Rice-for-All Program, hindi sapat na tugon sa krisis
Ani Cathy Estavillo ng Amihan National Federation of Peasant Women, kung talagang nais ng gobyerno na gawing mas mura ang bigas, dapat suportahan ang mga magsasaka para palakasin ang lokal na produksiyon.
Limitado at pansamantala lang ang Rice-for-All Program ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. ayon sa Amihan National Federation of Peasant Women (Amihan) at Bantay Bigas.
Nilalayon umano ng programa na magbigay ng libreng bigas sa mga pamilyang Pilipino upang matulungan sila sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon sa Amihan, hindi sapat ang programa na sinimulan noong Ago. 2 ng Department of Agriculture bilang pangmatagalang solusyon sa krisis sa bigas sa bansa.
“Paano sasabihing for all ito kung limitado lamang sa apat na Kadiwa stores sa halip na ibenta sa lahat ng pampublikong palengke sa buong bansa?” tanong ni Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas.
Ayon kay Estavillo, walang laman ang programa dahil nakabase ito sa importasyon at pagbababa ng taripa sa bigas sa 15%.
Umaasa rin ito sa limitadong suplay at pabago-bagong presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado na nagpapabansot sa lokal na produksiyon ng bigas sa bansa.
Dagdag ni Estavillo, kung talagang nais ng gobyerno na gawing mas mura ang bigas, dapat nitong suportahan ang mga magsasakang Pilipino para palakasin ang lokal na produksiyon.
Ayon sa mga grupo ng magbubukid, mahalaga ang paparating na anihan mula Setyembre hanggang Nobyembre upang masiguro ang sapat na suplay at abot-kayang presyo ng bigas. Kailangan masiguro ng pamahalaan na may sapat na suporta ang mga lokal na magsasaka.
“Dapat tiyakin na malawakang makapamili ang NFA (National Food Authority) ng palay direkta sa mga magsasaka at tiyakin na hindi bababa sa P20 kada kilo,” ani Estavillo.