Wakas ng isang kabanata ng Manila Sound at Pinoy rock music
Mahalagang tao si Paul Toledo sa industriya at sining ng musika. Nakapagtataka lang at kokonti ang nagpapahayag kay Paul samantalang siya ay isang pasimuno ng kulturang Pinoy rock kasama ang mga icon nang sina Freddie Aguilar, Joey “Pepe” Smith, Wally Gonzales, Mike Hanopol, Sampaguita, Lolita Carbon at ang kanyang Asin, Maria Cafra at napakarami pang […]
Mahalagang tao si Paul Toledo sa industriya at sining ng musika.
Nakapagtataka lang at kokonti ang nagpapahayag kay Paul samantalang siya ay isang pasimuno ng kulturang Pinoy rock kasama ang mga icon nang sina Freddie Aguilar, Joey “Pepe” Smith, Wally Gonzales, Mike Hanopol, Sampaguita, Lolita Carbon at ang kanyang Asin, Maria Cafra at napakarami pang iba.
Bale kasama rin sa mga nagsimula ng Manila Sound si Toledo sa kanyang mga novelty songs na tulad rin ng mga pinasikat ng Hotdog, ni Ella del Rosario at marami pang iba tulad ng Circus Band, Ambivalent Crowd at iba pa at kung tatanggalin sa mga grupong ‘yan ay lalantad ang mga ambag nina Didith Reyes, Celeste Legaspi, Jacqui Magno, Basil Valdez, Mitch Valdez, Pat Castillo, Boy Katindig at napakarami pang iba.
Icon na rin talaga si Paul sa maraming bagay kaya ang kanyang kamatayan kamakailan ay kailangang sundan ng paggunita at pagbibigay-parangal dahil malaki ang kanyang kontribusyon sa lokal na musika.
***
Sino ang makakalimot sa kanyang orihinal na likhang “Lumba-Lumba” at “Pasosyal-soyal”?
Kaya kung hindi natin kilala si Toledo ay nakakapanghinayang ang ating pagtira sa mundong ito na ikinabubuhay rin ang musika.
Namatay si Paul noong Huwebes, ika-10 ng Marso, 2011 sa ganap na alas nuwebe y medya ng gabi sa isang taksi.
Heto ang kuwento nito.
Nagmiting sila ng kanyang talent manager na si Zeny Marcelo-Poe, ang balo ni Conrad Poe at siyempre’y kapatid sa ama si Conrad ni Fernando Poe, Jr.
Sa 711 sa Casimiro Village itinakda ang pulong ng dalawa.
Nagmula sa may Southville International School si Zeny dahil may Japanese restaurant siya sa may lugar na ‘yon, ang Okiniiri.
“Pagdating ko sa 711, kumakain si Paul ng soda crackers at umiinom ng apple juice. Tapos, tinapik ko siya sa may likod nang dumating ako. Tapos, pinaupo niya ako. Ang napuna ko, maputlang-maputla si Paul. Tapos, sa lamig ng 711, tumatagaktak ang kanyang pawis. Kaya kumuha ako ng tissue paper at pinunasan ko ang noo niya. Nakapagtataka talaga, Tapos, sabi pa niya sa akin, ‘maraming salamat, ha. Hayaan mo, aalagaan kita. Ang bait-bait mo talaga.’ Tapos, para siyang pari na nilagyan niya ng krus ang nook o. Parang nakakapagtaka talaga ang mga kilos niya,” pahayag ni Zeny.
***
May pagtatanghal sana ni Paul kasama sina Ian de Leon, Bok Inciong ng Masculados, Jackstone at iba pa sa kaarawan ni Mayor Leovin Hidalgo ng Balete, Batangas at ito ang handog ni Marcelo-Poe sa alkalde.
“Ibinigay ko sa kanya ang line-up ng songs na kakantahin niya at kung anong oras kami pupunta sa Balete, paano kami sasakay, saan kami didiretso at lahat ng may kinalaman sa show.
“Tapos, sabi niya, punat raw kami kay Anthony na isa niyang anak. E, hindi ko naman alam ang bahay ni Anthony. Kaya nag-taxi kami. Aba, sa taxi, bigla na lang siyang napaungol. Sabi ko, ‘oy, ba’t ganyan ka?’ Hindi siya sumagot. Tapos, nakausap pa niya nang maikli si Anthony nang sabihin niyang pupunta kami ro’n. So, bigla na lang humilig sa akin si Paul. Nakapagtataka, ang bigat-bigat niya. Para siyang bato. Umungol uli siya. Tapos, pinagpawisan na naman siya nang tagaktak at malamig. Nabasa pa nga ang damit ko. Kasi, nilagyan ko siya ng panyo sa kanyang likuran.
“Tapos, umungol uli siya. ‘Yon na, nawalan na siya ng malay. Nataranta na ako. Sabi ko sa taxi driver, pakibilisan na lang niya at dalhin kami sa ospital. Nagsisisigaw na ako. Tapos, wala pa ring ospital akong nakikita. Pero pagkatapos ng ilang minuto, may nakita akong ospital, Divine Word Hospital. Do’n, pumunta kami. Buti na lang tinulungan kami ng hospital staff at ng daryber ng taksi. Sabi ko sa mga doktor, pakigawan lang ng lahat ng paraan para mabuhay si Paul,” pagsasalaysay nang walang gatol ni Zeny.
Pero huli na nga ang lahat dahil iprinoklama nang wala nang buhay ng mga manggagamot si Toledo.
***
Ayon kay Marcelo-Poe, laging maaasahan si Freddie Aguilar.
“Imagine, siya pa ang tumawag sa akin at inalam ang nangyayari kay Paul. Lahat sabi ng mga nakakakilala kay Paul, tatawagan niya. ‘Yon, tinawagan niya si Pete Canzon, ‘yong sax player.
“Tapos, alam ko, tinawagan din si Charlie Lozo, ‘yong reporter, kasi, siya ang nag-text sa iba pang taga-showbiz. Si Art Tapalla, ‘yong entertainment editor ng Bomba Balita at Saksi sa Balita, ang nag-text sa napakarami pang nagmamahal kay Paul.
“Pero ako, talagang hindi pa rin makapaniwala na wala na si Paul. Kasi, parang ang dali-dali lang. Nang magkasama nga kami no’ng Thursday night, ang sabi niya, pupunta siya kinabukasan sa manggagamot na faith healer para alisin na ang lahat ng kanyang sakit. Kasi, may mga nangkukulam daw sa kanyang mga babae,” paliwanag ni Marcelo-Poe.
***
Bagamat nagwakas na ang isang kabanata ng buhay ng rakrakan o rock music sa Pilipinas, ang kontribusyon ni Paul sa showbiz ay hindi mapapasubalian.
Ang pang-araw-araw na buhay, maliban sa mga elemento ng pag-ibig ay nakahulma at nakapalaman sa kanyang musika lalo na ang mga kapuna-puna sa lipunang Filipino kahit na ang laki at hitsura ng isang lumba-lumba.
Ngayon ay may impluwensiya ang mga Eraserheads o Bamboo o Cueshe o alinmang banda sa musikang Filipino mula kay Toledo at hindi ‘yan maikakaila dahil ang buhay ay nabubuhay rin impluwensiya ng nakaraan at mas nauna na.
Kaya kung sina Francis Magalona o Diomedes Maturan o Ric Segreto ay nabibigyan ng pagkilala sa kanilang kamatayan nang dahil sa kanilang ambag sa showbiz, si Paul ay dapat ding pag-ukulan ng pansin.
***
Nakalagak ang mga labi ni Toledo sa Filipinas Memorial Chapels sa may Las Piñas.
Nandoon na rin at nagbabantay ang kanyang dating talent manager na si Tess Gutierrez na taga-Lopez, Quezon.
Ang mga anak ni Paul ay nandoon na rin.
Sina Romy Robles, ang Jackstone, ang beteranong peryodistang pampelikula na si Alice Vergara ay nakipagburol na rin.
Ngayong araw na ito ng Linggo o kahapon dumating ang isa sa mga kapatid na lalaki ni Paul para ilibing ang isang natatanging anak ng musikang Filipino.