.

Kaya naman ang pagpapatalsik sa  mga diktador na sina Mubarak at Ben Ali ay nagpatunay na ang pag-aalsang bayan (people power) ay isang puwersang dapat kilalanin.  Sa buod nito ang malawakang pag-aalsa ng mga manggagawa sa nakalipas na mga taon, partikular sa Egypt.  Ayon pa kay Tuazon, nagdulot ito ng paglitaw at paghahanay ng mga aktibista na may  iba’t ibang pampulitikang interes, tulad ng  Islamist, Nasserist, liberal, socialist, trade unions at ang  Muslim Brotherhood na kontra-Israel.

Panghihimasok ng Estados Unidos

Dahil sa napipintong pagsiklab ng digmaang sibil sa Libya, bunga na rin ng matinding protesta na kinatatampukan ng armadong paglaban ng mga mamamayan ng Libya, nanawagan ang Estados Unidos kay Pangulong Muammar Gaddafi na agad lisanin ang puwesto at  igalang ang karapatan ng mga taga-Libya.

Ngunit ang aksiyon ng Estados Unidos, ayon sa International League of Peoples Struggle (ILPS), ay magsisilbi lamang sa pansarili nitong interes. Umano’y nais ng imperyalistang Estados Unidos na kontrolin ang yamang langis ng Libya, at maglagay ng rehimeng susunod sa kagustuhan nitong kontrolin ang buong rehiyon ng Gitnang Silangan.

Kamakailan, sinuportahan agad ng Estados Unidos ang panawagan ng Arab League na no-fly zone sa Libya.  Ngunit bago pa man ito, dalawang barkong pandigma na ang ipinuwesto ng Estados Unidos sa dagat Meditteranean at handang lusubin ang Libya sa anumang oras, na ayon sa ILPS ay direktang interbensiyong militar.

Mayroon ring mga bansang tumututol sa panawagang no-fly zone, tulad ng China at Russia.  Ang Iran, sa kabila ng pagkundena nito kay Gaddafi, ay tahasan ding tinanggihan ang ganitong panawagan.

Tulad ng pang-uupat ng Estados Unidos sa Iraq hanggang sa direktang interbensiyong militar, matagal  na umanong ayaw ng Estados Unidos sa paghahari ni Gaddafi. Sa 42 taon sa puwesto si Gaddafi, ayon sa mga nakasubaybay sa pamumuno nito, nagdulot naman ito ng pag-unlad sa Libya.  Pinangunahan ni Gaddafi ang nasyunalisasyon ng industriya ng langis matapos nitong pabagsakin ang monarkiya ni Haring Idris noong 1969.  At dahil sa nasyunalisasyon sa industriya ng langis, umangat ang ekonomiya ng Libya at nagpatupad ng repormang panlipunan para sa mahihirap.