Pinoy Weekly

Ang Nagmamadaling Wika ng Konsumerismo

Sa anumang yugto ng pang-ekonomiyang kalagayan ng isang bansa, mayroong mga kultura, kabilang ang wika, na ginagamit ang estado, mga institusyon at ahensiya, mga kilusan at indibidwal, sa kanilang pang-araw-araw na operasyon at pakikipagsapalaran sa mundo. Sa mundo ng konsumerismo, mapapansin na ang wika ay nagiging isang sentralisadong awtoridad ng pagkonsumo, sa pamamagitan ng pagiging disentralisado. Sa katunayan, ang “normal” o “normatibong” pang-araw-araw na wika’t kawikaan ng mamamayan at ng estado o gobyerno ay kakikitaan ng distinktong mga pagbabago bunga ng pagkubabaw ng konsumerismo. Sa partikular, mamamasdan na sa loob ng isang konsumeristang lipunan, nakalilikha ng kultura, wika at kawikaan na maaaring nauuna pa sa normal at normatibong pag-unlad ng kultura at wika ng mamamayan. Sa madaling salita, nagmamadali ang wika ng konsumerismo.

Halimbawa, kung pag-aaralan ang mga patalastas ngayon (patalastas bilang kapwa manipestasyon at pamamaraan ng kapitalismo. ng konsumeristang industriya), lumilikha ito ng mga salita at terminolohiyang ang konsepto’y bumabalong at nakatali sa dikta ng kapitalistang interes ng pagkakamal ng kita o ganansiya. Halimbawa, tingnan ang mga patalastas ng Globe tungkol sa serbisyo nitong “UNLITXT.”

Larawan 1: mula sa http://migs.wordpress.com/2007/12/16/globe-stops-all-day-unlitxt/

Larawan 2: mula sa http://www.loadhow.com/wp-content/uploads/2010/04/globe_unlitxt.jpg

Binuo ng kapitalistang Globe ang salitang “UnliTXT” para sa promosyon nito ng isang serbisyong ibebenta sa konsumer. Nakapakete sa salitang “UnliTXT” ang buong produkto o serbisyong magpapahintulot sa isang texter na makapagpadala ng mga SMS (single message service) o text message sa isang “unlimited” o “walang hangganang” kapasidad sa loob ng isang takdang panahon. Para magkaroon ng ganitong konsumeristang kapangyarihan, kailangang Globe ang service provider ng isang texter / cellphone owner at kailangang magrehistro ang texter sa naturang serbisyo. Samakatuwid, nakabuod sa salitang “UnliTXT,” mula sa mga salitang “unlimited” at “text,” ang pangkalahatang naratibo ng isang kapitalistang “serbisyo” na ipinabibili sa konsumer.

Ang pagsasanib ng dalawang salita ay ang aktuwalisasyon ng kapitalistang layunin ng pagbebenta ng produkto sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilusyon ng walang-katapusang pagpapadala ng mensahe sa isang konsumeristang lipunan. Nauuna, kung gayon, na mabuo ang salita, sa halip na ito’y dumaan sa normal na pagpapaunlak at pagganyak ng mas nakararaming mamamayan. Samakatuwid, hindi nagmula sa nakararami ang salitang “UnliTXT,” ngunit pinalalabas na ito’y napakapopular. Ang wikang popular, kung gayon, sa isang konsumeristang lipunan, ay pinopopularisa ng may-ari o may-monopolyo ng kapital at teknolohiya tulad ng kumpanyang Globe. Samakatuwid, makikitang minamadali ang wika sa isang pinagmamadaling mundo ng pagkonsumo.

Ang ganitong pinagmamadaling mundo ng pagkonsumo ay lumilikha ng labis-labis na produkto, kabilang na ang mga produktong linggwistiko o pangwika. Ang wika-imahen ng nakaraan at ng orihinal ay talagang dumaraan sa iba’t ibang pagbabago at interpretasyon. Ang orihinal na wika at imahen ay nababago rin ng pang-ekonomiyang kalagayan. Ang orihinal rin ay nakikipag-apektuhan sa mga kultural na lohika ng iba’t ibang pang-ekonomiyang base.

Ngunit ang mamamayan – at ang mamimili – na kinukubabawan ng ganitong sistema ay hindi naman laging sunud-sunuran lamang. Ang salitang “unlitxt,” halimbawa, sa lenggwahe ng kabataan at ng mga kabataang aktibista, ay nagiging “unli” na lamang. At madalas, sinasambit ang “unli” na ito dahil sa pangangailangang magpadala ng mga text sa maraming tao para sa iba’t ibang politikal na kampanya ng mga aktibista, tulad halimbawa ng patutol sa budget cut sa edukasyon, pagpanawagan na ibasura ang Oil Deregulation Law, at paglahok sa mga kilos protesta. Ang mga aktibistang nakarehistro sa Unlitxt ng Globe ay hinihikayat na magpadala ng tinatawag na GM (o general message) na matatanggap ng lahat ng posibleng Globe subscribers na nasa kanilang listahan ng mga kontak. Kaya may mga mensaheng natatanggap na tulad nito: “Kng nk-unli k 2day, pls invyt pips s transport caravan s march 31. D un transport strike a? Caravan yun. 11am ktakits sa welcome,rotonda.”

Ang ganitong halimbawa ay nagpapakita ng posibilidad ng pag-alpas sa isang dominanteng konsumeristang kaayusan. Ibig sabihin, upang maunawaan ang wika ng dominanteng kaayusan, tatlong landasin ang maaaring tahakin. Una, ang magpakupot sa dominanteng kaayusan. Ikalawa, ang “lumaro” sa loob ng sistema at lumikha ng kontra-dominanteng kaayusan. Ikatlo, labas sa dominanteng kaayusan, ang patuloy na pagbubuo at pagpapaunlad ng tunay na wika ng sambayanan. At iyon ang wika ng mas nakararami, na sa kolektibong paglikha at pagkilos ay tiyak na magbubunga ng mas makatao at mas maunlad na bagong kaayusan.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=12718

avatar Posted by on Apr 2 2011. Filed under (Kolum), Zineulat. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes
More in (Kolum), Zineulat (400 of 711 articles)