Balik Kongreso, tulak ng Bayan Muna
Para sa Bayan Muna Partylist na 25 taon nang naglilingkod, hindi imposible ang nakabubuhay na sahod at abot-kayang presyo ng mga bilihin, serbisyo at yutilidad. Hindi rin imposible ang pagsupil sa mga kurakot at tiwali.

Simula nang maitatag at maupo sa Kongreso ang Bayan Muna Partylist, sinigurado nilang boses ng taumbayan ang kanilang bitbit. Nanguna sila sa mga panukalang nagtanggal sa buwis ng mga manggagawang kumikita ng minimum wage, nagpatatag ng libreng irigasyon sa mga sakahan, at nanigurado ng reparasyon sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
Subok na ang kanilang serbisyo mula noong 2001 nang manalo at makakuha sila ng tatlong puwesto sa Kamara na nagpatuloy hanggang 2022, bago ang huling halalan. Sa loob ng 25 taon, nakapagsulong ang Bayan Muna ng mga batas na nagtataguyod sa kapakanan ng masang Pilipino.
Hindi na bago sa politika ang tatlong nominado ng Bayan Muna Partylist na sina Neri Colmenares, Carlos Isagani “Kaloi” Zarate at Ferdinand “Ferdie” Gaite ngunit tinitiyak nila sa sambayanang Pilipino na politika ng pagbabago ang baon nila sa Kongreso.
Tumindig sa tama, para sa bayan
Hindi alintana ang haba ng panahon na inialay ni Colmenares sa paglilingkod sa bayan dahil ito na ang kanyang buhay.
Pagiging aktibista na ang kinamulatan ni Colmenares dahil nasaksihan niya bilang isang estudyante ang pang-aabuso ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. noong panahon ng batas militar.
Naranasan niya rin ang makulong ngunit hindi siya nagpatinag. Tulad ng itinuro sa kanya ng kanyang mga magulang, tinindigan niya kung ano ang tama.
Pangulo ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) si Colmenares at naging Senior Deputy Minority Leader ng Ika-16 na Kongreso. Kilala siya sa pagbabatikos ng mga batas na nanggigipit sa taumbayan gaya ng pagtataas ng singil sa kuryente at Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law.
Kinatawan si Colmenares ng Bayan Muna Partylist mula 2007 hanggang 2013 sa Kamara. Tatlong beses niya ring sinubukan na pasukin ang Senado bago bumalik sa karera para maging kongresista.
“Kailangan ng checks and balances sa Kongreso,” sabi ni Colmenares sa panayam niya sa Pinoy Weekly.
Isa sa mga kasalukuyang isinusulong ni Colmenares ang pagpapatalsik kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte dahil sa maanomalyang paggamit ng confidential funds at pagtataksil sa tiwala ng publiko.
“Importante ang impeachment as an accountability mechanism para hindi lang masawata ang korupsiyon kundi maturuan din ng leksiyon ang mga impeachable [official] na hindi sila puwedeng mang-abuso at puwede silang ma-convict,” sabi ni Colmenares.
Pangungunahan ni Colmenares kasama ang buong Bayan Muna Partylist ang pagbabantay sa pondo ng taumbayan dahil sambayanang Pilipino ang kanilang pinagsisilbihan.
Karapatang pantao, sigurado
Kung bawat pagpasok sa politika ay planado at kalkulado, iba naman ang naging takbo nito para kay Zarate.
Tubong General Santos City sa Mindanao na isa sa naging sentro ng mga operasyong militar noong panahon ng batas militar ni Marcos Sr., namulat agad si Zarate sa krisis na umiiral sa lipunang kanyang ginagalawan. Agad siyang namulat sa panggigipit ng militar sa mga detenidong politikal at mga kababayang Muslim.
Mula rito, nagpasya si Zarate na isantabi ang pangarap na maging agriculturist dahil batid niya na may higit pa siyang dapat isulong—ang mga karapatang pantao.
“Mahirap pala kapag wala kang alam sa batas,” sabi ni Zarate.
Matapos pumasa sa bar exam, naging pro bono lawyer si Zarate para sa marhinadong sektor gaya ng mga magsasaka, manggagawa at Lumad sa Mindanao.
Hindi nagtagal siya’y naging pangalawang tagapangulo ng Mindanao NUPL at secretary general ng Union of Peoples’ Lawyers in Mindanao. Siya rin ang naging coordinator ng Free Legal Assistance Group at legal counsel ng Bayan Muna sa Davao noong 2000.
Noong 2013, nagsilbi siyang kinatawan ng Bayan Muna sa tatlong magkakasunod na termino kung saan isinulong niya ang mga panukala sa karapatang pantao at kontra-korupsiyon.
Isa si Zarate sa may-akda ng Human Rights Defenders Protection Act, panukalang batas na naglalayong bigyang suporta’t proteksiyon ang mga tanggol-karapatan mula sa anumang uri ng red-tagging, gawa-gawang kaso, pagtatanim ng ebidensiya at iba pang atake.
Sinuportahan rin niya ang Mental Health Act, Dagdag Benepisyo para sa Health Workers Act at Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act.
Tumindig naman si Zarate sa mga panukalang kontra-mamamayan tulad ng Anti-Terrorism Act of 2020, pagtanggal ng prangkisa sa ABS-CBN, at ang madugong giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Hindi puwedeng isantabi, dapat palakasin,” pagdidiin ni Zarate tungkol sa tugon ng rehimeng Marcos Jr. sa imbestigasyon ni Duterte sa ilalim ng International Criminal Court (ICC).
Sa kanyang muling pagtakbo sa Kongreso bilang ikalawang nominado ng Bayan Muna, hindi nagbabago ang isinusulong ni Zarate para sa mamamayang Pilipino—pagsulong ng nakabubuhay na sahod, pagtatanggol sa mga karapatan at pagsupil sa korupsiyon.
“Pangalan mismo ng aming partido, sa loob ng 25 taon, pinapakita ng kanyang track record na inuuna na talaga ng Bayan Muna ang interes ng mamamayan,” ani Zarate.
Nakabubuhay na sahod at trabaho
Gaya nina Colmenares at Zarate, bunga rin ng umiiral na krisis ang pampolitikang kamulatan ni Gaite na mula sa pamilya ng mga abogado.
Noong makapagtapos ng kolehiyo sa kursong Political Science, nagtrabaho si Gaite sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) habang ipinagpapatuloy ang pagiging aktibista para isulong ang karapatan ng mga ordinaryong mamamayan.
Naging pangulo siya ng unyon sa OWWA hanggang naging pangulo ng Confederation for Unity Recognition Government Employees (Courage), isang umbrella organization ng mga unyon sa pampublikong sektor.
“Nakita ko ang kahalagahan ng pag-uunyon,” sabi ni Gaite. Kasama ng mga kapwa unyonista, tumindig siya para sa karapatan ng mga manggagawa sa nakabubuhay na sahod, benepisyo at seguridad sa trabaho.
Dahil nakitaan ng husay sa pagiging lider-kawani, napiling maging pangalawang nominado si Gaite ng Bayan Muna noong 2019 para sa Ika-18 Kongreso.
Kasama ang Makabayan Coalition, ang isinulong nila ang Super Rich Tax Act of 2021 na layuning buwisan ang mga bilyonaryo ng isa hanggang tatlong porsiyento mula sa kanilang indibidwal na yaman.
Ilan naman sa mga panukalang inakda ni Gaite para sa karaniwang Pilipino ang House Bill (HB) 224 na nilayong magbigay ng libreng serbisyo medikal sa mga ospital at iba pang healthcare centers at HB 3381 para sa seguridad ng mga manggagawa. Siya rin ang pangunahing may-akda ng inamiyendahang Official Development Assistance Act of 1996 na tinitiyak ang Official Development Assistance ay para sa kapakanan ng mamamayan.
Pagdidiin ni Gaite, ang kaban ng bayan ay para sa interes ng ordinaryong mamamayan kaya dapat mapanagot ang mga kumukulimbat ng pondong ito.
“[Kapag] maliit na kawani, piso lang ang ‘di ma-account, puwede na siya matanggal sa trabaho, puwedeng mawala ang kanyang benepisyo. [Sa impeachment ni Sara Duterte], second highest office in the land, ‘yong hundreds and billions of pesos ay parang minamani niya lang,” sabi ni Gaite.
Kapag Bayan Muna, kayang-kaya
Para sa Bayan Muna, hindi imposible ang nakabubuhay na sahod at abot-kayang presyo ng mga bilihin, serbisyo at yutilidad. Hindi rin imposible ang pagsupil sa mga kurakot at tiwali.
Madalas na laman ng mga balita ang Bayan Muna dahil sa kanilang pagkuwestiyon sa mga pagnanakaw at pang-aabuso, at pagkondena sa mga paglabag sa mga karapatang pantao ng sambayanan, lalo na ng mga inaaping sektor.
Galit ang mga kurakot at pahirap sa kanila dahil ginagawa nila nang tapat ang kanilang trabaho para magbigay ng nararapat na serbisyo at tiyakin ang mga nirerespeto ang mga karapatan ng mamamayang Pilipino.