Kababaihan

Kababaihan tutol sa dagdag-pasahe, panibagong taas-presyo ng langis kinondena


Tinutulan ng grupong pangkababaihan na Gabriela ang petisyon ng ilang grupong transport na dagdagan ng P2 ang minimum na pasahe.

Nagpiket sa harapan ng LTFRB ang kababaihang tutol sa dagdag-pasahe. (Macky Macaspac)
Nagpiket sa harapan ng LTFRB ang kababaihang tutol sa dagdag-pasahe. (Macky Macaspac)

Tinutulan ng grupong pangkababaihan na Gabriela ang petisyon ng ilang  grupong transport na dagdagan ng P2 ang minimum na pasahe.

Dagdag-pasanin lamang sa mahihirap na komyuter ang panukalang dagdag-pasahe, sabi ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

“Ramdam din ng kababaihan at mga pamilya nito ang sobrang taas ng presyo ng langis dahil tumataas din ang ang presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain, elektrisidad, tubig pati na ang LPG,” ani Linaban.

Naunang ikinatwiran ng ilang transport group tulad ng Pasang Masda na ang dahilan ng kanilang hinihinging dagdag-pasahe ay ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa legal opposition na isinumite nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sinabi ng Gabriela na hindi napapanahon at hindi makatwiran ang hinhinging dagdag-pasahe ng Pasang Masda, Fejodap, Ltop, NTU, Altodap at Acto.

“Gabriela opposes the petition for PUJ fare hike for the the reason that the requested fare hike at this time is not justified and petitioners failed to present any valid and compelling reason for this Honorable Board to grant their petition,” bahagi ng kanilang petisyon.

Nagpiket din ang Gabriela sa harapan ng isang gasolinahan ng Petron para ihayag ang muling taas-presyo ng gasolina kamakailan. (Macky Macaspac)
Nagpiket din ang Gabriela sa harapan ng isang gasolinahan ng Petron para ihayag ang muling taas-presyo ng gasolina kamakailan. (Macky Macaspac)

Sinabi pa ni Linaban na tiyak na anumang dagdag-pasahe sa mga jeepney ay lalong presyur sa mga pamilyang kakarampot ang sahod.

Ipinunto ng Gabriela na sa taong 2011 lamang, tumaas ang singil-kuryente ng P.44 kada kilowatt hour, at P5.7 per cubic meter naman sa tubig. Kamakailan, tumaas naman ang LPG ng P1.50 kada kilo.

“ Kuba na ang mga mamamayan sa hirap at kung aaprubahan pa ng gobyerno ang fare hike, tiyak na gagapang na tayo sa hirap,” ani Linaban.

Sinabi pa ng Gabriela na sa halip na humingi ng dagdag-pasahe ang mga transport group, hinikayat nila na sumama ang mga ito sa panawagang irolbak ang presyo ng langis, pagtigil sa overpricing at pagmamanipula ng presyo ng “Big 3” na Shell, Caltex at Petron.

Hiniling din nila sa mga grupong transport na ito na maki-isa sa panawagang alisin  ang Value Added Tax o VAT sa mga produktong petrolyo, sa halip na ipasa ito sa mga komyuter.

Kinondena rin naman ni Linaban ang panibagong pagtaas ng 80 sentimo kada litro sa presyo ng unleaded gasoline at 85 sentimo sa regular gasoline.