Lider-maralita sa Navotas, pinaslang


Binaril at napaslang kagabi ang isang lider-maralita na aktibong tumutol sa demolisyon sa kanilang komunidad.  Ang biktima ay kinilalang si  Antonio Homo, 47, campaign officer ng Nagkakaisang Samahan sa Kadiwa (Nasaka), lokal na tsapter ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Brgy. San Roque, Kadiwa, Navotas. Ayon kay Arthur Cadungon, tagapagsalita ng Kadamay-Navotas, malapitang binaril […]

Paglaban sa demolisyon, tinitingnang dahilan ng pagpaslang sa isang lider-maralita sa Navotas. (Kuha ng Tudla Productions sa Brgy. San Roque noong Marso 3 na demolisyon)

Binaril at napaslang kagabi ang isang lider-maralita na aktibong tumutol sa demolisyon sa kanilang komunidad.  Ang biktima ay kinilalang si  Antonio Homo, 47, campaign officer ng Nagkakaisang Samahan sa Kadiwa (Nasaka), lokal na tsapter ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Brgy. San Roque, Kadiwa, Navotas.

Ayon kay Arthur Cadungon, tagapagsalita ng Kadamay-Navotas, malapitang binaril si Homo sa ulo ng isang hindi pa nakikilalang lalaki ganap na 8:40 ng gabi noong Marso 16.  Naganap ang pagpaslang sa isang bahagi ng komunidad na dinemolis noong Marso 3.

“May mga kubol na nakatayo doon sa pinangyarihan ng krimen, doon siya tinutukan ng isang lalaki at binaril sa ulo,” ani Cadungon sa panayam ng Pinoy Weekly.

Pahayag ng Kadamay-National Capital Region (NCR), malaki ang posibilidad na may kinalaman ang pagpaslang kay Homo sa matagal nang bantang demolisyon sa Brgy. San Roque.

Nito lamang Marso 3, marahas na binuwag ang barikada ng mga residente sa naturang lugar. Ngunit dahil sa kanilang paglaban, isang bahagi lamang ng mga kabahayan ang nabuwag ng demolition team mula sa  Engineering Office ng siyudad ng Navotas.  Ayon pa sa  Kadamay, sinunog umano ang komunidad noong Enero 29 para bigyang-daan ang demolisyon.

Dagdag ni Cadungon, nakakaduda na ang pagpaslang sa biktima  ay naitaon isang araw bago ang nakatakdang pagdinig ng kasong isinampa ng Nasaka laban kay Mayor Toby Tiangco at City Engineering Office sa Malabon Trial Court.

“Malinaw na ang pagpaslang kay Ka Nono (palayaw ng biktima) ay may kaugnayan sa pakikibaka para sa karapatan sa disenteng pabahay at kabuhayan ng mga mamamayan ng Navotas.  Posible rin, na ang totoong target ng pamamaslang ay si Fernando Sevilla na pangulo ng homeowners association, dahil ilang minuto lang ang pagitan nang makaalis si Sevilla sa pinangyarihan ng pagpaslang,” aniya.

Kasabay ng pagkondena sa pagpaslang, nanawagan ang grupo kay Pangulong Aquino na bigyang-katarungan ang biktima at hiling na magsagawa ng mabilisang imbestigasyon at paglilitis sa mga salarin.

Nanawagan din ang Kadamay-NCR sa pangulo na iutos ang pagtigil sa lahat ng demolisyon sa mga maralitang komunidad, upang mapigilan ang katulad na mga insidente at mararahas na labanan sa pagitan ng mga tumututol na residente at mga demolition team.

“Ang kahilingan ng mga maralitang mamamayan ay pabahay, trabaho at hustisya–hindi bala.  Kung iniisip nila na mapapahupa kami sa pamamagitan ng pananakot, nagkakamali sila.  Ipagpapatuloy namin ang pagtutol sa mga demolisiyon at pagwasak sa aming mga kabahayan,” ani Cadungon.