Sugod mga Kapatid

P9.50


Ang pinakaramdam ng mga estudyante na epekto ng oil price hikes ay ang pagtaas ng pamasahe. Bagama’t nagtaas na nung Enero ng P1.00, nananawagan uli ang ibang mga transport group ng dagdag na P2.50. Pero marami pang ibang naaapektuhan ang pagtaas ng presyo ng langis kaya tinatawag na may ‘domino effect’ ang mga oil price […]

Ang pinakaramdam ng mga estudyante na epekto ng oil price hikes ay ang pagtaas ng pamasahe. Bagama’t nagtaas na nung Enero ng P1.00, nananawagan uli ang ibang mga transport group ng dagdag na P2.50. Pero marami pang ibang naaapektuhan ang pagtaas ng presyo ng langis kaya tinatawag na may ‘domino effect’ ang mga oil price hikes.

Halimbawa, ang mga gulay, isda, at karne mula sa kanayunan ay dinadala sa lungsod gamit ang mga sasakyan na kumukunsumo ng langis. Langis rin ang nagpapatakbo sa mga makina ng pabrika na lumilihka ng maraming mga produkto. Bukod sa uling, diesel ang ginagamit sa maraming mga planta ng kuryente sa bansa.

Hindi nakapagtataka na nung nakaraang buwan naitala ang pinaka-mataas na ‘inflation’ sa loob ng siyam na buwan, o sa buong panunungkulan ni Pang. Noynoy Aquino.

Pero bakit nga ba ang taas ng presyo ng langis ngayon? Krisis pampulitika sa Gitnang Silangan, lalo na sa Libya, ang sinisisi ng Shell, Petron, at Caltex. Pero may isang malaking problema ang argumento na ito: ni isang patak ng krudo ay kinukuha natin mula sa Libya.

Sunod na ipupunto ay bagamat hindi tayo kumukuha ng krudo sa Libya, pinapataas ng mga kaganapan dito ang presyo nito sa pandaigdigang merkado. Medyo tama, medyo mali. Oo, may epekto ang digmaang sibil sa Libya, pero buhat ito ng mga pinaggagagawa ng mga MNC (multinasyunal na korporasyon) at TNC (transnasyunal na korporasyon). Paano?

Mula nung nakaraang dekada, naging pamamalakad ng mga pinaka-malaking bangko sa bansa ang bumili ng mga ‘futures’ ng langis. Ito ay mga kontrata ng pagbili ng isang produkto (sa kasong ito, krudo) sa hinaharap sa presyong pagkakasunduan ngayon. Pinaka-karaniwang dahilan ay inaasahan nilang mas magtataas ito sa hinaharap, kaya bumiili sila ngayon para maibenta ito sa iba pang kumpanya sa mas mataas pang halaga. Ito ang tinatawag ng mga progresibong grupo na ‘speculation’ sa larangan ng langis.

Dahil ang mga pinaka-malaking korporasyong pampinansya ang lumalahok dito at pinambibili ang daan-daang bilyong dolyares nila, sobrang tumataas ang pangangailangan o ‘demand’ para sa langis. At tulad ng sinasabi sa economics, pag mataas ang pangangailangan, tumataas ang presyo. Gaano kalaki ang itinataas nito? Ayon sa imbestigasyon ng Senado ng Estados Unidos nung 2006 palang, tinataya nilang 60% ng presyo ng langis ay dulot lamang ng ispekulasyon.

Sa ganitong kalagayan, kinakailangan ang interbensyon o pakikialam ng gobyerno. Tulad sa konsepto ng serbisyong panlipunan, ang gobyerno ang tanging grupo/institusyon na inaasahang igarantiya ang disenteng pamumuhay ng mga mamamayan nito. Subalit hindi ito nagagampanan ng gobyerno sa ganitong usapin dahil sa Oil Deregulation Law na isinabatas nung 1998. Dahil sa nasabing batas, nagsisilbing ‘monitoring body’ nalamang ang Dept. of Energy (DOE) na ang tanging puwedeng gawin ay pagsabihan ang mga kumpanya ng langis. Sobrang inaabuso ng Shell, Petron, at Caltex ang ganitong kapangyarihan na mismong ang DOE na sa ‘text’ nalamang sila sinasabihan kung magtataas ng presyo ang mga ito.

Ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang nagsilbing gasolinang isinaboy sa apoy ng protesta sa mga bansa sa Hilagang Aprika at Gitnang Silangan. Sa ibang bansa, nagdulot na ito ng ilang konsesyon sa mamamayan mula sa mga mahigpit na monarkiya. Sa iba naman, tulad ng Egypt at Tunisia, nagdulot ito ng pagbagsak sa mga rehimeng maka-U.S. Kung ang kabataang Pilipino ay gustong makaranas ng kahit kaunti lamang lunas mula sa pagtataas ng presyo ng langis, kailangan nitong matuto, at matuto agad, sa karanasan ng mga bansang ito.