Pinoy Weekly

Matapos ang 7 buwan, labi ng pinaslang na OFW ‘di pa rin naiuuwi

Romilyn Eroy-Ibanez

Isang babaing Overseas Filipino Worker (OFW) ang hindi pa rin naiuuwi ang mga labi, pitong buwan matapos paslangin sa kusina ng kanyang employer, ayon sa grupong Migrante-Middle East.

Dahil sa umano’y kawalan ng aksiyon ng gobyerno, nananatili sa King Fahad Hospital sa Al-Khobar, silangang bahagi ng Saudi Arabia, ang 22-anyos na si Romilyn Eroy-Ibanez. Noong Setyembre 2010, natagpuan siyang naliligo sa kanyang sariling dugo at may mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

“Hanggang ngayon, hindi pa rin natin alam ang status ng kanyang kaso. Nakakuha na ba ang embahada ng Pilipinas ng police report? Sinu-sino ang mga suspek? Naghain na ba ng kaso sa korte?,” ayon kay John Leonard Monterona, coordinator ng Migrante-ME.

Inihayag ng grupo na pinagpapasa-pasahan lamang sila at ang pamilya ni Ibanez ng mga opisyal ng embahada at Department of Foreign Affairs, na hanggang ngayo’y walang maibigay na impormasyon hinggil sa kaso.

Samantala, bukod kay Ibanez, may labi ng lima pang mga OFW sa Gitnang Silangan na naghihintay ng repatriation, ayon kay Monterona. Tinukoy ang mga ito na sina Eduardo Vidal Jr., Eduardo Mendoza, Rodrigo Lampa, Leonido Reyes, at Allan Custodio.

“Kung ayaw ng gobyerno na mag-repatriate ng stranded at in distress na mga OFW, dapat man lang sana ay pagsikapan nila ang pagpapauwi ng bangkay ng nasawing mga OFW, para hindi na mapatagal pa ang paghihirap sa paghihintay ng kanilang mga mahal sa buhay,” aniya.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=12811

Posted by on Apr 10 2011. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes