Kapirasong Kritika

Jan-jan, Dito-dito


Walang pagtatalo: Kahirapan ang pangunahing usapin sa eskandalong kinakasangkutan ngayon ni Willie Revillame at ng batang si Jan-jan. Kahirapan ang nagtulak sa batang si Jan-jan at sa kanyang mga kaanak na pumunta sa palabas na Willing-Willie at ihain ang pamoso na ngayong sayaw ng bata. Kahirapan ang sinasamantala ng palabas ni Willie: pinapapunta ang mahihirap, pinagkukwento ng kahirapan, ginagantimpalaan at minsan ay pinagkakatuwaan din ang kahirapan.

(1) Walang pagtatalo: Kahirapan ang pangunahing usapin sa eskandalong kinakasangkutan ngayon ni Willie Revillame at ng batang si Jan-jan. Kahirapan ang nagtulak sa batang si Jan-jan at sa kanyang mga kaanak na pumunta sa palabas na Willing-Willie at ihain ang pamoso na ngayong sayaw ng bata. Kahirapan ang sinasamantala ng palabas ni Willie: pinapapunta ang mahihirap, pinagkukwento ng kahirapan, ginagantimpalaan at minsan ay pinagkakatuwaan din ang kahirapan.

(2) Ang problema, sa harap ng kampanya para ipatigil ang palabas ni Willie, may mga bumababa ang antas ng pagsusuri at pumapatol sa antas ng indibidwal: “Kung may kasalanan si Willie, may kasalanan din ang bata at ang kanyang kapamilya.” At dito na pumapasok ang pagsusuri sa masa, na hindi pwedeng maging makatwiran: kung hindi bobo at utu-uto dahil nahahatak ng premyo ng palabas, tuso at oportunista dahil sinamantala rin ang ibinubukas na pagkakataon ng palabas para kumita nang kaunti.

(3) Ang problema sa ganitong pagsusuri, pabalat-bunga lang na kinikilala ang kahirapan bilang dahilan pero hindi mahigpit na tinatanganan. Hindi kinikilala ang buong bigat ng pwersa ng kahirapan na nakapasan sa mahihirap at nagsusubsob sa kanila sa pagsali sa palabas ni Willie. Hindi kinikilala ang kawalan nila ng oportunidad, ng mapagpipilian. Inaakalang ang laya ng mga petiburgis – at mas masahol, ng burgis – ay siya ring laya ng mahihirap. Pinipilit na magkapantay ang talab ng istruktura at ng indibidwal.

(4) Hindi pantay ang pananagutan ni Willie at ng mahihirap tulad ni Jan-jan at ng kanyang pamilya. May pagpipilian si Willie sa klase ng “pagpapasaya sa tao” – at iyan ang salita niya – na ihahain niya. Sa kabilang banda, limitado ang pagkakataon ng mahihirap na kumita at magkapera. “Pagpapasaya sa tao” – iyan ang kailangang ilusyon na hindi pwedeng bitawan ni Willie at ng mga kasama niya sa palabas. Pero alam nating pormula na ang modus operandi nila; imposibleng hindi nila alam ang ginagawa nila.

(5) Ang masaklap ay hindi ang pagkilala ni Willie sa kalagayan ng mahihirap na ibinubugaw: na kahit umiiyak ay sige lang sa paggiling. Tama siya sa pahayag na iyan. Ang masaklap ay ang patawa at pakutyang pagkilala niya rito, na parang ayos lang na kasiyahan o i-enjoy ang ganitong sitwasyon ng maralita. Sabay-bigay ng P10,000. Na para bang nagagantimpalaan ang modang pag-iyak kasabay ng paggiling. Na para bang ayos lang i-enjoy ang ganitong moda ng mga maralita basta babayaran naman sila.

(6) Ang problema, kaya bumababa ang antas ng pagsusuri sa lebel ng indibidwal kahit ng mga naniniwalang mahalaga ang papel ng kahirapan sa eskandalo, ay ito: wala silang tinatanaw sa hinaharap na malalimang pagbabago sa sistemang ito – o hindi sila konsistent sa pagtanaw sa ganito. Sa tingin nila, hindi ang pagbabago ng sistemang panlipunan na nagluluwal ng kahirapan ang kailangan, kundi ang pagtukoy sa indibidwal na pananagutan sa kasalukuyan. “Ayos lang ang sistema ngayon, basta ba…”

(7) Hindi lang hirarkiya sa usapin ng uring panlipunan ang ipinapakita ng eskandalo. Pinapatampok din nito ang kontrol ng mga magulang sa mga bata – na walang iba kundi ang kontrol ng kanilang uri sa huli. Sumasanib ito sa isa pang agos, ang sekswalisasyon ng mga bata – na para bang inihahanda sila sa kung anong trabaho sa pagtanda. Isang resulta ng pagsasanib ng dalawang agos, sa balangkas pa rin ng kahirapan, ang mga batang babaeng kung umasta’t sumayaw ay parang mga Sex Bomb.

(8) Sa panig ng resepsyon, isang usapin ang kasarian. Dahil nga hindi “Careless Whisper” ang pinatugtog, natanggal ang pagsayaw ni Jan-jan sa pakahulugan ng pagkutya kay Hayden Kho at napalabas na pagma-macho dancer sa pangkalahatan. Kaya tiyak ding nag-iimbita ng pagkiling na kontra-homosekswal sa lipunan. At may elemento ng pagkabagabag ng mga konserbatibo’t tradisyunal ng lipunang pyudal sa pagkayurak ng maskulinidad. Ang pormang ito ang naging itsura ng kahirapan.

(9) At hindi ang ganitong paglabag sa moralidad ng mga konserbatibo’t tradisyunal ang dapat ipagdiwang ng mga rebeldeng liberal ng ating lipunan. Paglabag din naman sa ganyang moralidad, paala ng isang manunulat, ang pagpapakulo sa mga sanggol. Ang paglabag sa nasabing moralidad lang ang naging kongkretong itsura ng kahirapan. Tulak at hatak din ito ng kahirapan, hindi kusa at malayang pinili. Sa mga nasusuklam sa naganap, may konserbatibo ang moralidad at may nakakaunawa sa kahirapan.

(10) May sipi si Richard Bolisay, kritikong pampelikula, sa pelikulang Aliwan Paradise kaugnay ng isyu ni Willie: “Nasa paglalantad ng ating tunay na kalagayan ang bagong bagong aliwan. At ang bagong bagong entertainer, marunong gumamit ng kahirapan.” Ani Walter Benjamin, palaisip na Marxista, ang pagkatiwalag sa sarili (self-alienation) ng tao “ay umabot na sa puntong kaya niyang danasin ang sariling pagkawasak bilang pinakamataas na klase ng kaligayahang estetiko” – bagay na paborable sa pasismo.

03 Abril 2011