Istorya ng Linggo

MILF-GPH Peace Talks: Usapang nababalam


Handa silang makipag-usap at wakasan ang armadong tunggalian, ayon sa Moro Islamic Liberation Front. Makatarungan umano ang kanilang hangad na karapatan na makapagpasya sa sarili. Pero kung muling mabibigo ang negosasyon, handa pa rin silang ipagtanggol ang kanilang mga lupain – gamit ang armas.

MILF Negotiating Panel Chief Mohagher Iqbal at (kaliwa) kapwa negosyador ng MILF na si Mike Mastura: Umaasa pa rin sa negosasyon, sa kabila ng pagkabalam nito. (KR Guda)
MILF Negotiating Panel Chief Mohagher Iqbal at (kaliwa) kapwa negosyador ng MILF na si Mike Mastura: Umaasa pa rin sa negosasyon, sa kabila ng pagkabalam nito. (KR Guda)

“Sa huli, hinggil ito sa mga tao. Hinggil ito sa digmaan ng mga tao.”

Sa ganitong paraan isinalarawan, sa wikang Ingles, ni Michael Mastura, isa sa mga negosyador pangkapayapaan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang kanilang paglaban sa kabila ng mga hakbang ng estado ng Pilipinas sa sugpuin ang insurhensiya ng mga Moro sa Mindanao.

Naniniwala si Mastura at ng mga opisyal at negosyador ng MILF na nasa katwiran ang kanilang armadong paglaban. Pero masalimuot ang paggiit ng karapatan para sa sariling pagpapasya, o right to self determination, ng mga mamamayang Moro. Armado sila, pero darating ang punto sa paglaban, ani Mastura, na kailangang makipagnegosasyon.  Samantala, nagbuo naman ng bagong planong kontra-insurhensiya ang Armed Forces of the Philippines (AFP), tinaguriang Oplan Bayanihan. At bahagi sa mga taktika nila ang makipagnegosasyon.

Nitong Pebrero 9-10, hinarap ni Mastura, ng pinuno ng MILF Negotiating Panel Chair Mohagher Iqbal, at iba pang negosyador sa MILF, ang negotiating panel ng gobyerno ng Pilipinas (GPH) sa Malaysia. “Clearing the air,” o pagkaklaro ng ilang punto, muna ang naging paksa ng mga usapan. May serye ng mga tanong ang GPH, sa pangunguna ni Atty. Marvic Leonen, hinggil sa kahandaan ng MILF sa usapan, at hinggil sa alingasngas ng ilang kumander ng MILF.

Sa bahagi ng MILF, itinutulak pa rin nila ang diwa ng naunang mga kasunduan sa pagitan ng dalawang panig, kabilang ang kontrobersiyal na Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD), na ibinasura ng Korte Suprema sa botong 8-7, noong Oktubre 2008. Ito rin ang itinuturing na ugat ng kawalan ng kumpiyansa ng ilang kumander ng MILF, kabilang na sina Umbra Kato at Kumander Bravo, sa buong prosesong pangkapayapaan.

“’Yung dati na naming comprehensive compact, ngayon nag-extract kami ng mas manipis na laman,” ani Mastura. Ang ipinanukala nila, isang interim na gobyerno ng mga Moro na mamumuno sa sarili nilang mga mamamayan at makakapagpasya nang sarili. Mananatili ang Filipino citizenship, pero may pagkilala sa identidad ng Bangsamoro.

Hindi gaano malaki ang pagbabago. Hindi substantive ang mga pagbabago,” aniya.

Isang sibilyan at anak niya, sa pagitan ng dalawang miyembro ng Cafgu, sa isang evacuation center sa Munai, Lanao del Sur, noong Nobyembre 2008. Matapos ibasura ng Korte Suprema ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain ng MILF at gobyernong Arroyo, naglunsad ang militar ng sunud-sunod na mga operasyon. Libu-libong sibilyan ang sapilitang lumikas dahil dito. (KR Guda / PW File Photo)
Isang sibilyan at anak niya, sa pagitan ng dalawang miyembro ng Cafgu, sa isang evacuation center sa Munai, Lanao del Sur, noong Nobyembre 2008. Matapos ibasura ng Korte Suprema ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain ng MILF at gobyernong Arroyo, naglunsad ang militar ng sunud-sunod na mga operasyon. Libu-libong sibilyan ang sapilitang lumikas dahil dito. (KR Guda / PW File Photo)

Di sinsero?

I am tempted to say that there is no sincerity on the part of the government.(Pero) may sincerity sila – sa kanilang plano,” sabi naman ni Mohagher Iqbal, sa isang eksklusibong pagtitipon ng mga negosyador ng MILF, mga lider ng mga progresibong grupo at alternatibong midya, noong Pebrero 13.

Sa inisyal nilang tantiya, ani Iqbal, tila pinahahaba at pinatatagal ng GPH ng proseso. Maraming kinukuwestiyon sa dati nang napagkasunduang proseso. Kabilang na rito ang pagkakaroong ng Third Party Facilitator na kinatawan ng Malaysia na si Datuk Othman bin Abdulrazak.

Biased daw sa MILF si Datuk Othman,” sabi ni Iqbal. Ipinaubaya na ng MILF sa Malaysia kung papalitan o pananatilihin si Datuk Othman sa posisyon niya sa negosasyon. Gayunman, ang basa nina Iqbal, tila pinatatagal lamang ng GPH ang isang isyu na matagal na dapat naresolba. Para sa kanila, mahalaga ang presensiya ni Datuk Othman sa negosasyon dahil mas mahihirapang umatras ang GPH sa mga kasunduan kung may ibang saksi.

Para sa GPH, nais lang umano nila linawin sa MILF kung kontrolado pa ng pamunuan nito ang lahat ng armadong puwersa sa ibaba. Nabalitaan nga ang pagkalas diumano ni Umbra Kato sa MILF at pagtatag ng isang hiwalay na armadong yunit na tinaguriang “Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.”

Sabi ni Iqbal, nasa ilalim pa ng MILF ang bagong yunit na ito, pero sasabihin naman nila sa publiko “kung hindi na namin kontrolado (si Kato).” Ito na marahil ang kahinatnan ng biglaang pag-atras ng GPH sa kasunduang pinirmahan nila.

Di maiwasang magduda

May pag-amin, kung gayon, ang MILF na nagkaroon ng duda ang mga kumander at kasapi ng grupo sa kahihinatnan ng usapan sa isang gobyerno na tila pabago-bago ng tindig. Gayunman, sinabi ni Iqbal na komited pa rin ang MILF sa negosasyon. Hindi sila bibitaw hangga’t may pag-asa pa itong magtagumpay.

“Ang impression namin, kapag galing sa dating administrasyon (ni Gloria Arroyo) ang panukala, nire-reject nila (GPH),” kuwento ni Iqbal.

Hindi rin daw dapat maging isyu ang hidwaan sa loob ng MILF. Tutal, sabi ni Iqbal, “di ba mayroon ding ‘Balay’ at ‘Samar’ sa kampo ni Aquino? Ganoon din siguro sa atin.”

Pinatutungkulan niya ang nabalitang hidwaan diumano sa pagitan ng mga malalapit na tagasuporta ng Pangulo. Ang isang kampo, nakabase sa “Balay na Puti” ng pamilyang Roxas-Araneta sa Cubao, Quezon City, ang isa nama’y grupo ng mga tagasuporta na nakabase sa isang mansiyon sa Samar Avenue sa parehong lungsod.

Nananatiling optipistiko ang MILF Negotiating Panel sa usapang pangkapayapaan sa bagong administrasyon. Maging ang administrasyon, isinaad sa Oplan Bayanihan na mas gusto nitong wakasan ang digmaan sa Kamorohan sa pamamagitan ng “negotiated settlement.”

Gayunman, batid nilang malalim ang ugat ng digmaan. At kung muling mabalam ang usapan, handa silang muling ipagtanggol, sa pamamagitan ng armas, ang kanilang mga teritoryo, ang kanilang mga tahanan.