Pagtutol sa taas-matrikula ipinagpatuloy ng mga estudyante

Nagsalita si Einstein Recedes ng National Union of Students of the Philippines o NUSP ukol sa nakaambang taas-matrikula sa mga pamantasan, sa harapan ng mga estudyanteng lumiban sa kanilang mga klase at nagtungo sa Mendiola Bridge malapit sa Malakanyang para magprotesta. (Darius Galang)
Muling tumungo sa Mendiola Bridge sa harap ng Malakanyang ang mga estudyante at kabataan mula sa iba’t ibang paning ng Metro Manila upang ihayag ang pagtutol sa pagtaas sa matrikula at iba pang mga bayarin sa mga pamantasan at paaralan, maging ang pagtaas na rin ng iba pang bilihin, at pasahe sa pampublikong transportasyon.
Para sa mga nagtipon, dagdag-pasanin ang pagtaas na ito hindi lamang direktang sa mga estudyante kundi sa kanilang magulang na rin na nagpapaaral sa kanila.
“Hindi namin kayang tanggapin na habang pinapaboran ng pamahalaan ang malalaking banyagang kompanya ay patuloy na pinahihirapan ang mahihirap sa pagtataas ng mga bilihin,” pahayag ni Charisse Bañez, pangkalahatang kalihim ng Anakbayan.
Sa mga naunang ulat, mismong si Komisyuner Julito Vitriolo ng Commission on Higher Education (CHED) ang nagsabing tataas ang matrikula ng mga paaralan sa average na 4-5%. Ngunit sa nalikom na datos ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), mas mataas pa ang maaaring gawin ng mga paaralan.
“Nakatanggap kami ng mga inisyal na ulat sa pamamagitan ng inilunsad naming Tuition Monitoring Campaign, may mga paaralan na magtataas ng hanggang 14% pa,’” ani Vanessa Faye Bolibol, pangkalahatang kalihim ng NUSP.
Alinsabay rito, ipinasa ni Kabataan Rep. Raymond Palatino ang House Bill 4287 sa Kamara. Pinamagatang Tuition Regulation Bill of 2011, nagaasam si Palatino na mabgiyan ng mas demokratikong proseso ng konsultasyon at pagdedesisyon ang pagtataas ng matrikula sa mga paaralan.
Pansin ng mambabatas ang malungkot na katotohanang nakakakuha ng batayan ang pagtataas ng matrikula sa kasalukuyang balangkas ng batas.
“Kailangan maremedyuhan ito ng bagong batas na istriktong magbabantay sa mga pagtaas sa matrikula, at hayaang sumama ang mga estudyante, ang kanilang mga magulang at mga miyembro ng akademya sa demokratikong partisipasyon sa proseso ng pagdedesisyon,” paliwanag pa ni Palatino.

Kasama sa mga pagtutol ng mga mag-aaral na natipon sa Mendiola ang taas-singil sa Metro Rail Transit o MRT at Light Rail Transit o LRT, at sa neoliberal na polisiya sa edukasyon.
Kasama ang mga mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas, Polytechnic University of the Philippines, Philippine Normal University, Eulogio Amang Rodrigues Institute for Science and Technology, Rizal Technological University, University of the East, Philippine School for Business Administration, Technological Institute of the Philippines, Jose Rizal University, Lyceum, Adamson University at Far Eastern University. sa mga nagsagawa ng pagliban sa klase sa kani-kanilang pamantasan
Ilan pang mga grupong nakilahok ang Anakbayan, Karatula at League of Filipino Students. Sumama rin ang ilang estudyante ng hayskul mula sa mga pampublikong paaralan sa Culiat, Quirino, Ramon Magsaysay at Maynila, maging ang ilan pang out-of-school youth.
Kasama rin sa nagsagawa ng kani-kanilang pagkilos ang ilan pang nasa mga rehiyon tulad sa Ilokos Sur, Baguio, Laguna, Pampanga, Cebu, Iloilo, Tacloban at Davao.
Magpoprotesta rin ang mga estudyante at mga grupo ng kabataan sa harapan ng Far Eastern University bukas ng tanghali upang ilunsad ang kanilang Tuition Monitor Complaint Desk, at ilabas ang kanilang nakalap na listahan ng mga paglabag ng mga may-ari ng mga paaralan sa mga naging konsultasyon sa usapin ng matrikula.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=12131













