Suporta sa lokal na artista isinusulong sa Kamara

Panukalang batas na sumusuporta sa mga talentong Pinoy, isinusulong ng Bayan Muna sa Kamara

Teddy Casino, kasama ang mga tagapagtaguyod ng musikang Pilipino, tulad nina Jim Paredes at Ogie Alcasid. Suportado ng mga lokal na musikero ang House Bill 3787 o Local Music Industry Act ng Bayan Muna. Inapruba ng Committee on Ways and Means Subcommittee on Local Government Taxation & Finance kamakailan. Kasama sa larawan, mula kaliwa hanggang kanan, sina: Jim Paredes, Rep. Teddy Casino, Pelita Peralta-Uy (independiyenteng prodyuser) at Ogie Alcasid, presidente ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM). (Kontribusyon)

Itinutulak ngayon sa Kamara ang isang panukalang batas na naglalayong huwag isama sa “amusement tax” ang mga konsiyerto ng lokal na mga artista para mabigyan ng suporta ang mga musikerong Pinoy sa pagdagsa ng mga dayuhang artista na minsa’y pinapaboran pa umano ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng diskwento.

Sa pulong ng Committee on Ways and Means kamakailan, inisponsor ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ang House Bill 3787 na may pamagat na An Act Providing for Tax Exemptions and Subsidies for the Local Music Industry sa pamamagitan ng pag-amyenda sa ilang seksiyon ng Local Government Code of 1991.

Minamandato ng naturang panukala na hindi na dapat pagbayarin pa ng 10 porsiyentong buwis na ipinapataw sa mga opera, konsiyerto, drama, recital, painting at art exhibition, flower show, musical program, literary at oratorical presentation, kabilang ang pop, rock, o mga katulad na konsiyerto basta nagtatampok ito sa mga artistang Pinoy o komposisyong Pinoy.

Ipinag-uutos din nito na ang mga buwis na makukuha sa mga dayuhang artista ay ilaan sa pagsubsidyo sa mga workshop ng lokal na theater musical o pagsasanay sa mga lokal na artista at kompositor. Ang matitira naman sa buwis na ito ay hahatiin sa mga probinsiya at bayan na pinagdausan ng palabas.

Dumalo sa naturang pagdinig sina Ogie Alcasid, presidente ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM) at tagapangulo nitong si Mitch Valdez. Naroon din si Jim Paredes, ang mga independent concert producer na sina Pelita Peralta-Uy and Carmela Honrado, na pawang umaapela sa pagpasa ng naturang panukala.

Sa ilalim ng Local Government Code, 10 porsiyentong amusement tax ang kinukuha sa mga konsiyertong pop, rock o mga katulad nito mula sa admission fees.

“Ang industriya ng musika ay namamatay simula pa noong 1980s. Makikita ito sa dumadaming bilang ng mga dayuhang artista na hindi nagbabayad ng regular na income tax tulad ng mga artistang Pinoy. Kaya ang pag-unlad ng ating mga talento ay kulang sa suporta sa adbertaysing, marketing at promosyon dahil nilalamon na sila ng mga dayuhang konsiyerto,” ayon kay Casiño.

Nagpahayag naman ng suporta sa naturang panukala si Valdez at sinabing nais nila ng patas na laban para sa mga artistang Pilipino.