Pinoy Weekly

Protesta kontra oil price hike, paglaban sa kahirapa’t pambubusabos

Pagtigil sa walang-habas na pagtaas ng presyo ng langis. Pagbasura sa Oil Deregulation Law. Pagsabansa ng industriya ng langis. Pagwakas sa kontrol ng dayuhang mga bansa sa industriya ng langis. Ito ang apat na panawagan ng iba’t ibang militanteng organisasyong naglunsad ng “pambansang protesta” noong Marso 31 sa kabila ng sunud-sunod na taas-presyo ng langis.

Pinangunahan ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM), aabot sa 3,000 katao ang nagmartsa at nagkaraban mula Welcome Rotunda sa Quezon City patungong paanan ng Mendiola Bridge sa Maynila para igiit ang naturang mga panawagan. Kasabay nito, naglunsad din ng protesta ang iba’t ibang militanteng grupo sa mga probinsiya. May mga naglunsad ng tigil-pasada para makiisa sa protesta.

Pambansang protesta sa Mendiola noong Marso 31: Simula pa lamang ng serye ng mga protesta laban sa kahirapan at pambubusabos, ayon sa KPMM. (KR Guda)

Pambansang protesta sa Mendiola noong Marso 31: Simula pa lamang ng serye ng mga protesta laban sa kahirapan at pambubusabos, ayon sa KPMM. (KR Guda)

“Ang kasakiman ng Big 3 Oil Cartel (Shell, Caltex, Petron) para magkamal ng kita, kasama ang pakikipagkutsaba ng gobyernong Aquino sa kartel, ang nagtulak sa aming maglunsad ng protestang bayan ngayon,” pahayag ni Larry Tan, tagapagsalita ng KPMM at pangalawang tagapangulo ng National Food Authority Employees Association.

Tinawag ng KPMM na “insensitibo” si Pangulong Aquino sa pag-utos umano niya ang regional wage boards na magpatupad ng pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa kung umabot sa 5% ang inflation rate ng bansa.

“Mahigit sampung taon na ngayon, wala pang natatanggap ng isahang malaking taas-sahod ang mga manggagawa, habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin, nagtaas ang pamasahe sa mga bus at dyipni, at walang habas ang pagtaas ng presyo ng langis,” paliwanag ni Tan.

Sinusuportahan ng KPMM ang panukalang P125 across-the-board na dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sinabi ni Tan na simula pa lamang ang naturang protesta ng serye ng mga pagkilos ng mga manggagawa at mga mamamayan bilang tugon sa matinding kahirapan at kagutuman sa bansa.

“Hindi kami titigil hangga’t hindi pinakikinggan ng gobyernong Aquino ang mga panawagan namin at magbigay ng agarang pang-ekonomiyang pag-alwan sa amin,” sabi pa ni Tan.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=12700

Posted by on Apr 2 2011. Filed under Istorya ng Linggo, Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes