Kababaihan

Binhi ng paglaban: Buhay at panawagan ni Nanay Zen


Ang kanyang kuwento at panawagan ay kuwento at panawagan din ng libo-libong kababaihang magsasaka na nagtataguyod ng produksiyon ng pagkain sa bansa.

“‘Yong nanay at tatay ko noon ay magsasaka. Noong bata pa ako, tumutulong ako sa kanila sa bukid,” pagbabalik-tanaw ni Zenaida Soriano, o mas kilala bilang Nanay Zen, organisador at pambasang tagapangulo ng Amihan National Federation of Peasant Women.

Sa Laguna siya lumaki, sanay na nakalubog ang mga paa sa putik ng palayan at nakikisalo sa pagtatanim ng gulay at palay ng kanyang mga magulang.

Doon niya unang itinanim ang binhi ng pag-oorganisa: ang kanyang ugnayan sa lupa at ang kanyang pagtatanong kung bakit tila wala silang lugar sa lupang tinataniman.

Hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral. “Inuuna ng mga magulang ko ang lalaki dahil iyon ang paniniwala noon. Kami namang babae, mag-aasawa lang naman daw,” aniya. Maaga niyang nasaksihan ang pagkakaiba ng tingin sa babae at lalaki sa kanayunan.

Nagsalita sa inilunsad na pagkilos si Nanay Zen sa harap ng Department of Agriculture bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihang Magsasaka noong Okt. 15, 2022. Larawan mula kay Luisa Elago

“Ang nag-udyok sa akin sa pag-oorganisa ng kababaihang magsasaka ay ang hirap na dinaranas namin sa kanayunan. Maraming kababaihan noon ang nabibiktima ng sex trafficking. Luluwas sila sa Maynila, pero ipapasok pala sila sa [prostitusyon],” sabi niya. “Kaya naisip ko, ano na ang nangyayari sa ating bansa?”

Kasabay nito, ramdam at nasaksihan niya ang bigat ng kahirapan sa pagtatanim.

“Dati hindi kami nagpapalit ng binhi. Noong dumating ang mga bagong binhi ng gobyerno, napilitan kaming bumili. Malaking gastos iyon. Wala ka nang kinikita, tumataas ang presyo ng produksiyon, tapos makikiparte pa kami sa may-ari ng lupa na sinasaka namin,” ani Soriano.

Sa sistemang 70-30 o minsan 60-40, halos walang naiiwan sa mga magsasaka na wala namang sariling lupang tinataniman.

Sa kanyang pagdanas ng kahirapan, diskriminasyon at kawalan ng lupa, hinubog si Nanay Zen bilang magsasaka at bilang organisador.

Ang kanyang kuwento at panawagan ay kuwento at panawagan din ng libo-libong kababaihang magsasaka na nagtataguyod ng produksiyon ng pagkain sa bansa ngunit iniinda ang patong-patong na kahirapan.

“Hindi lang doble pasanin ang nararanasan ng kababaihan sa bukid. Nagtatrabaho sila sa sakahan pero hindi sila kinikilala bilang mahalagang puwersa sa produksiyon. Ang tingin sa kanila ay katulong lang ng asawa,” paliwanag ni Nanay Zen.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, mula 2007 hanggang 2016, humigit-kumulang 25% ng mga manggagawa sa agrikultura ay kababaihan.

Gayunpaman, ayon sa Philippine Commission on Women, hindi lubos na nasasalamin sa opisyal na mga datos ang aktuwal na trabaho ng kababaihan dahil karaniwang itinuturing itong karugtong lang ng gawaing bahay at hindi kinikilala bilang trabaho. Dahil dito, nananatiling kapos ang naitatala na ambag ng kababaihan sa agrikultura.

Mga kababaihang magsasaka sa Laguna na nagtatanim sa 1.8 ektaryang palayan habang kumikita lamang ng P285 ang bawat isa sa 44 na manananim. Larawan mula sa Amihan National Federation of Peasant Women

Hindi natatapos sa bukid ang kanilang trabaho. Inaako rin nila ang gawaing bahay, pag-aalaga ng anak at pag-aasikaso sa pamilya.

“Discriminated pa rin kaming kababaihan sa bukid. Kapag maarawan o mainitan, kulang ang serbisyong pangkalusugan lalo na sa malnourishment. Lalo na kaming mga nanay, imbis na kainin ko na, ibibigay ko pa sa anak ko. Kung ano lang tira-tira, iyon ang kakainin ko,” kuwento ni Nanay Zen.

Kapag tapos na ang anihan o off-season, rumaraket pa rin ang kababaihang magsasaka.

“Pumapasok sila sa ibang trabaho, nagtitinda o naglalabada. Mayroon ding kumukuha sa kanila bilang sub-contractor ng paggawa ng straw para sa mga juice. Isang sako, P39 lang ang bayad. Habang nagluluto, nagsusupot sila ng straw at sinasako. Sinasabi nila, maigi na kaysa walang pandagdag sa bahay,” dagdag niya.

Ngunit hindi natatapos sa tatlong pasanin ng kababaihang magsasaka. Dumagdag pa ang epekto ng climate change.

“‘Yong tubig halos natutuyo na. Kapag umuulan, bumabaha agad. Kapag umaaraw naman, natutuyo agad. Kalbo na ang bundok dahil marami nang ginagawang subdivision at windmill. Kaya ngayon hindi na namin masabi kung tag-ulan o tag-init,” aniya.

Ayon sa National Irrigation Administration noong 2022, patuloy na tinatamaan ng tagtuyot ang produksiyon ng bigas sa bansa. Dahil mababa pa rin ang antas ng irigasyon, mas ramdam ito ng maliliit na magsasaka.

Sa tala ng Amihan noong 2023, sa isang baryo sa Camarines Sur, bumaba mula 80 kaban tungo sa 50 kaban ang ani ng palay sa isang ektarya dahil sa tagtuyot. Katumbas ito ng 37.5% na pagbagsak.

Balatengga ng Amihan sa People’s SONA: Sona ng Paniningil noong Hulyo 2025. Larawan mula sa Amihan National Federation of Peasant Women

Hindi rin sapat ang tugon ng gobyerno. “Tinatanong lang kami kung ano ang nasira pero walang ayuda o kompensasyon,” giit ni Nanay Zen.

Dahil dito, maraming magsasaka ang napipilitang iwan ang pagsasaka matapos tatlong sunod-sunod na pagkalugi.

Dagdag pa ang patuloy na pag-angkat ng bigas ng gobyerno na pumipilay sa lokal na produksiyon.

“Ang solusyon lang ng gobyerno ay mag-import ng bigas. Kaya mayroong Rice Liberalization Law na dapat nang i-repeal dahil limang taon nang lugi ang mga magsasaka. Murang-mura binibili ang palay ng mga magsasaka pero napakamahal naman ng bigas sa merkado,” dagdag niya.

Hindi lang gutom at kahirapan ang iniinda ng kababaihang magsasaka. Kasabay nito ang militarisasyon at pang-aabuso ng gobyerno.

Nitong Ago. 6, 2025, pinagtibay ng Manila Regional Trial Court Branch 18 ang freeze order ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa dalawang bank account ng Amihan. Kinasuhan sila sa ilalim ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.

“Tinuturo nila [kami] sa Amihan National at ang chapter namin na Amihan sa Northern Mindanao. Pero may sarili kaming [Securities and Exchange Commission] registration, may sarili rin ang Amihan Northern Mindanao. Hindi naman kami armadong grupo at legal kami,” paliwanag ni Nanay Zen.

Dagdag pa niya, ginagamit ang mga fake surrenderee para maglabas ng mga imbentong testimonya laban sa kanila kahit hindi naman nila kilala ang mga ito. Aniya, bahagi ito ng mas malawak na estratehiya na “whole-of-nation-approach” ng gobyerno laban sa mga progresibong organisasyon, lalo na sa mga magsasaka.

Protesta ng Amihan kasama ang iba’t ibang progresibong organisasyon sa harap ng House of Representatives para tutulan ang Rize Liberalization Law, Ago. 20, 2025. Larawan mula sa Amihan National Federation of Peasant Women

Ayon sa Pesticide Action Network Asia Pacific, Pilipinas ang itinuturing na pinakamapanganib na bansa sa Asya para sa mga magsasaka, katutubo at aktibistang nagtataguyod ng karapatan sa lupa. Noong 2024, anim na kaso ng pamamaslang na may kaugnayan sa lupa ang naitala sa bansa na kumitil ng siyam na biktima.

“Ang mga [sundalo] mismo ang naghahasik ng lagim sa kanayunan. Laging natatakot ang mga kababaihang magsasaka na lumabas kasama ang mga bata kasi may pagbobomba sa komunidad at palayan nila,” ani Nanay Zen.

Pinakabulnerable ang mga kababaihan, aniya, dahil sa mga kaso ng panghaharas, pang-aabuso, at mga kababaihang pinipilit o nililigawan ng militar para gawing impormante sa mga komunidad.

Sa ilalim ng Asean Women, Peace and Security Agenda, isa sa mga layunin ang tiyakin ang proteksiyon ng karapatan ng kababaihan, kabataan at mga batang babae, partikular ang mula sa mga marhinadong sektor, laban sa lahat ng anyo ng karahasang nakabatay sa kasarian sa panahon ng armadong tunggalian, sigalot at krisis. Kasama rito ang bansa na pormal na nangakong isusulong ang ganitong proteksiyon.

Ngunit malinaw sa mga karanasan ng mga kababaihang magsasaka na kabaligtaran ang dinaranas nila sa kanayunan.

Nakilahok ang Amihan sa pagkilos ng taumbayan laban sa mga atake sa kanayunan at karapatang pantao. Larawan mula sa Amihan National Federation of Peasant Women

Para kay Nanay Zen, ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa ay ang kahirapan sa kanayunan na hindi sapat na tinutugunan ng gobyerno.

“Magkakaroon lang ng kapayapaan kapag hindi na naghihirap ang mamamayan. Kapag hindi na umaasa ang produksiyon ng bansa sa dayuhan at mayroon nang pambansang industriyalisasyon na kayang pakainin ang mga mamamayan,” aniya.

Dagdag pa niya, hindi hiwalay ang hangarin ng kababaihang magsasaka sa matagal nang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa.

“Dapat maging bukas na [ang gobyerno] sa usapang pangkapayapaan sa bansa dahil ang kapayapaan para sa kababaihang magsasaka ay kapag may lupa na kaming sinasaka, kapag hindi na kami nalulugi at kapag nirerespeto na ang papel namin bilang mahalagang puwersa sa produksiyon.”

Kung paanong paulit-ulit ang siklo ng pagtatanim at pag-aani, paulit-ulit ding isinusulong ng kababaihang magsasaka ang kanilang panawagan para sa lupa at pagkain.

At hangga’t may mga tulad ni Nanay Zen na humuhugot ng lakas mula sa sariling karanasan at pag-oorganisa sa hanay ng mga kababaihang magsasaka, mananatiling buhay ang binhi ng paglaban para sa isang masagana at mapayapang bukas.