Petisyon kontra pagsasauli ng Philhealth funds, tatlo na
Tatlong petisyon na ang nakasampa sa Korte Suprema para kuwestiyonin ang legalidad ng pagsasauli ng sobrang pondo ng Philhealth. Iginiit naman ng mga health worker na ilaan ito sa mga pampublikong ospital.
Tatlong petisyon na ang nakasampa sa Korte Suprema para kuwestiyonin ang konstitusyonalidad ng pagsasauli ng P89.9 bilyong sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa National Treasury.
Nauna nang naghain ng petisyong certiorari and prohibition sa Kataas-taasang Hukuman sina Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III noong Agosto na sinundan ng militanteng grupo na Bayan Muna Partylist noong Setyembre sa pangunguna ni Neri Colmenares at iba pang kasapi nito.
Noong Okt. 16, nagsumite na rin ang grupong 1Sambayan ng petisyon sa pangunguna ni dating Supreme Court Senior Justice Associate Antonio Carpio. Kabilang din sina dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, dating Commission on Audit Commissioner Heidi Mendoza, dating Finance Undersecretary Cielo Magno, at iba pang dating matataas na opisyales ng gobyerno.
Naghain din ang Bayan Muna ng temporary restraining order (TRO) sa parehong araw na naglalayong pigilan ang pagsasauli ng nasabing pondo, kasabay rito ang third tranche ng paglilipat ng hindi nagamit na pondo ng ahensiya na P30 bilyon.
Nagkaroon na ng unang dalawang bugso ng pagsasauli ng pondo sa Bureau of Treasury noong Mayo 10 at Ago. 21 na nagkakahalaga ng P20 bilyon at P10 bilyon. Tinatayang maililipat ang natitirang P29.9 bilyon sa Nobyembre.
Ayon kay Carpio, nalalabag ang Saligang Batas dahil sa pagsasauli ng hindi nagamit na pondo ng Philhealth. Hindi umano awtorisado si Finance Secretary Ralph Recto na gumawa ng ganitong mga desisyon.
“Pinahihintulutan ng Finance Secretary na ibalik ‘yong excess funds ng Philhealth sa National Treasury para pondohan ‘yong unprogrammed appropriations. Direktang paglabag ito sa Konstitusyon dahil nakasaad doon na walang batas ang maaaring ipasa na pumapayag na magkaroon ng transfer of appropriations,” aniya.
Nakatakdang magkaroon ng oral arguments sa Korte Suprema sa Ene. 14 ng susunod na taon hinggil sa usapin. Inaasahan ding maisasama ang ikatlong petisyon sa oral arguments kung kikilos ang korte at atasan ang mga sangkot na magsalita sa isyu.
Samantala, nanindigan naman ang Health Workers Partylist (HWP) laban sa paglipat ng pondo sa unprogrammed appropriations.
“Sa panukalang pambansang badyet sa 2025, nasa P94 bilyon lamang ang kabuuang badyet sa higit 80 [Department of Health]-retained national at regional hospitals. Halos madodoble ang laang badyet sa mga pampublikong ospital kung dito ilalaan ang P89.9 bilyon,” pahayag ni HWP first nominee Robert Mendoza.
Dagdag pa niya na mas pakikinabangan ang pondo kung magagamit ito nang wasto.
“Malaking tulong sana ito sa pagsasaayos ng mga pasilidad, karagdagang medical supplies at equipment at mga gamot, pagbibigay ng nakabubuhay na sahod sa manggagawang pangkalusugan, benepisyo at pag-hire ng karagdagan at regular with plantilla positions na mga health workers upang maibsan ang matinding understaffing at mapabuti ang serbisyo sa mga pampublikong ospital,” sabi ni Mendoza. #