‘Brigada Kaldero’ inilunsad laban sa mataas na presyo ng pagkain, langis


Inilunsad ng grupong Bantay Bigas noong Mayo 20 ang “Brigada Kaldero,” isang serye ng mga protesta laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pagkain at produktong petrolyo. Ayon kay Lita Mariano, tagapagsalita ng Bantay Bigas, hindi mapagpasyang umaaksiyon ang administrasyong Aquino sa pagtaas ng presyo ng langis na nagresulta sa pagtaas ng presyo […]

Nagprotresta ang mga miyembro ng Bantay Bigas laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pagkain at produktong petrolyo. (Contributed photo)

Inilunsad ng grupong Bantay Bigas noong Mayo 20 ang “Brigada Kaldero,” isang serye ng mga protesta laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pagkain at produktong petrolyo.

Ayon kay Lita Mariano, tagapagsalita ng Bantay Bigas, hindi mapagpasyang umaaksiyon ang administrasyong Aquino sa pagtaas ng presyo ng langis na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain.

“Ang kailangan ay baligtarin ang polisiyang deregulasyon ng langis at pagbuwag sa monopolyo na pinalalakas ng deregulasyon. Ang tanging ipinatutupad ni Pangulong Aquino ay barya-baryang populistang solusyon tulad ng subsidyo sa langis at subsidyo sa bigas para sa mga magsasaka at mangingisda para masuhayan ang kanyang bumababang popularidad,” sabi ni Mariano.

Sa pag-aaral na ginawa ng Bantay Bigas, lumalabas na tumaas ng 28-29 porsiyento ang konsumo ng langis ng mga magsasaka na nagresulta sa 7-10 porsiyentong gastos sa produksiyon ng palay. Tinatayang 10-17 porsiyento naman ang nawawala sa kita ng mga magsasaka.

Sinabi pa ng grupo na insulto sa mga magsasaka ang subsidyo sa bigas na ipinatutupad ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para makatulong umano sa mga mahihirap na magsasaka at mangingisda na apektado ng pagtaas ng mga presyo.

“Hindi kailangan ng mga magsasaka ng mga ‘dole out’. Ang panawagan namin ay ipatupad ng gobyerno ang mandato ng National Food Authority (NFA) na tiyaking sapat ang pangangailangan sa pagkain ng bansa sa pamamagitan ng pagbili sa hindi bababa sa 10 porsiyento ng palay at gawing abot-kaya ang presyo nito sa kalakhan ng mamamayang Pilipino,” giit ni Mariano.

“Ipinagyayabang ng Department of Agriculture (DA) ang magandang ani pero walang ginagawa ang administrasyong Aquino para tiyaking tama ang presyong nakukuha ng mga magsasaka para sa kanilang ani. Kung maganda ang ani at sapat ang suplay ng bigas, bakit nakapako sa Php28.00 per kilo ang pinakamababang presyo ng bigas sa merkado?” dagdag pa ni Mariano.

Ipinanawagan din ng Bantay Bigas ang pagbabalik ng Php 18.25 na presyo ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa merkado at sa pagpapatupad ng polisiya ng katiyakan sa pagkain na isinasaad sa mandato ng NFA.

“Sa halip na mga programang ‘dole out’ at mga subsidyo sa langis, bigas kabilang na ang programang conditional cash transfer (CCT) ng DSWD, dapat baligtarin ng administrasyong Aquino ang batas deregulasyon sa langis, at sa halip na isapribado ang NFA, dapat nitong tuparin ang katiyakan sa pagkain sa pamamagitan ng mandato ng NFA,” sabi pa ni Mariano.

Itinutulak rin ng grupo ang pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) at ng Rice Industry Development Act (RIDA) na anila’y magbibigay ng matagalang solusyon sa problema sa bigas at katiyakan sa pagkain sa bansa.