Istorya ng Linggo

Kung bakit ayaw ni Noynoy sa makabuluhang dagdag-sahod


Kung gusto, maraming paraan. Kung talagang ayaw, maraming dahilan. Angkop ito sa posisyon ng administrasyong Aquino sa panukalang makabuluhang dagdag-sahod ng mga manggagawa: Maraming palusot ang pangulo, dahil mas pabor siyang manatili ang malalaking kita ng mga kapitalista kaysa tugunan ang pangangailangan ng naghihikahos nang Pilipinong manggagawa.

Makabuluhang dagdag-sahod ang panawagan ng mga manggagawang pinamumunuan ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Kabilang ito sa mga dadalhin nilang panawagan sa darating na kilos-protesta sa Araw ng Paggawa, Mayo 1. (Ilang-Ilang Quijano)
Makabuluhang dagdag-sahod ang panawagan ng mga manggagawang pinamumunuan ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Kabilang ito sa mga dadalhin nilang panawagan sa darating na kilos-protesta sa Araw ng Paggawa, Mayo 1. (Ilang-Ilang Quijano)

Kung anu-anong dahilan at palusot ang mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon para di makabuluhang magtaas ng sahod ng mga manggagawa.

Sa mga pagkakataon at lugar na itinataas ang sahod, kakarampot ito, di nakasasapat. Di makahulagpos ang mga manggagawa sa tindi ng kahirapan. Marinig lamang ng mga kapitalista ang pagsigaw ng mga manggagawa ng “Sahod Itaas, Presyo Ibaba!” tila allergic na kumakaripas ng takbo ang mga ito sa mga ahensiya ng gobyernong magtatanggol sa kanila, tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE) at, siyempre, Malakanyang.

Sa datos ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), mabilis ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin sa average na 5.3 porsiyento mula 2001, samantalang ang pagtaas ng minimum na sahod sa parehong panahon ay tumaas lamang ng 3.43 porsiyento. Malinaw umanong kakarampot ang minimum na sahod na ibinibigay ng mga regional wage board kumpara sa pagtaas ng mga bilihin.

Sa nagdaang mga taon, lumaki diumano ang patlang ng arawang sahod at ang halagang kinakailangan upang mabuhay ang isang pamilya.

Minimun na arawang sahod

NCR

Halaga ng arawang pamumuhay Kakulangan
2001 P252 P509 P257
2011 P404 P957 P553

Ang pinakahuling pagtaas ng sahod na inaprubahan ng regional wage board para sa National Capital Region ay noong Hulyo, 2010 sa halagang P22. Magkakaiba ang pagtaas nito batay sa mga rehiyon, at klase ng industriya.

Bakit atubili ang gobyerno sa dagdag-sahod?

Nitong Abril 7, sa press conference sa Malakanyang, sinabi ni Ricky Carandang, kalihim sa Presidential Communications Development and Strategic Planning, na hindi sang-ayon ang administrasyong Aquino sa panukala ng mga manggagawa na pagsasabatas sa P125 dagdag-sahod dahil may tataas ang mga bilihin at titindi ang inflation itinaas ang sahod. At kung tumaas muli ang mga bilihin, muling hihingi ang mga manggagawa ng dagdag-sahod. Ito, ani Carandang, ang tinatawag na “inflationary spiral.”

“Kung babasahin mo ang mga teksbuk sa economics, makikita mong may batayan ang mga sinasabi kong ito,” ani Carandang.

Kinatigan ito ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na nagsabing anumang dagdag-sahod na lampas sa P25 ay hindi makakabuti sa ekonomiya at malamang umano na makaambag sa pagtaas sa 5% ng inflation. Sinabi naman ng National Economic Development Authority (NEDA) na anumang pagtaas ng sahod ay magpapalobo sa tantos ng inflation hanggang sa 11%.

Ngunit ang hindi sinasabi ni Carandang, ng BSP at NEDA, hindi pagtaas ng sahod ang dudulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Matagal nang iniuugat ng progresibong mga ekonomista mula sa Ibon Foundation at iba pang progresibong institusyon na pagtanggi ng mga kapitalista na mabawasan ang dambuhala nilang mga kita ang ugat ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin pagkatapos magkaroon ng dagdag-sahod.

Isa pa, ayon kay Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng sentro ng militanteng unyonismo sa bansa na Kilusang Mayo Uno (KMU), kahit naman walang dagdag-sahod, patuloy ang pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo. Katunayan, aniya, di hamak na mas marami at mas madalas ang pagtaas ng mga bilihin kaysa sa pagtaas – kahit kakarampot – ng sahod.

“Sa paninira sa panawagan para sa makabuluhang sahod, pinalalabas ng rehimeng Aquino na walang opsiyon ang mga manggagawa kundi tanggapin ang kakarampot nating sahod at gutom na mga tiyan,” sabi pa ni Labog.

Samantala, dahil sa maingay na kampanya ng KMU, gayundin ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM), Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) at iba pang progresibong grupo para sa dagdag-sahod, tila napipilitang sumagot ang Malakanyang. May mga miyembro ng gabinete, tulad ni Sek. Gregory Domingo ng Department of Trade and Industry (DTI), na napilitang umamin sa publiko na may pangangailangang itaas ang sahod dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin.

Pero agad namang pumreno si Domingo at sinabing “dapat katanggap-tanggap pa rin ang dagdag-sahod.” Ikinatwiran niya na 4% lamang ang dapat na taas dahil aabot sa 4% ang inflation (pagtaas ng presyo ng mga bilihin) sa ekonomiya. Makakatulong na umano ito sa mga manggagawa na konsyumer din.

Pero kakatwang kahit itong pahayag ni Domingo, binawi din agad ni Pangulong Aquino, sa araw mismong nagsalita ang kinatawan. Sinabi ni Aquino na kailangang umabot sa 5%, hindi 4%, ang inflation bago magbigay ng anumang umento sa mga manggagawa. Kasabay nito ang pagpaparinig ng DOLE na malamang magtaas ng sahod sa araw ng paggawa sa Mayo 1, o kaya’y magbigay ng non-wage benefits. Subalit idadaan ito sa mga regional wage board sa buong bansa.

Sinabi naman ni Carandang na nagkakaisa ang economic strategists ni Aquino na “hindi makakabuti sa ekonomiya ang P125 dagdag-sahod.”

Paliwanag ni Carandang, bahagi ito ng “malusog na debate” sa loob ng gabinete. Pero anumang progresibong tinig mula sa mga protesta na naririnig sa Palasyo ay nalulunod pa rin ng boses ng lobbyists ng malalaking grupo ng mga negosyante, mula sa Makati Business Club hanggang sa Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP).

Mukhang nais ding unahan ng gobyerno ang tumitinding panawagan sa pagsasabatas ng P125 across-the-board na dagdag-sahod sa pribadong sektor at P6,000 empleyado sa pampublikong sektor.

Ayon mismo kay Finance Undersecretary Gil Beltran, baka kailanganin ng dagdag-sahod para mas katanggap-tanggap ang posibleng pagsampa ng panukalang-batas ng administrasyon sa pagtaas ng buwis.