Tutok sa tindig ng 57 milyon
Makasaysayang pinakamataas na voter turnout para sa midterm elections ang naitala ngayong 2025. May 57 milyong Pilipino o higit 82% ng rehistradong botante ang nakilahok sa halalan at karapatan nilang maprotektahan ang kanilang boto.

Tatlong dekada nang naglilingkod si Marjorie Zarate, guro sa Pura Kalaw Elementary School sa Project 4, Quezon City. Pagsapit ng 3:30 a.m., nasa paaralan na sila para paghandaan ang dagsa ng mga botante.
Pinagsama-sama ang mga presinto sa mga clustered precinct sa mga polling place, na karaniwang nasa mga pampublikong paaralan, kaya nang nakumusta siya ng Pinoy Weekly bandang 8 p.m., hindi pa siya nakakakain.

Sina Teacher Marjorie, ang libo-libong guro at libo-libo pang mga volunteer na poll watcher, ang pundasyon ng halalan. Sila rin madalas ang unang mata at testigo sa lagay ng karapatan sa pagboto sa Pilipinas.
Sa likod ng makina
Bago pa ang electronic transmission sa antas presinto noong gabi ng Mayo 12, nanawagan na ang election watchdog na Kontra Daya ng manual counting. Ito’y kasunod ng paparaming ulat ng mga palyadong Automated Counting Machines (ACM) sa iba’t ibang presinto sa buong bansa, ilang oras bago magsara ang botohan.
Mahigit kalahating oras na nahinto ang pagboto sa Cluster #500 sa Bagong Silangan Elementary School sa Quezon City dahil naipit ang thermal paper ng ACM. Ayon sa technician, maraming beses na itong nangyari sa iba’t ibang presinto sa naturang paaralan.
Sa isang panayam sa midya, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia na umabot sa mahigit 200 ACM ang pumalya at kinailangang palitan.
Ikinabahala naman ni Center for People Empowerment in Governance (Cenpeg) chairperson Roland Simbulan ang mga ulat ng palyadong ACM na aniya’y nakakasira sa kredibilidad ng sistemang elektoral at lalong nagpapababa sa tiwala ng publiko sa elektronikong halalan.
“Matagal na naming paninindigan na banta sa demokrasya ang halalan na walang transparency (malinaw na proseso). Dahil sa paulit-ulit na pagpalya ng mga ACM, lalo na sa pinakakritikal na mga oras ng botohan, dapat matulak ang Comelec na bumalik sa mano-manong bilangan sa mga presinto kung saan makikita ang bawat pagboto,” sabi ni Simbulan.

Maraming mga makina ang pumalya dahil umano sa init at paper jam. Kabilang sa pinakamaraming naitalang aberya sa mga ACM ang “overvoting” o higit sa takdang dami ng puwede iboto. Halimbawa, kapag may isang sumobrang boto para sa pagkasenador, hindi na bibilangin ang lahat ng boto sa senador ng botanteng iyon.
Isa na sa nakaranas mismo ng isyu ang kandidato sa pagkasenador ng Makabayan Coalition na si Jocelyn Andamo, secretary general ng Filipino Nurses United.
Pagkalabas sa presinto, agad niyang ibinahagi sa Pinoy Weekly na hindi nabilang ang boto niya sa partylist dahil umano sa overvoting kahit pa ilang beses niyang sinigurado na isa lang ang binoto niya.
Ilang ulit pinabulaanan ng Comelec ang posibilidad na ‘yong marker ang dahilan sa overvoting. Bago pa ang araw ng botohan, sinabi ni Garcia na imposibleng mauwi sa overvoting ang pagtagos ng tinta sa kabilang mukha ng papel dahil walang mga bilog ang magkakatapat. At hindi rin anila sobrang sensitibo ng ACM para basta na lang magkamali.

Sa araw ng halalan, sinabi pa ni Garcia na hindi agad mapapatunayan ang sinasabi ng mga botante na kasalanan ng machine ang overvoting, dahil walang maipapakita na pruweba ang mga botante—bawal kasi retratuhan ang balota at resibo. Dismayado ang ilang botante sa sagot na ito.
“Common sense na isa lang ang iboboto, ingat na ingat akong hindi mag-smudge sa balota at mag-overvote pero ganoon ang lumabas sa resibo,” sabi ng isang botante sa Kamuning, Quezon City sa ulat ng Bulatlat.
Ang higit pa riyan, may higit 3 milyong boto para sa partylist ang nasayang dahil sa overvoting ayon sa tala ng National Citizens’ Movement For Free Elections. Higit 17 milyong boto naman sa pagkasenador ang hindi binilang dahil rin sa overvoting.

Sa mismong araw ng halalan, pinayuhan na lang ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na kailangang hintayin ng mga botante na matuyo ang tinta bago ipasok sa machine dahil posibleng ang mga ganitong mantsa ang dahilan sa problema. O kaya naman ang mantsa sa ibang bahagi ng balota.
Ayon kay Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya, responsibilidad ng Comelec at hindi ng mga botante ang pagtugon sa mga nakitang problema sa proseso ng halalan.
Sa huling tala ng Vote Report PH noong tanghali ng Mayo 13, nanguna sa listahan ng mga natanggap nilang report ng election violation ay kaugnay ng mga pagkakamali, pagpalya o pagkasira ng mga ACM sa maraming presinto na nakaantala sa botohan

Sa Sauyo Elementary School sa Quezon City, halos isang oras hindi tumanggap ng balota ang ilang ACM kaya nagpasya na ang Board of Election Inspectors na mag-manual voting sa presensiya ng mga poll watcher. Nagdulot naman ito ng paghaba ng pila ng mga botante sa waiting area.
Ani Betty Fernando, chairperson ng cluster precincts ng paaralan, nasa desisyon ng botante kung hihintaying gumana ang ACM o papayag sa manual voting.
“Kailangan agad gumawa ng resolusyon ng Comelec sa ganoong mga insidente dahil nalalabag ng ganitong mga insidente ang karapatan ng mga botante. Hindi ito patas sa mga botante na nagbigay ng panahon para pumunta sa mga presinto nang maaga para lang hindi mabilang ang boto,” sabi ni Arao.

Tapatang bilangan
Bagaman makapagpapabagal sa proseso, naniniwala naman ang Kontra Daya na kailangan ang manual counting para panghawakan ang pagkasagrado ng boto at tiyakin ang transparent na proseso ng bilangan.
Ganoon na nga kahalaga ang pagkakaroon ng Random Manual Audit at Unofficial Parallel Count ayon sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na higit isang dekada nang itinuturing na “citizen’s arm” ng Comelec.

Ayon sa kanilang pahayag noong Mayo 13, mahalaga ang Random Manual Audit para matugunan na ang isyu ng overvoting. Ang unofficial parallel count naman, magiging instrumento para makita kung tugma ang nasa pisikal na election returns at transmitted election returns na digital na ipinadala.
Isang halimbawa na ng isyu sa election returns ang ipanaalam ng PPCRV sa publiko dalawang oras matapos ang botohan. Nabahala ang mga poll watcher dahil dokumento na may disenyo lang ang natanggap nila kahit pa sinabi ng Comelec na pumasok na ang sangkatlong election returns. Walang datos na nakuha agad ang PPCRV.
“Mula 2010, wala pa kami naranasan na ganitong delay na hindi agad natatanggap ang unang pasok ng datos,” sabi nila sa kanilang opisyal na pahayag.
Bukod dito, nakita ring isyu ng PPCRV ang ang hindi pagtutugma ng numero base sa nakuha nilang report ng mga coordinator, partikular sa Zamboanga City sa Mindanao at Dumaguete City sa Negros Occidental.

“Kung 768 ang bumoto, bakit may 919 balota ang naitala?” tanong ni PPCRV spokesperson Ana de Vella-Singson tungkol sa datos na iprinesenta sa live elections result website ng Comelec.
Lumalabas kasi na noong mismong araw ng halalan, habang nakaabang ang lahat sa balita at pati na sa mismong tala ng Comelec, lumalagpas ang itinala na nakuhang balota kumpara sa dami ng bumoto.
Bukod sa PPCRV, agad rin namataan ng Bulatlat ang isyu kaya naipakita pa nila kung paano nagbago ang datos.
Halimbawa, Mayo 12, 8:30 p.m., mayroong 662 na balota para sa 614 lang na Pilipinong bumoto sa isang polling place sa Balao, Abra de Ilog, Mindoro Occidental. Pagdating ng Mayo 13, 10:14 a.m., biglang bumaba ang balota sa 614 kaya tapat na sa dami ng botante.

Nilinaw naman ni Singson na baka maaga pa para tawagin itong dagdag-bawas. Pag-iigihan pa nila aniya ang gagawing katapat na bilangan ng PPCRV.
“Sana bigyan pa tayo ng mas malalim na paliwanag kaysa sa ‘mislabeled’ (mali ang marka). Naiintindihan natin na posible nga iyon, pero ano ba iyong orihinal na numero? Kasi datos ‘yon na nasa system,” sabi niya.
Pundasyon ng kaharian
Mula sa mga poll watcher hanggang sa mga organisasyon at koalisyon, kaliwa’t kanan na ang paghingi ng higit na paliwanag at mas malinaw na aksiyon mula sa Comelec o sa kalakhan ng gobyerno.
Nagpapatuloy ang lumang kalakaran ng pagbili ng boto. Sa natanggap na ulat ng International Observer Mission (IOM) ng International Coalition for Human Rights in the Philippines, may kaso pa sa Bikol ng pagbili ng boto at mga balota na mayroon nang marka pagkatanggap ng botante.
Pero ang paglabag sa karapatan sa pagboto nang wasto para sa bayan, nasa bingit na kahit ilang araw bago ang halalan, o kahit sa pagpasa pa lang ng papeles para sa kandidatura ng mga politiko.

Ilang araw bago ang halalan, naging malinaw na banta sa karapatan ng Pilipino sa tamang impormasyon ang kaliwa’t kanang atake sa mga tanggol-karapatan, partikular na ang mga kandidato at mga partylist ng Makabayan Coalition.
“Paulit-ulit na itong nakakabahalang eksena: tumitinding karahasan, red-tagging ng mga kandidato at tagasuporta, at malawakang pagpapakalat ng malisyosong impormasyon laban sa mga progresibong boses,” sabi sa Ingles ni IOM Commissioner Colleen Moore, direktor ng Peace with Justice at the General Board of Church and Society.
Halos sabay-sabay naglabas ng paglilinaw ang Comelec at iba’t ibang midya tulad ng Rappler at Philstar.com na may nagpapakalat ng pekeng anunsiyo na diskuwalipikado ang Bayan Muna Partylist ilang araw bago eleksiyon. Ginagaya rin ng mga troll ang imahen ng Comelec at midya para ipakalat ang kasinungalingan.
Tanong ngayon ng mga progresibong grupo, bukod sa paglilinaw ng Comelec na peke ang diskuwalipikasyon o iba pang pagtatama sa maling impormasyon, ano ang kasunod na hakbang laban sa paulit-ulit na atake, kasama na ang nagsulputan na mga kabaong na nagbabanta at nandadaot sa Makabayan Coalition?
“Bisperas ng halalan, dinatnan ko sa labas mismo ng apartment ko at mga kalapit na kalye ang iba’t ibang flyers accusing us of being killers and NPA recruiters,” sabi ni John Peter Angelo Garcia, ikalawang nominado ng Kabataan Partylist.

“Malinaw naman,” sabi ni Garcia, “na takot ang mga red-tagger na ito sa isinusulong ng Kabataan at Makabayan na alternatibong national democratic na mga plataporma na tutunggali sa tradisyonal at mapang-abusong politika ng naghaharing uri.”
Sa isang halalan kung saan kahit ang sistemang partylist ay “pinamumugaran ng mga dinastiyang politikal” ika nga ng Philippine Center for Investigative Journalism, napakahalaga ng boses ng karaniwang Pilipino.
Ang hamon ngayon sa Comelec at gobyerno, patunayan na sapat ang proteksiyon sa karapatang pumili ng mga Pilipino, isang haligi ng demokrasya.

At sa kabila ng lahat na ito, patuloy ang serbisyo ng mga kawani tulad ni Teacher Marjorie. Tatlong araw sila pabalik-balik sa paaralan para sa paghahanda sa eleksiyon, tapos, makakaltasan pa ng buwis ang honorarium nila. “Dapat po hindi na pagsamahin mga presinto. Sana hindi na rin kami kaltasan,” sabi niya. Sana nga, pakinggan sila ng gobyernong nangakong manilbihan sa publiko. /May mga ulat mula mga reporter at correspondent ng Pinoy Weekly