KMP at Amihan: P20 na bigas sa Visayas, panakip-butas


Ayon sa mga grupo ng magsasaka, bahagi ito ng pagsisikap ng administrasyong Marcos Jr. na ipakita na kaya pang tuparin ang matagal nang pangako na murang bigas. Hindi anila ito magiging sapat o pangmatagalang solusyon sa malalim na krisis sa bigas.

Inanunsiyo ng Department of Agriculture (DA) ang paglulunsad ng P20 kada kilo na bigas sa Negros at Cebu nitong Abril 23. Bahagi ito ng proyekto ng administrasyong Marcos Jr. para umano matulungan ang mga mahihirap na sektor sa pamamagitan ng pagbibigay ng abot-kayang pagkain.

Ayon sa ulat ng Radyo Pilipinas, inutos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa National Food Authority na simulan ang pagdadala ng suplay ng bigas sa Visayas bilang paghahanda para sa paglulunsad ng programang P20 kada kilo na bigas. 

“Bumaba na ang presyo ng world market at bumaba na ang presyo ng bigas in general,” sabi ni Laurel sa isang talumpati. 

Pinabulaanan naman ito ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Ayon sa kanilang datos, simula nang maipasa ang Rice Tariffication Law noong 2019, patuloy na tumaas ang presyo ng bigas.

Mula sa dating karaniwang presyo na P37.40 kada kilo bago ipatupad ang nasabing batas, umakyat ito sa P40.90 sa mga sumunod na taon.

Noong 2022, matatandaan na ipinangako ni Marcos Jr. ang P20 na bigas bilang bahagi ng kanyang kampanya sa pagkapangulo. 

Sa magkasamang pahayag ng KMP at Amihan National Federation of Peasant Women, bahagi ito ng pagsisikap ng administrasyong Marcos Jr. na ipakita na kaya pang tuparin ang matagal nang pangako na murang bigas. Hindi anila ito magiging sapat o pangmatagalang solusyon sa malalim na krisis sa bigas.

Paliwanag ni Cathy Estavillo, secretary general ng Amihan at ikalawang nominado ng Gabriela Women’s Party, maaaring lalo pang bumagsak ang presyo ng palay dahil hindi malayong gamitin ng mga trader ang P20 kada kilo na bigas bilang dahilan upang tawaran pa lalo ang mga magsasaka.

“Sa Leyte, nasa P12 hanggang P14 kada kilo ang palay. Umaaray at umiiyak na ang mga magsasaka, tapos ngayon, mas lalo pa silang mapipilitan sa pagbebenta ng palugi,” wika ni Estavillo

Sabi naman ni KMP chairperson at Makabayan Coalition senatorial candidate Danilo Ramos, posibleng ginagamit itong taktika upang makuha ang boto ng mga nasa rehiyon ng Kabisayaan dahil maka-Duterte ang kalakhan ng mga tao dito.

“Kung sa Cebu ito unang ipatutupad, malinaw na may halong kampanya at motibong pulitikal,” ani Ramos.

Nito lang Mayo 2, nagkaroon ng pulong ang KMP hinggil sa P20 na bigas kung saan binigyang-diin ang isang malaking tanong kung bakit sa Visayas lang ito ipinatupad. 

Ayon sa grupo, pinapaasa ng gobyerno ang mamamayan na mayroong murang bigas upang gamiting instrumento para makuha ang boto ng mga mamamayan sa Visayas.

Para sa KMP, habang umiiral ang Rice Tariffication Law, hindi makakamit ang nais ng malawak na bilang ng mamamayan na P20 kada kilo na bigas dahil nananatiling liberalisado ang industriya sa agrikultura.

Para naman kay Estavillo, hangga’t importasyon ang nakikitang solusyon ng gobyerno sa kakapusan ng pagkain, mananatiling mataas ang presyo ng bigas. 

Panawagan ng mga grupo ng magsasaka na magkaroon ng tunay na pagbaba sa presyo ng bigas, subsidiyo sa produksiyon at tunay na reporma sa lupa.