Pagpatay kay Leonard Co, dalawa pang kasamahan, wala pa ring linaw sa DOJ


Idinaos ang ika-apat na pagdinig ng bagong panel ng Department of Justice (DOJ) sa kaso ng pagpatay sa tanyag na botanist na si Leonardo Co at dalawa pa niyang kasamahan sa Kananga, Leyte.

Mula kanan: Glenda Co, asawa ni Leonard CO, Atty. Espinosa abogado ng pamilyang Co at Atty. Dolly Cuevas ng CHR. (Macky Macaspac)
Mula kanan: Glenda Co, asawa ni Leonard CO, Atty. Espinosa abogado ng pamilyang Co at Atty. Dolly Cuevas ng CHR. (Macky Macaspac)

Idinaos ang ika-apat na pagdinig ng bagong panel ng Department of Justice (DOJ) sa kaso ng pagpatay sa tanyag na botanist na si Leonardo Co at dalawa pa niyang kasamahan sa Kananga, Leyte.

Sa naturang pagdinig, isa lamang sa tatlong miyembro ng DOJ Panel ang humarap sa mga abogado ng magkabilang panig dahil sa mga naunang komitment umano ng dalawa pang tagausig.

Bukod sa mga abogado ng magkabilang panig, sumipot din sa pagdinig ang isang abogadong kumakatawan sa Energy Development Corporation (EDC), kasama ang security supervisor ng EDC sa Kananga na si Art Veloso.

Kanilang isinumite sa panel ang isang audio recording diumano ni Ronino Gibe, isa sa mga nakaligtas sa masaker. Tumangging magbigay ng pahayag sa  Pinoy Weekly si Veloso hinggil sa nilalaman ng naturang audio recording.

Ngunit ang paniwala ng mga kaanak ni Co, maaaring recording ito ng usapan sa pagitan ni Veloso at Gibe habang nagaganap ang putukan noong Nobyembre 15, 2010. Inamin din ng taga-EDC na mayroon ding katulad na recording ang isa pang survivor na si Policarpio Balute at ipinangakong isusumite rin ito sa panel.

Ayon kay sa abogadong si George Yarte Jr., assistant state prosecutor, nais umano ng panel na pabilisin ang resolusyon ng kaso ngunit mayroon pa silang hinihintay na mga dokumento na may kaugnayan sa naturang kaso.

“Hindi naman nagpapatagal, kundi mayroon kasing mga request ang complainant, na sa tingin ng panel ay hindi necessary for the panel to consider, kasi kumpleto na yung records eh,” paglilinaw ni Yarte.  Diumano, nasa panel na ang pormal na reklamo, counter affidavit at report ng PNP-Kananga.

“Ang request ng complainant ay mga peripheral na lang, tulad ng fact-finding report ng CHR (Commission on Human Rights),” aniya. Idinagdag pa niyang hiwalay na pagdinig ang isinagawa ng CHR at tungkol lamang sa aspekto ng human rights violations samantalang ang sa DOJ ay para sa preliminary investigation.

Inatasan din umano ng panel ang militar na isumite sa susunod na pagdinig ang lahat ng pangalan ng militar na sangkot sa nasabing insidente, kasama na ang mga baril para sa ballistic examination.  Diumano, sa orihinal na reklamong naisampa sa DOJ, sampung sundalo lamang ang kasama.

“Sinulatan na namin si Col. Federico Tutaan na isumite ang lahat ng pangalan ng natitirang tatlong squad, upang maresolbahan na namin ito,” ani Yarte.

Sa panig naman ng CHR, hindi pa umano tapos ang pinal na ulat ng fact-finding investigation nila.  Ayon kay Atty. Dolly Cuevas kinatawan ng CHR, “As much as possible we want to make the report expeditiously. Pero kailangan kasing hintayin din ang ilang dokumento tulad ng ballistic examination para hind imaging bias ang report,” ani Cuevas, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Nanaliksik sina Co hinggil sa mga puno sa loob ng compound ng EDC sa Kananga nang magsimula ang pamumutok ng baril mula sa mga tauhan ng 19th Infantry Battalion ng Philippine Army noong Nobyembre 15, 2010. Ayon sa Army, mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army umano ang nakapaslang sa tatlo, ngunit itinanggi ito ng mga saksi na nabuhay na kasamahan ni Co.